Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

2. Nagpapatuloy na kabulukan ng naghaharing sistema

 Read this article in English

Ang pagpapatalsik sa rehimeng Estrada ay nagdulot ng pakiramdam ng kaunting ginhawa. Ngunit walang pangkalahatang nadaramang matinding kagalakan sa pagkakaluklok ni Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo ng republikang neokolonyal. Ang pag-angat niya sa kapangyarihan ay bungang produkto lamang ng tagisan ng lakas sa pagitan ng nagngangalit na mamamayan at ng rehimeng Estrada.

Ang kasalatan ng entusyasmo para sa bagong rehimen ay sanhi ng bagay na taglay din nito ang katangiang malaking kumprador-panginoong maylupa na kapareho ng nakaraang rehimen at may mataas na potensyal sa katiwalian at panunupil. Ang bagong papet na pinuno ay tagapagtaguyod ng globalisasyon ng "malayang pamilihan". At ni hindi siya hinangaan sa atrasado na niyang pagbibitiw sa kanyang pusisyon sa gabinete ng rehimeng Estrada.

Sa hanay ng mga reaksyunaryo, ang naghaharing pangkating Macapagal-Arroyo ang nakinabang nang pinakamalaki sa pagbagsak ni Estrada. Subalit, kaalinsabay, minana nito ang isang ekonomyang nasa mas malalang krisis kaysa nakaraan at isang gubyernong higit kailanman sa nakaraan ay bangkarote at higit na batbat ng korapsyon at paksyunalismo.

Minana ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang isang ekonomyang nasa mas malalang krisis kaysa nakaraan at isang gubyernong higit kailanman sa nakaraan ay bangkarote at higit na batbat ng korapsyon at paksyunalismo.

Ang reaksyunaryong katangian ng rehimen ay pinatitingkad ng sobrang pagpapalaki ni Macapagal-Arroyo sa papel ng mga upisyal ng militar at pulisya sa pagpapatalsik kay Estrada at ng kanyang paulit-ulit na panunuyong-alipin sa labis-labis na pagpapamalas ng pasasalamat sa kanila, laluna sa mga bumaligtad sa pinakahuling sandali na lamang at nag-urong na lamang ng suporta kay Estrada sa takot na kung hindi gagawin ito ay hindi sila susundin ng kanilang nakabababang mga upisyal at kawal.

Sa utos ng US, pinalulubag ni Macapagal-Arroyo ang loob at itinataas ang ranggo ng mga upisyal na naging malapit kay Estrada at nanulsol dito upang magpatupad ng magastos na patakarang todong gera. Inilalagay niya ang sarili sa parehong mahinang pusisyong pinaglugaran ni Estrada sa sarili relatibo sa reaksyunaryong mga armadong pwersa.

Isa pang nagdudumilat na manipestasyon ng reaksyunaryong katangian ng bagong rehimen ang pagsisikap ni Macapagal-Arroyo na pagkaisahin hindi lamang ang kanyang koalisyong malaking kumprador-panginoong maylupa, ang United Opposition, kundi pati ang Nationalist People�s Coalition ni Eduardo Cojuangco at ang Kilusang Bagong Lipunan ng mga Marcos, bilang paghahanda para sa eleksyong presidensyal sa 2004. Ang anak ni Eduardo Cojuangco ay tumatakbo para sa kongreso sa Pangasinan sa ilalim ng bandila ng NPC-Lakas at ang mga Marcos ay tumatakbo para gubernador at kongresista sa Ilocos Norte sa ilalim ng bandila ng KBL-Lakas.

Ang bagong rehimen ay walang inihahapag na mga pang-ekonomyang patakarang iba sa mga ipinatupad ng rehimeng Estrada. Para lamang ito sa pagreretoke ng "medium-term development plan" ng bumagsak na rehimen. Nananatiling tapat si Macapagal-Arroyo sa kanyang rekord ng pagtutulak ng lehislasyon alinsunod sa linya ng globalisasyon ng "malayang pamilihan", sa ilalim ng mga rehimeng Ramos at Aquino.

