Tungkol sa tumitinding pananalakay ng AFP sa MILF-BIAF
Komite Sentral Partido Komunista ng Pilipinas, 22 Pebrero 2000
Aroganteng probokasyon at lansakang paglapastangan sa umiiral na prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP ang malakihang opensibang militar ng AFP laban sa Camp Omar ng MILF-BIAF mula noong Pebrero 19, bisperas ng nakatakdang torno ng pag-uusap ng mga negotiating panel ng MILF at GRP.
Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang walang pangingiming pagsaksak ng AFP sa likod ng MILF-BIAF. Ang kataksilang ito ay malaking insulto sa usapang pangkapayapaan at sa kasunduan sa tigil-putukan sa pagitan ng MILF at GRP. Higit pa, nagdudulot ito ng labis na ligalig at pinsala sa karaniwang mamamayang Moro at di-Moro sa gitna at timog-kanlurang Mindanao.
Lubos na nasa katwiran ang MILF-BIAF na gawin ang lahat ng hakbanging militar, pulitikal, diplomatiko at iba pa para puspusang labanan at biguin ang buhong na pananalakay ng reaksyunaryong rehimeng USEstrada. Napakalinaw na ganap na pananagutan ng reaksyunaryo at uhawsa- dugong rehimeng US-Estrada ang hindi malayong tuluyang pagbagsak ng usapang pangkapayaan ng MILF at GRP at ang mas malawak at mas matinding armadong labanan.
Tungkulin ng Partido at lahat ng kaalyadong organisasyon nito sa NDF na ubos-kayang suportahan at tulungan ang mga rebolusyonaryo at progresibong pwersang Moro na walang patumanggang sinasalakay ng mga pwersang reaksyunaryo, papet at pasista na nakabase sa Maynila. Alinsunod ito sa kasunduan ng NDF at MILF sa kooperasyon at pagsusuportahan na pinirmahan noong Hulyo 24, 1999 at mahigpit na hinihingi ng rebolusyonaryong prinsipyo. Kaya nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas para sa ibayong pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba at mga protesta at pakikibakang masa sa kanayunan at kalunsuran sa buong kapuluan.
Sa tuwirang pamumuno ni Gen Angelo Reyes, hepe ng AFP, daan-daang tropa ng 2nd Scout Ranger Battalion at iba pang tropa ng AFP na suportado ng mga kanyon, mga eroplanong pandigma, tangke at sasakyang armored ang sumalakay sa Camp Omar sa Shariff Aguak, Maguindanao. Ang Camp Omar ay isa sa mga pangunahing kampo ng MILF na kinikilala ng GRP gaya ng itinatakda ng Second Joint Acknowledgment na pinirmahan ng mga panel ng dalawang partido noong Oktubre 6, 1999.
Ang kampo ring ito ang sinalakay ng mga tropa ng AFP noong Enero 9-12 habang abala ang MILF sa dasal na pagtapos sa Ramadan, ang pinakaimportanteng taunang pistang panrelihiyon ng mga Muslim sa buong mundo, bukod sa bisperas ng isa pang nakatakdang torno ng paguusap ng mga panel ng MILF at GRP.
Ang paulit-ulit na pagsalakay ng AFP hanggang hindi lubos na nasasakop ang kampo ay isang hakbang lamang sa imbing pakana ng matataas na pinuno ng GRP sa ilalim ng rehimeng US-Estrada na wasakin ang prosesong pangkapayapaan at todong ilarga ang dati nang bigong solusyong militar. Kasabay ng Oplan Makabayan laban sa BHB, ipinatupad ng AFP ang Oplan Pisces Alpha laban sa MILF-BIAF. Sa pagpasok ng taong 2000 sinimulang ipatupad ng AFP ang bagong Campaign Plan Balangai na nakatuon sa pagpapalawak at pagpapatindi ng mga opensibang militar laban sa mga rebolusyonaryong pwersa (partikular ang NDF at MILF) sa buong bansa.
Kaya pagkatapos pabagsakin ang usapang pangkapayapaan ng NDF at GRP, ang usapang pangkapayapaan naman ng MILF at GRP ang ginigiba ng rehimeng US-Estrada. Pinaiigting ang mga armadong pagsalakay, sunud-sunod na ipinapataw ang mga arbitraryo at di makatwirang kundisyon na walang ibang kahulugan kundi ang tahasang pagsurender at pag kriminalisa ng MILF sa sarili, paulit-ulit na nilalabag ang nabuo nang mga kasunduan, bukod sa ipinipilit ang arbitraryo at di makatotohanang dedlayn.
