Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga balita ng pakikibaka

 Read this article in English

1 sundalo patay, 3 sugatan sa ambus sa Compostella Valley

Isang sundalo mula sa 60th IB ng Philippine Army ang napatay sa ambus na inilunsad ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Casoon, Monkayo, Compostela Valley nitong Hunyo 20. Dalawa pang sundalo at isang elemento ng CAFGU ang nasugatan sa pananambang. Nagsasagawa ng combat patrol ang mga pwersa ng kaaway nang sila ay ambusin.

Pwersa ng PNP tinambangan sa Mindoro

Dalawang pulis ang napatay at isa ang malubhang nasugatan sa ambus ng BHB nitong Hunyo 13 sa Paluan, Occidental Mindoro. Ang mga pulis ay kabilang sa 408th Provincial Mobile Goup na nakabase sa Mamburao at aktibo sa mga kontra-rebolusyonaryong operasyon.

Bago nito, isang pulis din ang napatay at dalawa ang sugatan sa isa pang ambus na inilunsad ng BHB sa bayan ng Calintaan sa kaparehong prubinsya noong Mayo 13.

Ambus sa tropa ng AFP, inilunsad sa Mt. Province

Apat na sundalo mula sa 22nd Special Forces Coy ang napatay at isa ang nasugatan nang ambusin sila ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Leonardo Pacsi Command. Ang pananambang ay inilunsad nang 7:30 ng umaga nitong Hunyo 13 sa Lake Danum, sa hangganan ng Sagada at Besao, Mt. Province.

Mga sundalo ng US at Philippine Navy, dinidarmahan ng BHB

Dinisarmahan ng mga Pulang mandirigma ang limang elemento ng US Navy at apat na sundalo ng Philippine Navy nitong Hunyo 5 sa may paanan ng Mt. Pinatubo sa Barangay Sapang Bato, Angeles City, Pampanga. Dalawang ripleng M16 at isang .45 ang nasamsam ng BHB sa naturang pagdidisarma.

Naglalakad pababa ng Mt. Pinatubo ang naturang mga sundalo nang harangin ng mga Pulang mandirigma. Isang upisyal na Amerikano, si Lt. JG (Junior Grade) Scott Allan Washburn ang tumalilis at nagtago nang marinig ang warning shots na pinawalan ng mga gerilya. Dalawang araw siyang pagala-gala sa kabundukan ng Pinatubo bago siya nakaugnay sa kanyang mga kasamahan.

Ang naturang mga elemento ng US at Philippine Navy ay pawang mga kalahok sa CARAT (Cooperation Afloat Readiness and Training) 2001. Isa ito sa mga magkasanib na pagsasanay-militar ng mga sandatahang pwersa ng Pilipinas at US ngayong taon, bilang bahagi ng pagpapatupad ng Visiting Forces Agreement (VFA). Sinimulan itong idaos sa Clark Field, Pampanga nitong Hunyo 1.

Nagpapatrulyang pulis, tinambangan sa Albay

Dalawang pulis ang napatay at isa ang nasugatan nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Santos Binamera Command (SBC) sa Barangay Pawa, Manito, Albay noong Mayo 30. Nasamsam ng mga gerilya ang mga baril at iba pang gamit-militar ng kaaway. Ang mga pulis ay lulan ng kanilang patrol car nang sila'y ambusin.

Ayon sa pahayag ng SBC nitong Hunyo 7, ang pagtambang sa mga naturang elemento ng PNP ay bahagi ng tuluy-tuloy na pagpapaigting ng BHB ng mga taktikal na opensiba sa Kabikulan.

2 CAFGU patay sa isnayping sa Negros

Dalawang elemento ng CAFGU ang napatay nang isnaypin ng mga Pulang mandirigma ang kanilang detatsment sa Barangay Sikatuna, Isabela, Negros Occidental. Ang isnayping ay isinagawa bandang alas-7 ng gabi nitong Hunyo 21. Sinamantala ng BHB ang pagkakaabala ng mga CAFGU sa panonood ng drama sa telebisyon.