Gumigiray ang ekonomya ng Pilipinas dulot ng pagputok ng bula ng "bagong ekonomya" sa US at dulot ng tunguhing resesyon sa US at sa buong daigdig. Isang buong taon nang bumubulusok ang halaga ng mga ari-arian sa US mula sa mga pantastikong antas ng sobrang paghahalaga. Halagang $4 trilyon na ang nalipol sa stock market. Apat na ulit na mas malala ito sa pagkagunaw ng stock market noong 1987. Halos kalahati ng mamamayan sa US na naipit sa stock market ang nabangkrap.

Malubha ang krisis ng sobrang produksyon sa US. May dambuhalang labis na kapasidad at sobra-sobrang imbentaryo, laluna sa mga produktong high-tech, sa harap ng ibayong pagliit ng kakayahang bumili ng mga mamimili sa US. Pinalalala nito ang malaon nang pandaigdigang krisis ng sobrang produksyon at krisis sa pinansya, laluna sa mga baon-sa-utang na bayan, na walang nalilikhang pang-eksport maliban sa mga hilaw na materyales at mala-manupaktura.

Ang pagbagal ng ekonomya ng US at ang sandekada nang pagkabahura ng ekonomyang Hapones ay nangangahulugan ng pag-unti ng mga order para sa hilaw na materyales at mga mala-manupakturang pangkonsumo mula sa Pilipinas at saan pa mang dako ng daigdig. Walang pag-asang tatangkilikin ng pamilihang Europeo ang mga eksport ng Pilipinas, dahil apektado rin ito ng krisis sa US. Ang kasalukuyang pandaigdigang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay pinakamalala na, pagkaraan ng Ikalawang digmaang pandaigdig.

Ang biglaang pagbawas sa kita mula sa eksport ay makapagpapalaki pa ng depisit sa kalakalang panlabas. Kaalinsabay, nahihibas ang dayuhang pautang habang ang mga obligasyon sa pagbabayad ng utang ay nagpapatung-patong.

Ang gastos sa pag-import ng mga produktong pamprodyuser at pangkonsumo ay sumisirit paitaas relatibo sa kita sa eksport. Paulit-ulit na tataas ang presyo ng imported na panggatong. Bunga ng pagbagsak ng produksyong agrikultural, pati bigas, mais, mantika at asukal ay nasa listahan na ng iniimport.

Walang malamang gawin ang rehimeng Macapagal-Arroyo kung paano palalakihin ang kita sa buwis ngayong dumadausdos ang lokal na produksyon, lumalaganap ang maramihang disempleyo at tumataas ang mga presyo sanhi ng kambal na hambalos ng kakulangan sa mga produkto at mas mataas na gastos sa pag-import. Tulad ng rehimeng Estrada, inuutusan ito ng IMF na bawasan ang depisit sa gastusin at magpataw ng mas mabigat na pasaning buwis sa mamamayan.

Nagpahayag na ito ng patakaran sa pagtitipid. Ang patakarang ito ay nangangahulugan ng pagpapasa ng bigat ng krisis sa ekonomya sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Ang mga manggagawa ay patuloy na ipinaiilalim sa patakaran ng pleksibilidad ng paggawa, pinagkakaitan ng kasiguruhan sa trabaho, hanapbuhay at disenteng antas ng minimum na sahod. Ang mga magsasaka at manggagawang bukid ay patuloy na ipinaiilalim sa mas masasahol na kundisyon ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal.

Minamasaker ang mga trabaho sa gubyerno at kinakaltasan ang laang-gugugulin sa mga serbisyong panlipunan (kalusugan, edukasyon, pampublikong pabahay, ayudang teknikal at pautang para sa produksyon ng pagkain at mga katulad). Ang pinakamataas na prayoridad sa badyet ng estado ay para sa mga obligasyon sa pagbabayad ng utang. Kaalinsabay, hindi humuhupa ang burukratikong korapsyon at paggasta para sa mga kasangkapan at operasyon ng militar at pulisya.

Bunga ng krisis sa ekonomya, mas makitid ang batayan para sa mahinahong pagbibigayan sa hanay ng mga reaksyunaryong pwersa. Ang krisis sa pulitika ay tiyak na lalala sa pagkaligalig at magdedestabilisa sa rehimeng Macapagal-Arroyo. Mula sa labas, hinahamon ang rehimen ng isang lantad na oposisyon ng mga pwersang maka-Estrada. Kaalinsabay, niyayanig din ito ng mabuway na kumbinasyon ng magkakaribal na grupong pulitikal sa loob ng rehimen.

