Pagbubuntis sa loob ng hukbong bayan
Si Ka Aure ay pitong buwan nang buntis. Nakapanayam siya ng Ang Bayan sa base ng kinabibilangan niyang platun ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Nueva Ecija.
Unang pagbubuntis ito ni Ka Aure. Mahigit 30 anyos na siya at halos isa�t kalahating taon na rin silang nagpaplanong mag-asawa na magkaanak. Kaya laking tuwa nila nang matuloy na ang kanyang pagbubuntis.
Hanggang kamakailan, si Ka Aure ay nakapaloob sa regular na yunit ng BHB sa prubinsya at aktibong gumagampan ng kanyang mga rebolusyonaryong tungkulin bilang isang Pulang mandirigma.
Nang makumpirma ang kanyang pagbubuntis, agad na nagplano ang kanyang yunit para mapangalagaan ang kalusugan niya at ng kanyang dinadalang anak. Pagdating ng takdang panahon, nagpatingin si Ka Aure sa kaalyadong kumadrona sa kalapit na baryo.
Sa mga sumunod na buwan, tiniyak ng kanyang yunit na siya ay nakapagpapatingin sa kumadrona o doktor. Masugid niyang iniinom ang mga bitaminang inireseta sa kanya at binibigyan ng angkop at nararapat na pansin ang klase at dami ng kanyang kinakain. Katulad rin ng praktika ng lahat ng yunit ng hukbo, ang kanyang rasyon tuwing kainan at meryenda ay dinodoble, bagay na kinagigiliwang pagbiruan ng mga kasama.
Ayon kay Ka Aure, lubus-lubos ang alaga at pag-alalay sa kanya hindi lamang ng mga kasama sa yunit kundi maging ng sangay ng Partido at mga organisasyong masa sa baryo. Ang pagkalingang ibinibigay nila sa mga Pulang mandirigma ay nadodoble pagdating sa kanyang kapakanan at kagalingan.
Katulad ng iba pang mga buntis, dumaan sa ilang pagbabago sa pangangatawan at disposisyon si Ka Aure. Sa kanyang pangatlong buwan, nagbago ang kanyang panlasa at naging maselan sa iba�t ibang pagkain. Dinanas niya ang pisikal na panghihina at pangkalahatang pagkapagod na bahagi ng pagiging buntis.
Upang angkupan ang kanyang kalagayan, gumawa ng ilang hakbang ang kanyang yunit. Ipinwesto siya sa gawain sa magkakanugnog na baryo para mabawasan ang pangangailangan para sa malalayong lakaran. Ang mga tungkuling ibinigay sa kanya ay yaong hindi nangangailangan ng madalas na pagpapalipat-lipat katulad ng pagbibigay ng mga pag-aaral. Ibinilin sa kanya na ipaalam lamang ang mga gusto niyang kainin at sa abot ng makakaya ay pauunlakan ito ng mga kasama.
Natuklasan niyang malaki ang naitutulong ng nilagang saging at inasukalang tubig sa mga araw na matindi ang kanyang pagsusuka.
Sa tulong at suporta ng kanyang asawa at yunit na kinapapalooban, madaling napangibabawan ni Ka Aure ang mga kahirapang ito. At kahit sa oras ng pinakamatindi niyang pag-aalangan, hindi niya binitiwan ang kanyang mga tungkulin bilang kadre at mandirigma.
Ang panahon ng pagbubuntis ni Ka Aure ay panahon ng masiglang kampanyang masa sa saklaw ng kinabibilangan niyang yunit. Habang sumusulong ang mga rebolusyonaryong gawain, unti-unti na ring nakaangkop ang kanyang katawan.
Sa ngayon ay naghahanda na sa panganganak si Ka Aure. Katuwang ang kanyang asawang isa ring Pulang mandirigma, pinaghahandaan na nila ngayon ang bagong kabanata ng kanilang buhay bilang mga rebolusyonaryong magulang.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|