Impormer ng PNP, pinarusahan sa Cebu

Pinarusahan ng Vicente Padayao Command ng BHB-Cebu si Valentin Berenguel sa bayan ng Tabuelan sa nasabing prubinsya nitong Hunyo 6. Kaagad na naglabas ng pahayag ang VPC matapos parusahan ng kamatayan si Berenguel. Ayon dito, pinarusahan si Berenguel dahil sa matagal na niyang pagpapagamit sa PNP sa mga kontra-rebolusyonaryong kampanya.

Anang VPC, si Berenguel ay napatunayang isang bayarang espiya ng PNP laban sa mga rebolusyonaryong pwersa. Naging aktibo siya sa pagpapasuko sa mga mandirigma at mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyong masa. Marami na rin siyang ipinahamak na mga kasama.

Militarisasyon, nilabanan; repormang agraryo, isinigaw ng mga magsasaka

Inumpisahan nitong Hunyo 6 ng daan-daang magsasaka sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Pambansang Samahan ng mga Mamamalakaya ang tatlong-araw na vigil sa tulay ng Mendiola. Itinaon nila ang serye ng mga aksyong masa sa darating na ika-13 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Law o CARL. Anila, hanggang ngayon ay biktima ang mga magsasaka ng walang-habas na mga operasyong militar at ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa.

Lumahok din sa vigil ang Kalipunan ng mga Samahang Magsasaka sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) na naglunsad naman ng "Dalawang Linggo ng Protesta Laban sa Militarisasyon at Para sa Reprormang Agraryo" simula noong Mayo 28.

Nanawagan ng mga magbubukid sa rehimeng Macapagal-Arroyo na itigil na ang mga operasyong militar sa Mindoro at mga karatig-prubinsya na nagiging sanhi ng paglikas nila sa kanilang mga bukid; huwag idamay ang mga sibilyan at magsasaka sa todo-digmang inilulunsad sa Mindanao; bigyang-pansin ang mga paglabag ng militar at pulisya sa mga karapatang-tao; at ipatupad na ang tunay na repormang agraryo at itigil ang malawakang pagpapalit-gamit sa lupa.

Ipinetisyon din ng mga magbubukid noong unang linggo ng Hunyo ang pagpapatalsik kay AFP chief of staff Gen. Diomedio Villanueva at Defense Sec. Angelo Reyes dahil sa pagpapasimuno nila ng militarisasyon sa kanayunan.

Binalaan ng mga magsasaka ang rehimeng Macapagal-Arroyo na patatalsikin din nila ito kagaya kay Estrada, kung hindi nito pakikinggan ang mga hinaing ng mamamayan kabilang ang karaingan nilang mga magbubukid.

Kaugnay din nito, 500 magbubukid na kabilang sa Task Force Mapalad ng Bukidnon ang nagpiket sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City noong Mayo 29. Ipinanawagan nila ang pagpapatalsik kay DAR Sec. Hernani Braganza. Ayon sa mga nagpiket, wala pang aksyong ginagawa si Braganza upang ganap na tugunan ang hinaing ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo.

Alyansang Plunder Watch, binuo

Binuo noong Mayo 29 ng mga organisasyon at indibidwal na lumahok sa Edsa II ang Plunder Watch. Magsisilbi itong bantay sa napipintong paglilitis sa pinatalsik na pangulong Joseph Estrada at sa mga kasapakat niya.

Sa kanilang pahayag ng pagkakaisa, nangako ang Plunder Watch na tututol ito sa anumang pagtatangka ng mga pwersang maka-Estrada at mga oportunistang pulitiko na baligtarin ang mga tagumpay ng People Power II. Anila, ang Plunder Watch ay isang nagpapatuloy na kilusan para sa katotohanan at katarungan. Nilalayon nilang makatulong sa pagtitiyak na magiging makatarungan at mabilis ang paglilitis ng mga kasong pandarambong laban kay Estrada at mga alipures niya.