Ang Laban ng Demokratikong Pilipino ni Angara at ang Partido ni Estrada, ang Partido ng Masang Pilipino, ang mga pangunahing salalayan ng koalisyong elektoral laban sa rehimeng Macapagal-Arroyo. Ang Nationalist People�s Coalition ng pinakamalaking kroni ni Marcos at pinakamalaking padrino ni Estrada na si Eduardo Cojuangco ay namamangka sa dalawang ilog ng koalisyon ng oposisyon at naghaharing koalisyon.

May tendensya si Macapagal-Arroyo na mawala sa isip ang lumulubhang krisis sosyo-ekonomiko at ang militanteng kilusang masa ng mga makabayan at progresibong pwersa.

Ang naghaharing koalisyon ay binubuo ng Lakas-NUCD nina Ramos at de Venecia at ng Reporma ni General De Villa, kasama ang nakabababang mga partner nito, ang Aksyon Demokratiko at ang Promdi. Nagmamaniobrahan sila laban sa isa�t isa upang makuha ang pinakamatatabang pusisyon sa gubyerno at nagbabaka-sakali sila kung magagamit nila si Macapagal-Arroyo para makakuha ng malaking parte sa eleksyong presidensyal sa 2004 o di kaya�y bitiwan na siya kapag nasira na siya bago ang nasabing eleksyon.

Hati-hati ang baseng pulitikal ni Macapagal-Arroyo. Naniniwala siyang makapamamayani siyang parang reyna sa magkakatunggaling paksyon sa loob ng kanyang rehimen, makakabig ang ilan sa mga paksyon ng oposisyon at mabibigyang-kasiyahan ang mamamayan sa pamamagitan ng makikinang ngunit mabababaw na "relasyong publiko". May tendensya siyang mawala sa isip ang lumulubhang krisis sosyo-ekonomiko at ang militanteng kilusang masa ng mga makabayan at progresibong pwersa.

Itinuturing ng mga reaksyunaryo ang kasalukuyang burges na eleksyon bilang mapayapang paraan upang mapaghati-hatian ang poder at bilang mabisang paraan upang mahati at mapagharian ang mamamayan. Ngunit hangga�t sumusulong ang rebolusyonaryong kilusang masa, ang burges na eleksyon ay isang paraan upang makilala ng mamamayan at ng mga rebolusyonaryong pwersa ang umiigting na mga bangayan sa hanay ng mga reaksyunaryo.

Sa hanay ng mga pwersang militar at pulis, may papatinding mga tunggaliang paksyunal sa pagitan ng mga loyalista ni Estrada at ng mga bagong loyalista ni Macapagal-Arroyo. Hayagan at lihim silang nag-aagawan sa mga promosyon, mapagkakakitaang destino, kontrata sa pagbili at kontrol sa iba�t ibang sindikatong kriminal. Ang kabulukan ng naghaharing sistema ay tahasang naipakikita hindi lamang sa malaganap na mga paglabag ng militar at pulisya sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas kundi pati na rin sa direktang mga kuneksyon ng matataas na upisyal ng militar at pulisya sa mga sindikatong kriminal.

Ang suyong-aliping pagsusunud-sunuran ni Macapagal-Arroyo sa militar ay nagpapatotoo sa kanyang matinding takot sa kanila, kahit pa nga mula dekada 1980 ay may pagkiling na ang patakarang US sa pagkontrol sa mga kliyenteng estado sa pamamagitan ng mga pangekonomya at pampinansyang panikwas kaysa sa pamamagitan ng mga hunta militar o sibilyang pasistang diktador. Magkahiwalay na nakumbinsi siya nina dating pangulong General Ramos at General De Villa na dapat niyang palayawin ang militar kundi�y mahaharap siya sa banta ng kudeta.

Kaya, ginawa niyang "munting pangulo" (executive secretary) si De Villa at nahinirang niya ang mga retiradong heneral sa ibang matataas na pusisyong karaniwa�y sibilyan ang humahawak. Halatang pagtatangkang makaakit ng pabor sa establisamentong militar ang paghirang niya kay Gen. Reyes bilang kalihim ng pambansang tanggulan at kay Gen. Villanueva bilang estado mayor ng sandatahang lakas.

