Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Batas militar, ginunita sa buong bansa

Ang pagkiling ng gubyerno sa United States ay isang sitwasyon na katulad noong bago ipataw ni Marcos ang batas militar noong 1972. Ito ang deklarasyon ni Bise Pres. Teofisto Guingona, sa isang porum na inilunsad nitong Setyembre 21 sa De La Salle University, Manila. Bahagi ang naturang porum ng mga aktibidad na gumunita sa ika-30 taong anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar.

"Bagamat wala pang batas militar, kamay-na-bakal naman ang naghahari", ang pagdedeklara naman ni Fr. Joe Dizon sa naturan ding porum.

Sa Laoag City, nagmartsa ang may 1,000 magsasaka na kasapi ng Solidarity of Peasants against Exploitation-Ilocos (Stop-Ex-Ilocos) at ng BAYAN-Ilocos. Nagtipon sa Divine Word College ang mga magsasaka mula La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Abra at nagmartsa patungong kapitolyo sa Laoag City upang ipaalala sa mga Ilokano ang malalagim na taon ng batas militar.

Sa Panay, nagmartsa ang may 1,700 magsasaka sa mga pangunahing kalsada ng Iloilo City. Ang kilos-protesta ay pinamunuan ng BAYAN at ng Paghugpong sang mga Mangunguma sa Panay kag Guimaras (Pamanggas). Tinuligsa nila ang malawakang militarisasyon sa Panay, laluna laban sa minoryang mamamayan.

Naglunsad rin ng rali sa iba't ibang lugar sa Negros tulad ng Bacolod City, Cauayan, Kabankalan at Escalante. "Ang panawagan natin ay huwag ulitin ang batas militar," sabi ni Julius Mirabeles ng BAYAN-Negros.

Isang pananda ang itinayo sa Cauayan, Negros Occidental upang alalahanin ang magigiting na nakibaka sa batas militar. "Tanda ito ng paghahari ng lagim sa panahon ni Marcos," anang Task Forces Detainees-Western Visayas (TFD-WV) na nanawagan kay Macapagal-Arroyo na itigil ang kanyang kampanyang all-out war.

Sinabi rin ng TFD-WV na dumarami ang mga bilanggong pulitikal. Kung ibibilang ang 12 inaresto sa Bikol at walo sa Negros na hinuli noong Agosto 30, aabot na sa 197 ang mga bilanggong pulitikal na nakapiit sa 63 bilangguan sa buong bansa.

Bayan Muna, sinisiraan ng AFP

Nabunyag sa isang ulat ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) ng Mt.Province na ang militar ang nasa likod ng mga paninira laban sa grupong party list na Bayan Muna.

Ayon sa ulat, malisyosong iniuugnay ng 5th ID ng Philippine Army sa rebolusyonaryong kilusan ang mga programang pinopondohan ng mga representante ng Bayan Muna. Ang mga ito ay ang P1 milyong proyekto para sa suplay ng tubig sa Barangay Mainit, Bontoc at ang P1 milyon ding drainage system sa isang pampublikong eskwelahang elementarya sa lugar.

Nakasaad rin sa report ang kasinungalingan ni Maj. Carlito Bueno Jr. ng 22nd Special Forces Company tungkol kina Wyndel Bolinget at Jonathan Torafeng, mga upisyal ng Cordillera People's Alliance. Sinasabi ni Major Bueno na bago gawin ang mga proyektong nabanggit ay kinausap umano nina Bolinget at Torafeng ang mga residente ng Barangay Mainit, Bontoc para sa mga boto ng mga ito sa eleksyong pambarangay at sa Sangguniang Kabataan noong Hulyo. Subalit ayon naman kay Bolinget, noon pang 1999 siya huling nakapunta sa Mainit.

Ayon naman kay Meyor Thomas Killip ng Sagada, Mt.Province, nababahala siya sa masamang pagtingin ng militar sa P5 milyong alokasyon ng Bayan Muna para sa pagpapagawa ng limang kilometrong kalsada sa ruta ng Ambasing at Sagada-Dantay.

Walang katwiran, aniya, ang kampanya ng militar laban sa Bayan Muna. Ayon sa kanya, "sa katunayan, ang sinasabi (ng militar) na mga terorista ay ang mga taong nagnanais na tulungan ang aming komunidad."

Mga kilos protesta laban sa PPA, inilunsad sa Panay

Humigit-kumulang 9,000 mamamayan sa Panay ang naglunsad ng mga kilos protesta nitong Setyembre laban sa purchased power adjustment (PPA).

Sa Iloilo City, aabot sa 7,000 ang nagmartsa sa mga pangunahing kalsada ng lunsod. Sa Roxas City, may 2,000 rin ang nagtipon para sa isang prayer rally laban sa PPA, kabilang ang 50 paring Katoliko.

Binuo noong Setyembre 12 ang People Opposed to Warrantless Electric Rates (POWER) sa prubinsya ng Iloilo. Kabilang sa koaatlisyon ang BAYAN, mga lokal nga gubyerno ng siyam na bayan sa Iloilo at ang Archdiocese of Jaro.

