Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Nagtuturong makibaka:
Ang aping kalagayan ng mga guro sa bansa

 Read this article in English

Malaon nang api ang mga guro sa bansa. At lalo pang tumitindi ang pang-aapi sa kanila sa matapat na pagsunod ng rehimeng Estrada sa kautusan ng IMF-World Bank na sistematikong bawasan ang badyet para sa mga serbisyong panlipunan kabilang ang edukasyon. Mas nasa interes ng rehimen na maglustay ng pera sa mapanalantang digma laban sa mamamayan kaysa pahusayin ang kalagayan ng mga guro.

Napakababa ng sweldo ng mga guro sa bansa. Sa kabila ng deklarasyon ng National Statistics Office na ang monthly poverty threshold ay P13,260.00, umaabot lamang sa P9,464.50 ang kabuuang batayang sweldo (gross basic salary) ng mga guro. Sa National Capital Region, umaabot lamang sa karaniwang P6,000 ang kabuuang buwanang sweldo ng mga guro sa pribadong paaralan at umaabot lamang sa P4,967.02 ang kanilang take home pay. Sa iba pang mga rehiyon, minsa'y P2,200 na lamang bawat buwan ang take home pay, katulad ng kaso sa Our Lady of Purity Academy sa Negros Occidental.

Mas masahol, samutsaring kaltas pa ang ginagawa ng rehimen sa kakarampot na sweldo ng mga guro. Ayon na mismo sa pag-aaral ng Senate Committee on Education, Culture and Sports, 96% ng sinarbey na mga guro ang nakatatanggap lamang ng kalahati ng kanilang buwanang sweldo dahil sa mga kaltas; at 25,584 ang nagsabing kinakaltasan nang mahigit 50% ang kanilang kabuuang sweldo.

Malaking suliranin din ang madalas na pagkaantala ng kakarampot na ngang sweldo. Ayon sa parehong pagaaral, 72,400 o 70% ang nagsabing natanggap nila ang kanilang unang sweldo isa hanggang tatlong buwan matapos ang unang araw ng trabaho.

Dahil kulang na kulang ang sweldo sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kani-kanilang pamilya, napipilitang lumapit sa mga pribadong nagpapautang (private lenders) ang mga guro. Noong 1999, umabot sa P10 bilyon ang kabuuang di nababayarang utang ng may 300,000 guro sa pampublikong paaralan. Ang mga pribadong nagpapautang na ito, na umaabot sa 112, ay aprubado (accredited) mismo ng DECS at sumisingil ng 36-108% interes sa pautang. Noong 1998, kumita ang nangungunang 10 sa mga ito ng P5.5 bilyon o 74% ng kabuuang P7.5 bilyong kinaltas sa mga guro.

Kasabwat ng mga buwayang ito ang DECS sa pagsagpang sa desperasyon ng mga guro. May 2% bahagi ang DECS sa bayad sa pagkakautang ng mga guro na kinakaltas sa kanilang sweldo bilang service fee umano ng mga nagpapautang sa DECS. Noong 1998, sa P13 milyon bawat buwan, nagkamal ang DECS ng P157 milyon mula sa 2% ito. Idinadahilan ng DECS na ipinandaragdag daw ang kalahati ng service fee na ito sa sweldo ng mga klerk na kumukulekta ng naturang bayarin. Ang natitira raw ay napupunta sa Provident Fund na para umano sa mga programa sa pagbibigay ng ayuda sa mga guro. Sa ngayon, hindi malinaw ang katayuan ng pondong ito.

Marami ring kaso na kahit bayad na ang mga guro ay kinakaltasan pa rin ang sweldo para sa pagkakautang dahil sa magulong sistema ng pagrerekord.

Sa halip na pataasin ang sweldo ng mga guro upang maiwasan ang pagkakalubog ng mga ito sa utang, mas pinaplano pa ngayon ng DECS at ng Government Service Insurance System (GSIS) na pagkakitaan ang paghihikahos ng mga guro sa pamamagitan ng "pagpapahusay" ng sistema sa pagpapautang ng GSIS.

Kasabay ng iba pang serbisyong panlipunan, sadyang pinaliliit ng rehimen ang badyet sa edukasyon. Sa kabila ng papahigpit na pangangailangan para sa karagdagang guro, nakatuon ngayon ang rehimen sa malawakang tanggalan

ng mga pampublikong guro. Sa halip na paunlarin ang mga pampublikong unibersidad at kolehiyo na hindi raw nakapapasa sa pamantayan ng gubyerno sa kalidad ng edukasyon, isasara o isasanib ang mga ito sa mas malalaki at mas mahuhusay na eskwelahan na magdudulot lamang ng pagtatanggal ng mga guro. Ayon mismo sa Commission on Higher Education, "dahan-dahan subalit tiyak" na mangangalahati ang 109 pampublikong kolehiyo at unibersidad dahil pagsasanib-sanibin ang mga ito.

Kapag naglulunsad ng pakikibaka ang mga guro para sa makatarungang sweldo at benepisyo, nagpapalabas ng kautusan ang rehimen para papiliin sila sa pagitan ng kanilang pakikibaka at kasiguruhan sa trabaho. Halimbawa, upang hadlangan ang kanilang pakikibaka para sa P3,000 across the board na pagtaas ng sweldo, nagpalabas ng kautusan ang rehimen, sa pamamagitan ng Professional Regulation Commission at Civil Service Commission, hinggil sa Licenture Examination for Teachers (LET). Batay sa kautusang ito, tatanggalin umano sa serbisyo ang mga gurong hindi pa pumapasa sa LET. Matigas ding nagbanta ang PRC na papatawan ng parusang anim na buwan hanggang limang taong pagkakabilanggo at P5,000 hanggang P20,000 multa ang may-ari ng paaralan o guro na lalabag sa patakarang ito.