Ang rehimeng Macapagal-Arroyo ay bulnerable na bumaho sa mamamayan o maibagsak ng mamamayan at ng isang malawak na nagkakaisang prente bunga ng kawalan nito ng maihaharap na solusyon sa krisis sosyo-ekonomiko at gawa ng paghahasik nito ng armadong lagim laban sa mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa.

Ang dalawang heneral ay naging paborito ni Estrada at pangunahing tagapagpatupad ng kanyang patakarang todong gera. Ang promosyon nila ay salungat sa idineklara ni Macapagal-Arroyo na pagwawakas sa naturang patakaran ni Estrada at pagnanais na makipagnegosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines at sa Moro Islamic Liberation Front.

Mas malamang na matapos matantyang sapat na niyang "nakonsolida" ang kanyang pusisyon at matapos mabigong linlangin ang rebolusyonaryong kilusan tungo sa kapitulasyon, maglalagot siya para sa panunupil militar laban sa rebolusyonaryong kilusan, tulad ng ginawa ni Aquino noong 1987. Maaari siyang itulak ni General Reyes tungo sa isang militaristang patakaran at makikinabang ito sa kabiguan ng nasabing patakaran habang aanihin niya ang mga paninisi. Tila walang kamalay-malay si Macapagal-Arroyo na inihahanda ng US si General Reyes bilang bagong bersyon ni General Ramos.

Umaasa si Macapagal-Arroyo na patuloy siyang makapangingibabaw sa magkakatunggaling paksyong pulitikal at paksyong armado sa loob ng kanyang rehimen at maisasaayos niya ang mga ito para sa kanyang kandidatura sa eleksyong presidensyal sa 2004. Ngunit ang lumulubhang krisis pang-ekonomya at panlipunan at ang paksyunalismo sa loob ng kanyang rehimen ay malamang na bubulabog sa kanyang paghahari sa loob ng relatibong maikling panahon.

Maaaring bumilis ang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema bunga ng pagdaluyong ng rebolusyonaryong kilusang masa ng sambayanan sa proseso ng paglaban nila sa tumitinding pagsasamantala at pang-aapi. Sa paraang katulad ng pagkakatanggal kay Estrada sa poder, ang rehimeng Macapagal-Arroyo ay bulnerable na bumaho sa mamamayan o maibagsak ng mamamayan at ng isang malawak na nagkakaisang prente bunga ng kawalan nito ng maihaharap na solusyon sa krisis sosyo-ekonomiko at gawa ng paghahasik nito ng armadong lagim laban sa mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa.

Habang kinokonsolida pa lamang ang pusisyon nito, batid ng rehimen na hindi maaaring gamitin ang lantarang dahas laban sa nagpoprotestang masa at sa armadong rebolusyonaryong kilusan nang hindi haharapin ang panganib na mapatalsik o pagkabigong makapasa sa reeleksyon bunga ng mataas na pinsalang pulitikal at pinansyal na gastos sa mga aksyong militar at pulis.

Kaya, nagkukunwang nakikinig ang rehimen sa mga hinihingi ng mga nagpoprotestang masa. Idineklara na rin nito ang pagwawakas sa patakarang todong gera ni Estrada at nag-alok itong ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa NDFP at MILF. Ang problema ni Macapagal-Arroyo ay kung paano siya magiging isang "mabuting presidente" sa gitna ng mga problemang sosyo-ekonomiko na hindi niya malutas-lutas at ng mga militaristang ipinaligid niya sa sarili.

Hanggang ngayon, wala pang naipapakitang programa ang rehimen para malutas ang mga problema labas sa mga patakarang dikta ng IMF, World Bank at WTO. Habang nangangalandakan siya ng pagnanais na magkaroon ng usapang pangkapayapaan, ang mga pwersang militar at pulis ng rehimen ay patuloy na naglulunsad ng mga kampanya ng panunupil laban sa mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa.

 


Previous articleBack to topNext article

29 Marso 2001
Edisyong Pilipino


Sagpangin ang bawat pagkakataon, isulong ang digmang bayan

1. Ang tagumpay ng mamamayan laban sa rehimeng Estrada

2. Nagpapatuloy na kabulukan ng naghaharing sistema
3. Pagpapatuloy ng armadong rebolusyon para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya
4. Napakahusay na kundisyon para sa pagsusulong ng digmang bayan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.