Protesta ng mga manininda

Di kukulangin sa 1,250 ang lumahok sa mga kilos-protesta mula Agosto 22 hanggang Setyembre 12, laban sa kampanya ni Bayani Fernando, tagapangulo ng Metro Manila Development Authority, na palayasin ang lahat ng manininda sa mga bangketa ng Metro Manila. Pinangunahan ito ng Alyansa ng mga Manininda sa Kalookan; Alyansa ng mga Manininda Para sa Pagtatanggol sa Kabuhayan at Karapatan; at Metro Manila Vendors Alliance.

Presyo ng produktong petrolyo, muling tumaas

Muling tumaas ang presyo ng produktong petrolyo noong Setyembre. Umabot sa 39 na sentimo bawat litro ang ipinataw ng Caltex, Petron at Shell sa presyo ng gaas, gasolina at diesel. Panlimang pagtaas na ito ngayong taon. Hindi rin nagpahuli ang Eastern Petroleum at Total. Samantala, tumaas nang piso bawat kilo ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG). Binatikos ito ng mga militanteng organisasyon. Ayon sa PISTON, grupo ng mga militanteng drayber, kung hindi iaatras ang pinakabagong pagtaas ng presyo ng langis, mapipilitan silang igiit na itaas nang piso ang pamasahe.

Pagbasura sa ICC, itinutulak ng US

Umaabot sa 150 bansa ang pinepresyur ng US para hindi maratipika ang 1998 Rome Statute na magtatayo ng International Criminal Court (ICC). Nagbabanta ang US na iuurong ang mga ipinangako nitong ayuda kung hindi susunod ang mga ito. Una nang binalaan ang Lithuania, Estonia at Latvia. Samantala, ibinasura na ng Pilipinas ang ICC.

Ang ICC ang maglilitis sa mga kaso ng henosidyo, mga krimen sa digma at iba pang kaso laban sa sangkatauhan. Labis na naliligalig ang US sa pagtatayo nito dahil ayaw nitong malitis sa mahaba nang tlistahan ng krimen nito sa sangkatauhan.

Opensiba, welga: inilunsad sa Nepal

Sampung araw pa lamang matapos ihayag ang pagwawakas ng state of emergency, niyanig naman ng dalawang malalaking opensiba ng rebolusyonaryong People's Liberation Army (PLA) ng Communist Party of Nepal-Maoist ang reaksyunaryong gubyerno ng Nepal. Sinalakay ng PLA ang mga armadong pwersa sa distritong Sindhuli at sa bayan ng Sandhikharka noong Setyembre 8 at 9. Walumpu't siyam (89) na pulis at 17 sundalo ang napatay sa naturang mga opensiba.

Lalo pang nasindak ang estado nang ilunsad noong Setyembre 16 ang higanteng mga welga na nagparalisa sa buong bansa. Ipinatawag ang pambansang welga bilang protesta sa nakaambang pambansang eleksyon sa darating na Nobyembre.

Unang idineklara ni Gyanendra, hari ng Nepal, ang state of emergency noong Nobyembre 2001 matapos ang sunud-sunod na mga pagsalakay ng PLA na nagdulot ng malaking bilang ng kaswalti sa hanay ng pulisya at militar.

Mga kilos-protesta sa Palestine, lumalawak

Kinakitaan ng malalaking rali ang sentrong bayan at mga okupadong teritoryo sa Palestine nitong Setyembre. Ito ay sa kabila ng halos tuluy-tuloy na pambobomba ng Israeli Defense Forces (IDF) sa kanilang kabahayan at mga gusali. Noong Setyembre 19, halos pulbusin ng IDF ang hedkwarters ni Yasser Arafat, pinuno ng Palestinian Authority. Ilang araw matapos ito, naglabas ng resolusyon ang United Nations Security Council para sa kagyat na pag-atras ng IDF mula sa mga teritoryo ng Palestine. Tanging ang US ang hindi pumirma rito. Bagamat sa una'y hindi ito pinapansin ng Israel, napilitan ding umatras ang IDF mula sa Ramallah at iba pang teritoryo ng Palestine nitong Setyembre 28.

 


Previous articleBack to topNext article

Oktubre 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Pataasin ang antas ng lumalawak na patriyotikong nagkakaisang prente

Ang tinig ng patriyotismo ni Guingona
Pagpapatalsik sa mga base militar, ginunita
TAMPOK NA BALITA:
Matatagumpay na taktikal na opensiba

Patuloy na nang-uupat ng gera si Bush laban sa Iraq
Bush: Hitler, banta sa kapayapaan
US: Banta sa seguridad at kasarinlan ng mga bansa
Pagtutol sa gera laban sa Iraq, lumalawak
Iskandalosong korapsyon ng mag-asawang Arroyo
Sabwatang Mike Arroyo - NAD
Mga Ulat Koresponsal:
Pagpusisyon ng mga magsasaka sa Hilagang-Kanlurang Leyte
Pagkakaisa at kapasyahang lumaban

Kapitulasyon at kriminalidad ng RPM-RPA-ABB
Ipagtanggol si Ka Joema!
PKP, nakiisa sa paggunita sa Set.11
Balita
PABATID
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.