Dumalo sa pagtatatag ng Plunder Watch ang mga kinatawan mula sa Kadamay, Kairos Philippines, Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna, NCCP, August Twenty One Movement, League of Concerned Professionals at Catholic Bishops Conference of the Philippines.

Atty. Capulong, nahalal sa internasyunal na hukuman

Si Atty. Romeo Capulong, legal consultant ng NDFP, ay nahalal bilang isa sa 27 ad litem o panghaliling hukom ng International Criminal Tribunal for Yugoslavia (ICTY). Ang ICTY ay binuo ng United Nations noong 1993 upang litisin ang mga responsable sa malalalang paglabag sa internasyunal na makataong batas sa nakaraang gera sa Yugoslavia. Gaganapin ang paglilitis sa The Hague, The Netherlands.

Nakuha ni Capulong ang pangatlong pinakamataas na boto (141 sa kabuuang 171) sa mga nominado bilang ad litem na hukom ng ICTY. Batay dito, pangatlo siya sa mga papalit sakaling hindi makaganap ang alinman sa 14 permanenteng hukom ng hukuman.

Si Capulong ay punong abugado rin ng Public Interest Law Center, isang samahan ng mga abugadong nagtataguyod at libreng nagtatanggol sa interes ng mga naaapi. Isa rin siya sa mga naging pribadong tagausig sa naudlot na impeachment trial at nagpapatuloy sa ganito ring kapasidad sa kasalukuyang paglilitis sa dating pangulong Estrada at mga kasapakat niya.

Ang pagkakahalal kay Capulong sa ICTY ay may malaking maitutulong sa pagganap niya bilang legal consultant ng NDFP, laluna kaugnay ng pagsubaybay sa pagpapatupad ng CARHRIHL.

EU Summit, sinalubong ng protesta

Kinumpronta at binatikos ng malalaking protestang masa ang 2001 European Union (EU) Summit na ginanap nitong Hunyo 14-16 sa Gothenburg, Sweden. Ang kilos protesta ay katulad ng iba pang malawakang mga aksyong masang inilunsad laban sa World Trade Organization, Asia Pacific Economic Cooperation at iba pang organisasyong nagtataguyod sa imperyalistang "globalisasyon".

Mahigit 20,000 demonstrador ang dumagsa at nagrali sa Gothenburg sa panahon ng summit. Nitong Hunyo 15, sinalakay, pinaputukan at pinagbabatuta ng mga pulis ang isang hanay ng mga demonstrador. Mga 500-600 ang inaresto at daan-daan pa ang nasaktan sa dispersal. Tatlo sa 70 sugatan na dinala sa ospital ang may tama ng bala at isa sa kanila ang malubha.

Ang EU Summit ay dinaluhan ng mga kinatawan ng 15 nangungunang imperyalistang bansa ng European Union. Tampok sa kanilang adyenda ang pagpapalawak ng EU sa Silangang Europa at sa mga bansa ng Mediterranean.

 


Previous articleBack to top 

Hunyo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mamamayang patakaran at hakbangin ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo

Power Reform Act:
Nagbibigay-daan sa higit na dayuhang dominasyon sa ekonomya

Singil sa serbisyong tubig, tataas
Pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo:
Patuloy na pagkakamal ng superganansya ng mga dambuhalang kumpanya ng langis

Pananalanta ng pasistang estado:
Sa ikalawang kwarto ng taon

Mga Ulat Koresponsal:
Tinuligsa, tumitinding militarisasyon sa Oriental Mindoro

Mga Ulat Koresponsal:
Makatarungan ang pagpaparusa kina Mayor Platon at Rep. Punzalan -- Melito Glor Command

Pagsuspinde ng GRP sa usapang pangkapayapaan, binatikos ng NDFP
Bwitre ng Cagayan
Col. Aguinaldo, pinarusahan ng BHB

Hudyat sa pag-iibayo ng pandaigdigang pakikibaka:
Pandaigdigang liga sa pakikibaka ng mga mamamayan, itinatag

Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.