Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ka Elvira, mapagkalingang rebolusyonaryo

 Read this article in English

Nitong Mayo, isinabog ng mga Pulang mandirigma sa mga kabundukan at parang ng rehiyong Ilocos-Cordillera ang mga abo ni Ka Elvira�beterana ng rebolusyon at mapagmahal na kasama.

Nakilala siya sa kanyang malakas na pagtawa. Malambot ang puso sa mga kasamang nasa larangan. Beterana. Taglay niya ang mga katangian nina Tandang Sora at Gabriela Silang.

Si Ka Elvira o Isabelita del Pilar, isa sa mga kauna-unahang kasamang kumilos sa rehiyong Ilocos-Cordillera, ay namatay dahil sa malubhang sakit noong Abril 13, 2003. Bago mamatay, kagawad siya ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Ilocos-Cordillera simula 1998 at nakatalaga sa gawaing pinansya.

Kahit grabe na ang nararamdamang sakit dulot ng kanyang sunod-sunod na operasyon at di umuubrang gamot, nasa isip pa rin niya ang mga kasama at ang kanilang kagalingan. Umiiyak siya kapag kulang ang panustos ng mga kasama at pamilya nila na nasa mga larangang gerilya. Mapanlikha siyang nagpapalitaw ng pinansya at gamit para sa mga kasama. Tanda ng kanyang pagmamalasakit, kadalasan ay nagpapadala siya ng sariling luto sa mga kasama lalo na sa sona sa Abra at Ifugao na matagal niyang kinilusan.

Sa eskwelahan, "beauty and brains" siyang tinagurian. Malayo sana ang mararating niya sa burges na pamumuhay, subalit pinili ni Ka Elvira na maglingkod sa masa. Siya ang kauna-unahang estudyante sa Baguio City na sinipa sa eskwelahan dahil sa aktibismo. Ilang ulit siyang nahuli at nakipaghabulan sa militar sa mga welga at demonstrasyon. Isa siya sa mga unang nagorganisa sa hanay ng mga manggagawa ng Baguio City, Benguet at La Union. Nakipamuhay siya sa mga manggagawa at kadalasang kasali sa mga piketlayn at welga. Si Ka Elvira ay isa sa mga unang estudyanteng tumugon sa panawagang magtungo sa kanayunan.

Nagsilbi siya bilang organisador at sa kalaunan ay sumapi sa BHB bago ipataw ang batas militar. Tumungo siya sa isang sonang gerilya sa Abra noong 1973. Kabubukas ng sonang ito at wala pang karanasan sa pagtatayo ng mga sona ang mga kasamang naideploy noon. Hinarap nila ang pagtatambak ng maraming pwersang militar dahil ito ang kaharian ng warlord-pulitiko na si Carmelo Barbero, defense secretary noon ng pasistang si Marcos.

Maraming taga-Malibcong, Lacub at Tineg ang hanggang ngayo'y nagkukwento tungkol sa walang kapagurang pag-aalaga niya sa mga maysakit noong nagkaroon ng epidemya sa lugar nila. Hindi kumalat ang epidemya dahil, sa pangunguna ni Ka Elvira, pinagaralan ng mga kasama at masa ang mga posibleng dahilan at gamot sa sakit. Medical officer siya noon ng yunit ng BHB na kumikilos doon. Binabagtas niya ang gubat kahit gabi at umuulan, makapagbigay man lang ng temporaryong lunas sa mga nagkakasakit. Isang kwentong hindi nila malimutan ay noong ang isang batang mataas na ang lagnat ay di makahinga. Sinipsip ni Ka Elvira ang sipong bumabara sa ilong ng bata para lamang makahinga ang bata.

Nahuli siya noong 1974 at sa kulungan ipinanganak ang kanyang panganay. Nang makalaya noong 1976, sa Ifugao naman siya kumilos. Sa isang misyon para magpasok ng mga baril at bala sa Ifugao noong 1978, nahulog sa bangin at sumabog ang kanilang sasakyan at malubha siyang nasugatan. Sa ospital ay muli na naman siyang nadakip. Nang makalaya noong 1980, kaagad siyang bumalik sa Ifugao, kahit pa ang isang baga ay wasak na at ang ilang tadyang ay bali dahil sa aksidente.

Sa Ifugao, alam na alam ng masa kung dumating ang yunit nina Ka Elvira dahil pagdating nila mula sa uma (kaingin), may luto nang ulam at malinis ang bahay. Hindi siya nasiraan ng loob sa dinanas na mga hirap sa pagbubukas ng sonang gerilya at nagsilbi siyang inspirasyon sa mga bagong sampang gerilya at sa masa. Masaya siyang nanilbihan sa masa, nagorganisa at nagbigay ng mga pampulitikang pag-aaral. Hindi niya kinaligtaan ang pag-asikaso sa kalusugan at pagtataguyod sa pangekonomyang kagalingan ng masa roon, laluna sa kalagayang ang Ifugao ang isa sa mga prubinsyang pinakamahirap at pinakapinabayaan ng reaksyunaryong pamahalaan.

Kilalang makwento si Ka Elvira. Ibinabahagi niya ang mga kwento tungkol sa karanasan nila sa pagtatayo ng mga sonang gerilya, mga katiwalian nina Conrado Balweg at mga kasapakat nitong bumuo ng CPLA at mga problemang idinulot ng pagtataksil ng mga ito at ang ilang beses na pagkakakulong sa kanya (Camp Dangwa, Camp Olivas at Camp Bagong Diwa) na laging sinasaliwan ng malulutong niyang halakhak.

Sa loob ng 32 taong ibinuhos sa kilusan, isa siyang huwaran ng rebolusyonaryong kasigasigan na hindi kailanman kinakitaan ng panghihina ng loob. Isa siyang bukal ng kasiglahan, katatagan at mataas na diwang mapanlaban. Sa panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, umalalay siya sa mga nanghihina ang loob at tumulong sa paghalaw ng mayamang aral sa mahabang rebolusyonaryong karanasang nilahukan niya. Lagi niyang sinasambit na "Nagsimula ang kilusan sa halos wala. Sumapi kami sa BHB na walang karanasang humawak ng armas o magbuo ng sonang gerilya. Bitbit lang namin ang rebolusyonaryong teorya at ang pag-asang may bagong bukas para sa aping bayan."

 


Previous articleBack to topNext article

21 Mayo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Moro laban sa tumitinding atake ng rehimeng US-Arroyo!

Pambobomba sa Mindanao
Pasiklab ng rehimen sa US

Bt corn: nakakalasong mais ng Monsanto
Gubyerno, walang laban sa SARS
Ka Elvira, mapagkalingang rebolusyonaryo
Sa ibayong dagat:
Tagibang na daan tungong kapayapaan sa Palestine

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.