Mga batang ibinubugaw
Isa sa bawat apat na prostityut sa Pilipinas ay bata. Tinatayang mula 100,000 hanggang mahigit 200,000 ang mga batang prostityut ngayon sa Pilipinas. Sa katunayan, mula pa noong 1998 ay pang-apat na ang Pilipinas sa siyam na bansang may pinakamaraming batang ibinubugaw sa buong mundo. Sa Asia, kasunod lamang ng India at Thailand ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming batang ibinubugaw.
Pinakamakapal ang konsentrasyon ng mga batang ibinubugaw sa bansa sa Metro Manila, Angeles City, Puerto Galera sa Mindoro at sa mga lunsod ng Davao at Cebu. Sa Angeles City, sinasabing aabot sa 75% ng mga prostityut sa red light district nito ay mga bata.
Lumabas sa isang pag-aaral ng Unicef noong 1984 na may pitong prubinsya sa Pilipinas na may mga sindikatong nagbubugaw ng mga bata. Noong 1997 ay 37 lalawigan na ang mayroon nito. Tiyak na mas lumawak pa ang mga sindikatong ito mula noon.
Matapos maibsan ang laganap na prostitusyon ng mga babaeng nasa edad bunga ng pagpapatalsik sa mga base militar ng US noong 1991, nag-ibayo naman ang pangbibiktima sa mga bata. Salik dito ang laganap na turing ng bulok na lipunan sa mga bata bilang mga nilalang na walang mga karapatan. Isa pa ring salik ang takot ng maraming kliyente sa pagkalat ng HIV/AIDS, kaya ang hanap nila ay mga batang birhen.
Ayon kay Fr. Shay Cullen, isang Irish na paring nangangasiwa sa isang proyektong nangangalaga sa kapakanan ng mga child prostitute, ang pagbubugaw ng mga bata ang pinakasukdulan na ng pagsasamantala. "Ilang siglo nang ginagamit ng mga dayuhan ang hilaw na materyales ng mahihirap na bansa," aniya, "subalit ngayon ay sinasamantala na rin nila ang mga katawan ng mga bata."
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|