Dagdag na pahirap ng rehimen sa mga guro ang pagtatanggal ng kanilang mga benepisyo. Halos kauupo pa lamang ni Estrada at kasabay ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, tinanggal ng rehimen ang amelioration pay ng mga pampublikong guro. Noong nakaraang taon, tinanggal din ang taunang P7,000 hazard pay.

Noong Mayo 10, ipinahayag ni Sec. Andrew Gonzales, kalihim ng DECS, na P3,000 lamang ang ibibigay na clothing/uniform allowance sa mga guro. Ito ay sa kabila ng pagkakatakda sa General Appropriations Act ng reaksyunaryong gubyerno na P4,000 ang naturang allowance. Ang P1,000 ay dedepende umano sa pagkakaroon ng pondo.

Nararapat lamang na patuloy na palakasin ng mga guro ang kanilang pagkakaisa at paigtingin ang pakikibaka para sa kanilang mga karapatan.

Kulang na kulang din ang serbisyo at benepisyong pangkalusugan sa mga gurong maghapong pagod sa pagtuturo. Sa isang buwan, P37.50 lamang ang kanilang Medicare.

Halos 20% ng mga guro sa pampublikong paaralan ang walang sariling tirahan. Pinagtutubuan lamang sila ng rehimen sa mga programa nito sa pabahay.

Napakasama rin ng kundisyon sa pagtatrabaho ng mga guro. Ayon sa isang sarbey sa mga guro, 25% sa kanila ang nagtuturo sa silid-aralang walang kisame, 27% sa madidilim na silid-aralan, 20% sa kulob na silidaralan, 55% sa walang elektrisidad, 84% sa walang suplay ng tubig at 62% sa walang palikuran.

Dahil sa kakulangan ng mga guro, napipilitan silang magturo sa napakaraming estudyante (na umaabot hanggang 80). Dahil sa kakulangan sa silid-aralan, maraming guro ang nagtuturo sa ilalim ng mga punongkahoy, sa mga gym, paradahan, pasilyo at iba pang lugar na hindi angkop para sa maayos na pagtuturo at pag-aaral.

Kung sa bawat isang guro ay itutumbas ang 45 mag-aaral, nangangailangan ang DECS ng 116,233 karagdagang guro. Sa kabila nito, 5,890 lamang daw ang "kayang" tanggapin ng DECS ngayong taon at ang 605 nito ay mapupunta pa sa gawaing upisina.

Inoobliga ng rehimen ang mga guro na gumampan ng mga trabahong labas sa pagtuturo nang walang sapat na kompensasyon. Sapilitan silang pinagtatrabaho sa panahon ng mga eleksyon para magbilang at magbantay ng mga balota. Sila rin pinakukuha ng sensus ng reaksyunaryong gubyerno.

Batbat ng korupsyon ang DECS. Walang kahihiyang nilulustay para sa sariling luho ng matataas na upisyal nito ang pondong para sa mga guro at estudyante.

Halimbawa, noong Setyembre, nabunyag ang pagwaldas ni Gonzales ng P24 milyon upang ipambili ng 24 na mamahaling sasakyan para sa kanilang kapakinabangan.

Nitong unang linggo ng Oktubre, napabalitang pitong matataas na upisyal ng DECS sa Camarines Norte ang iimbestigahan dahil sa pagbebenta ng mga pusisyon sa mga guro. Ilang mga aplikanteng guro ang hiningan ng bayad kapalit ng pagtanggap sa trabaho o ng pagkapermanente sa serbisyo.

Sinasalubong ng paglaban ng mga guro ang pagpapabaya ng rehimen sa kanilang kapakanan at sa buong sektor ng edukasyon sa bansa. Noong nakaraang taon, militanteng nakibaka ang mga guro para sa P3,000 across the board na pagtaas ng sweldo, amelioration allowance at iba pang benepisyo. Napilitang magbigay ng 10% pagtaas ng sweldo ang rehimeng Estrada. Isang panimulang tagumpay ang natamo ng mga guro subalit dahil sa hindi pa rin sapat ang umento, tuloy pa rin ang kanilang pakikibaka para sa karampatang sweldo at mga benepisyo. Noong Agosto 18, pitong malalaking organisasyon ng mga guro sa pampublikong paaralan ang nanawagan para sa P2,000 dagdag sa kanilang take home pay.

Nararapat lamang na patuloy na palakasin ng mga guro ang kanilang pagkakaisa at paigtingin ang pakikibaka para sa kanilang mga karapatan. Nararapat ding patuloy na palakasin ang pakikipagkaisa sa iba pang sektor para sa pagpapabagsak sa rehimeng US-Estrada at laban sa naghaharing bulok na sistema.

 


Previous articleBack to topNext article

Oktubre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Samantalahin ang napakalubhang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema!

Isulong at ibayong palakasin ang rebolusyon at ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

Sa harap ng malubhang krisis sa pulitika:
Patuloy ang pagdausdos ng ekonomya

Nagtuturong makibaka:
Ang aping kalagayan ng mga guro sa bansa
Basurang iniwan ng US sa dating mga base militar:
Nakalalasong pamana

Sa ilalim ng VFA:
Ibayong imperyalistang panghihimasok

Sa ilalim ng VFA:
Pang-aabuso ng tropang Amerikano

Ang United Nations:
Tagapagtanggol ng imperyalismo

Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.