Noong 1999 inilipat sa Mindanao ang dagdag na pitong batalyon ng Philippine Army, dalawa at kalahating batalyon ng Scout Rangers at anim na batalyon ng Special Forces. Ikinonsentra rin sa gitnang Mindanao ang kalakhan ng sasakyang armored, tangke at helikopter at eroplanong pandigma ng AFP. Ang buong 6th Infantry Division, isang brigada ng 3rd Infantry Division at isang brigada ng 4th Infantry Division ay nagtayo ng malaking bakod ng armor at opensibang lakas na kumukubkob sa mga pangunahing kampo ng MILF-BIAF sa Maguindanao, Lanao del Sur, North Cotabato at Sultan Kudarat.
Mula Nobyembre 1999 dumalas nang dumalas ang pagsalakay sa mga kampo ng MILF, mga menor na kampo sa umpisa at sa kalauna�y malalaking kampong gaya ng Camp Omar. Malawakang binubuo at inaarmasan muli ang mga kinamumuhiang pasistang CAFGU, vigilante at kultista gaya ng Tadtad. Ibayong pinalalawak ang paniniktik sa mga rebolusyonaryong pwersa at karaniwang mamamayan. At ang mga indikasyon ay nagpapahiwatig ng muling pagbuhay sa buhong na kampanya ng henosidyo gaya ng ginawa ni Marcos, ang pasistang amo at guro ni Estrada. Sa pamamagitan ng pag-atake at iba�t ibang klase ng presyur, ang MILF ay ginigipit tungo sa kapitulasyon o di kaya�y hinahabol na labis na mapahina at mapagwatakwatak.
Ultimong layunin ng todong militarisasyon, armadong probokasyon at pananalakay at pasistang panunupil ng rehimeng US-Estrada ang pagsupil sa pakikibaka ng mamamayang Moro para sa pagpapasya-sa-sarili. Kaalinsabay ang pagtiyak na libre at ligtas na magagamit ng mga tropang US ang gitna at timog-kanlurang Mindanao para sa kanilang mga pangangailangan sa pagbabase, maniobra at suplay at makakamkam ng mga monopolyong korporasyong dayuhan ang mga deposito ng langis at natural gas sa Liguasan Marsh at paligid.
Pero lampas sa suhetibong kagustuhan ng rehimeng US-Estrada ang mabilis na paglala ng krisis sa ekonomya at pulitika ng reaksyunaryong naghaharing sistema. Malubha nang nalalantad at nahihiwalay ang reaksyunaryo, papet at pasistang naghaharing pangkating Estrada. Maging sa hanay ng mga reaksyunaryo ay mabilis na lumalawak at tumitindi ang disgusto sa kabulukan, kabruskuhan at pamali-maling palakad ni Estrada. Mabilis na lumalawak at lumalakas ang armado at di armadong paglaban sa naghaharing rehimen at sa bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal na ipinagtatanggol nito. Ang patuloy na umuunlad na ugnayan at pagtutulungan ng MILF at NDF ay malaking tulak sa mas mabilis pang pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa buong kapuluan at magbubunga ng mas matitindi pang dagok sa reaksyunaryong kapangyarihan at lakas.
Ang paglapastangan ng naghaharing rehimeng USEstrada sa usapang pangkapayapaan at mga kasunduan sa pagitan ng MILF at GRP, at bago nito, sa usapang pangkapayapaan at mga kasunduan sa pagitan ng NDF at GRP, ay nagdudumilat na mga pruweba ng saradong pag-iisip ng imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryong alipures nila kaugnay ng pinakamasidhing mga hinaing ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Itinuturo ng paulit-ulit na mapait na karanasan na hindi kailanman makaaasa sa pakikiusap at pakikipagusap sa mga reaksyunaryong naghaharing uri para malutas ang mga saligang suliraning pambansa at panlipunan ng mamamayang Moro at buong sambayanang Pilipino.
Upang ipagtanggol ang kanilang pambansa, panlipunan at pampulitikang karapatan at kapakanan, dapat umasa ang mamamayan pangunahin sa puspusang pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka hanggang makamit ang ganap na tagumpay.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|