Pagdukot at iligal na pagbimbin kina Nomer Kuan at Romeo Sanchez
Isa sa mga pinakahuling halimbawa ng napakalaganap at walang-pakundangang paglabag ng pasistang estado sa mga karapatang-tao ang patuloy na iligal na pagkakakulong nina Nomer Kuan at Romeo Sanchez. Sila ay pawang mga naglilingkod sa non-government organization na nakabase sa La Union. Karakaraka silang dinukot ng mga kagawad ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines o ISAFP sa Bilibiran, Binangonan, Rizal noong Mayo 8.![](../../angbayan/images/0007/gapos.gif)
Ayon sa mga nakasaksi, nagpapanggap na mga operatibang "anti-droga" ang mga sundalong pinamunuan nina Capt. Joey Panganiban at Sgt. Dagar Ayala nang arestuhin ang dalawa. Pinagsusuntok, pinagsisipa at kinaladkad ng mga berdugo ang dalawa patungo sa isang walang plakang Tamaraw FX.
Sampung araw silang itinago ng ISAFP at pinagkaitan ng karapatang kumuha ng abugado, ginawang inkomunikado at pinagbawalang mag-usap. Hanggang sa pangalawang araw, hindi sila pinakain at pinatulog habang isinasailalim sa tactical interrogation at sa abusong sikolohikal at sekswal. Sila ay piniringan, binugbog, sinakal ng mga alambreng aluminum at pinaso ng sigarilyo sa binti. Paulit-ulit silang pinaaming sangkot sa pagpatay kay Conrado Balweg na pinarusahan ng Bagong Hukbong Bayan noong 1999.
Noong umpisa, sa kabila ng paggigiit ng mga naghanap na kamag-anak, kaibigan at mga organisasyong nagtataguyod sa karapatang-tao, mariing itinanggi ng ISAFP at pulisya ng Abra na may kinalaman sila sa pagdukot kina Kuan at Sanchez. Pero noong Mayo 19, napilitan ang mismong ikalawang hepe para sa paniktik ng AFP na si Lt. Gen. Jose Calimlim na ilitaw sila.
Nagsinungaling si Calimlim nang ideklara niyang inaresto sina Kuan at Sanchez noong Mayo 18 at na sila ay mga "rebeldeng komunista" na nagtatrabaho para kay Lorna Rivera-Baba na naunang isinangkot ng rehimen noong Marso sa kasong pagpatay kay Balweg.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|