Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Arroyo-Cojuangco, patuloy ang sabwatan sa coco levy

Muli na namang nabunyag ang maanomalyang sabwatan nina Gloria Arroyo at Eduardo "Danding" Cojuangco upang kopohin ang pondo ng coco levy at ipagkait ito sa mga maralitang magniniyog. Ang pondong ito, na sapilitang kinulekta ng diktadurang Marcos mula sa mga magniniyog noong dekada 1970, at inilagak sa bangkong kontrolado ni Cojuangco ay iligal na ginamit para bilhin ang 47% ng sapi ng San Miguel Corp. (SMC). Nang mapatalsik ang diktadurang Marcos noong 1986, hinawakan ng gubyerno ang mga sapi sa pamamagitan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG). Mula noon, sarisari nang maniobra at sabwatan ang ginawa nina Cojuangco at mga naghaharing pangkatin para pag-agawan at kontrolin ang pondong dapat ay pagmamay-ari ng maliliit na magniniyog.

Nabunyag ang pakikipagsabwatan ni Arroyo kay Cojuangco nang ipahayag nitong Abril 29 ni Haydee Yorac, tagapangulo ng PCGG na magbibitiw na siya matapos ang mahabang pakikipagtunggali sa rehimeng Arroyo kaugnay ng mga ari-ariang binili sa pamamagitan ng pondong coco levy. Dalawang buwan nang pinagbibitiw ng rehimen si Yorac dahil sa kanyang pagtutol sa planong pagbebenta sa 27% sapi na hawak ng gubyerno sa SMC. Gayundin, kabangga ng rehimen si Yorac sa mga plano nitong makipag-areglo kay Danding Cojuangco kaugnay ng kontrol sa mga saping ito. Malaon nang tinututulan hindi lamang ni Yorac kundi ng mga magniniyog ang anumang pakikipag-areglo kay Cojuangco. Noong nakaraang taon, ibinunyag at tinawag ni Yorac na "iligal at imoral" ang kasunduan nina Arroyo at Cojuangco na inareglo ni Dante Ang na magbibigay ng mas masaklaw na kontrol kay Cojuangco kapalit ng malaking halaga.

Hayagang binabatikos ni Yorac ang papalaking kontrol ni Danding Cojuangco sa San Miguel sa nakaraang apat na taon at ang lantarang pagsuporta rito ni Arroyo. Isa sa nilabanan ni Yorac ang pagbebenta ni Cojuangco ng mga sapi noong 2002 sa Kirin Brewery, isang kumpanyang Hapones. Nanghimasok si Arroyo kaya nakapasok ang Kirin. Nagresulta ito sa pagdami ng mga tauhan ni Cojuangco sa board of directors o lupong tagapangasiwa ng kumpanya dahil pumaloob ang mga tauhan ng Kirin sa dominanteng bloke ni Cojuangco. Kaya bukod sa 20% hawak ni Cojuangco, sa aktwal ay hawak din niya ang 20% sapi ng Kirin.

Nitong taon, muli pang lumiit ang bahagi ng SMC na kontrolado ng gubyerno nang magbenta si Cojuangco ng karagdagang sapi ng SMC sa publiko. Dahil dito, nakatakdang bumaba sa 23% mula sa 27% ang hawak na sapi ng gubyerno. Maaari ring matanggal sa board of directors ng SMC ang isa sa limang kinatawan ng gubyerno. Sa kabila nito, hindi lamang sinuportahan ni Arroyo ang pagbebenta, tahasan pa nitong inatasan ang mga kinatawan ng gubyerno sa SMC na suportahan ang anumang pakana ni Cojuangco.

Bahagi ng sabwatan nina Arroyo at Cojuangco para kapwa sila makinabang ang malaon nang balak ni Arroyo na ibenta ang mga saping hawak ng gubyerno sa SMC. Ayon kay Arroyo, habang nakatali ang pondo sa San Miguel, interes lamang nito ang napupunta sa kaban ng rehimen. Samantala, bilyun-bilyong piso ang kikitain ng gubyerno kung ibebenta ang mga sapi. Minamadali nitong ipagbili ang mga sapi habang hindi pa pinal ang desisyon ng Korte kung sino ang tunay na nagmamay-ari ng pondo para kung pumabor man ang hatol kay Cojuangco ay napagkakitaan na ng rehimen ang mga sapi. Ang naturang mga sapi ay isa sa iilan na lamang na natitirang pag-aaring hawak ng estado na maaari pa ring pagkakitaan nang malaki-laki ng naghaharing pangkatin. Tinatayang aabot sa P47 bilyon ang halaga nito.

Ang totoo ay si Cojuangco rin lamang ang may kakayahang bumili sa mga pinagtatalunang sapi ng SMC. Sa gayon, kapag nabili ito ni Cojuangco, makakamit niya ang malaon na niyang inaasam na kontrol sa SMC, at tatabo ang pangkating Arroyo ng bilyun-bilyon mula sa transaksyon.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Mayo 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palawakin ang antipasistang pagkakaisa

National ID, Anti-terrorism Bill mga pakana ng US
Pananalanta ng Pasistang Estado:
Ang brutal na gera ng rehimeng US-Arroyo

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Mistulang batas militar sa Samar

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Aktibistang pangkapayapaan, iligal na ikinulong

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
Philippine Army, binigwasan ng BHB sa Quezon

Araw ng Paggawa:
Pagdiriwang, masigla't matagumpay; mensahe ni Arroyo, binatikos

Mga Pinay, naglunsad ng martsa-rali sa New York
Mga detalye ng korapsyon ng rehimen
Arroyo-Cojuangco, patuloy ang sabwatan sa coco levy
Sa ibayong dagat:
Patuloy ang pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Nepal

Sa ibayong dagat:
Makasaysayang kumperensya sa Bandung, ginunita

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.