Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Kailangang tumayo ang usapang pangkapayapaan sa pundasyon ng mga nakaraang kasunduan

 Read this article in English

Kontra sa walang patumanggang todo-digma ng ibinagsak na rehimeng Estrada, idinidiin ngayon ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang paggamit sa usapang pangkapayapaan sa pagharap sa rebolusyonaryong kilusan. Upang suhayan ito, idineklara ni Macapagal-Arroyo ang "upisyal na pagwawakas" ng patakarang all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front at inianunsyo ang pagpapalaya ng 73 sa 254 bilanggong pulitikal.

Nitong Pebrero 9, hinirang si dating Justice Sec. Silvestre Bello III kasama ang apat na iba pa sa panel na makikipagnegosasyon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sa panig ng NDFP, muling hinirang si Kasamang Luis Jalandoni bilang pinuno ng panel nito na makikipag-usap sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Katulad ng ipinakita nito sa nakaraan, nakahanda ang NDFP na harapin ang GRP upang pag-usapan ang mga isyu na nasa ugat ng armadong tunggalian. Ang usapang pangkapayapaan ay karagdagang larangan ng pakikibaka na segundaryo sa armadong pakikibaka at sa rebolusyonaryong kilusang masa. Lumalahok dito ang rebolusyonaryong kilusan nang walang ilusyong malulutas ang mga saligang suliranin ng mamamayan o na sinsero sa kapayapaan ang GRP.

Sa nakaraan, ang GRP ang naging pinakamalaking hadlang sa pagsulong ng usapang pangkapayapaan. Sa pilit nitong pagtangging kilanlin ang NDFP bilang kapantay sa usapang pangkapayapaan, sinabotahe nito ang mga nabuong kasunduan na siyang dahilan ng paulit-ulit na pagbagsak ng usapan.

Panindigan ang mga nakaraang kasunduan!

Lampas sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal o sa pag-aanunsyo ng pagwawakas ng patakarang all-out war ang dapat gawin ng rehimeng Macapagal-Arroyo upang muling simulan ang usapang pangkapayapaan. Obligasyon nitong kilalanin ang mga nauna nang kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP. Malinaw ang pagkakasunudsunod ng adyenda na itinakda sa The Hague Joint Declaration na nilagdaan ng magkabilang panig noong Setyembre 1, 1992. Nilaman ng kasunduang ito ang layunin, balangkas at substantibong adyenda sa usapang pangkapayapaan at ang mga prinsipyong katanggap-tanggap sa magkabilang panig na magiging gabay dito.

Pinagtibay na ng mga prinsipal ng magkabilang panig ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL. Ang iba pang adyenda, ayon sa pagkakasunud-sunod, ay ang repormang sosyoekonomiko; repormang konstitusyunal at elektoral; at ang dispusisyon ng mga pwersa.

Matamang tumalima ang NDFP sa balangkas na itinakda ng magkasamang kasunduang ito. Wala itong ibang kundisyong ipinapataw sa GRP sa usapan at sa katunayan, patuloy ito sa pagsasagawa ng mga aksyon ng kabutihang-loob upang patunayan ang kaseryosohan sa negosasyon gaya ng pagpapalaya sa mga bihag ng digma. Taliwas dito, garapal ang rekord ng rehimeng Ramos at Estrada sa paglabag dito. Bukod sa paggigiit na ang konstitusyon ng GRP ang gawing balangkas ng pag-uusap kontra sa isinasaad ng The Hague Joint Declaration, nais pa nitong pasukuin ang NDFP at iabanduna nito ang armadong pakikibaka.

Napagkasunduan din ng NDFP at GRP noong Hunyo 14, 1994 sa Breukelen Joint Declaration na sa isang nyutral na bansa idaraos ang pormal na negosasyon. Pinanindigan ito ng NDFP at hindi ito natangay sa panlilinlang ng mga nagdaang rehimen sa panukalang sa Maynila idaos ang usapan; sa lokalisadong usapang pangkapayapaan at tigil-putukan.

Nagbigay ng proteksyon sa mga kinatawan ng NDFP at GRP na kalahok sa negosasyon ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na nilagdaan noong Pebrero 24, 1995 habang tiniyak naman ng Joint Agreement on the Formation, Sequence and Operationalization of the Reciprocal Working Committees (Hunyo 26, 1995) ang maayos na pag-uusap sa unang substantibong adyenda � ang usapin ng karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Itaguyod ang CARHRIHL!

Naging dagdag na sandata ng sambayanang Pilipino ang CARHRIHL na nilagdaan ng negotiating panel ng magkabilang panig noong Marso 16, 1998. Si Kasamang Mariano Orosa ang lumagda bilang prinsipal ng NDFP noong Abril 10, 1998 samantalang Agosto 7, 1998 ito nilagdaan ni Estrada. Buung-buo at walang pagtatangi itong ipinatutupad at patuloy na ipatutupad ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa. Makasaysayang dokumento ito dahil tinugunan nito ang aspirasyon ng sambayanang Pilipino na igalang ang kanilang karapatan at testamento ito ng pag-amin ng reaksyunaryong estado sa usapin ng malawakang paglabag sa mga karapatang-tao. Kinumpirma rin ng dokumentong ito ang kapantay na katayuan ng NDFP sa GRP.

Nilaman ng CARHRIHL ang buong saklaw ng karapatang-tao. Ginarantiyahan nito ang karapatan ng lahat ng demokratikong uri at sektor sa lipunan laban sa pagsasamantala at pang-aapi. Naglaman din ito ng mga karagdagang probisyon sa internasyunal na makataong batas sa digmaan at nagtaglay ng mas mataas na pamantayan kaysa sa Protocol I ng Geneva Conventions ng 1949.

Itinalaga ng NDFP si Kasamang Fidel Agcaoili bilang pinuno ng joint monitoring committee na susing bahagi at malinaw na pangangailangan sa pagpapatupad ng CARHRIHL. Samantala, hindi na nakabuo ng katulad na komite ang rehimeng Estrada. Sa halip na itaguyod ang pinasok na kasunduan, binalewala ito at gumawa ng sunudsunod na paglabag, pagmamaniobra at pananabotahe na naging daan para sa tuluyang pagbagsak ng usapang pangkayapaan.

Susulong lamang ang usapang pangkapayapaan kung magkakaroon ng pagkilala ang bagong rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga kasunduang ito laluna sa pagpapatupad ng CARHRIHL. Sa nakaraan ang mga nasabing kasunduan ay ibinasura ng mga nagdaang rehimen upang pagtakpan ang kawalan ng matinong adyenda sa usapan.

 


Previous articleBack to topNext article

Pebrero 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang mga tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay ng reaksyunaryong eleksyong 2001

Lacson: Berdugo, trapo
Ang patuloy na pamamayagpag ng mga pamilya at kroni ni Joseph Estrada
Kailangang tumayo ang usapang pangkapayapaan sa pundasyon ng mga nakaraang kasunduan
Palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal!
Balik-tanaw sa modelo ni Gloria Macapagal-Arroyo:
Ang papet na rehimeng Macapagal (1962-65)

Mga Ulat Koresponsal:
Balita mula sa rehiyon ng Cagayan Valley

Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.