Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang rebolusyonaryong kilusan laban sa pagtotroso

 Read this article in English

Upang pagtakpan ang pananagutan nito sa patuloy na pagtataguyod ng malawakang pamumutol at pag-eeksport ng troso, isinisisi ng rehimeng Arroyo sa BHB at sa rebolusyonaryong kilusan ang pagkakalbo ng kabundukang Sierra Madre at ang dala nitong pinsala sa buhay at kabuhayan pagkatapos ng nagdaang mga bagyo. Upang siraan ang BHB, napipilitang bumaling sa tahasang kasinungalingan ang rehimeng Arroyo. Umiiwas ito sa pananagutan sa pagkamatay ng libong mamamayan at pagkawala ng kabuhayan ng daan-daang libo pa.

Sa abot na makakaya, nagsisikap ang BHB, kaisa ang masang anakpawis, na pigilin ang walang pakundangang pagwasak sa kapaligiran sa pamamagitan ng paghadlang o paglaban sa mga operasyon ng mga kumpanya ng troso at pagmimina at pagpaparusa sa mga pwersang militar na nagsisilbing pwersang panseguridad ng mga ito.

Sa katunayan, ang BHB, katuwang ang rebolusyonaryong mamamayan, ang pinakamilitante at pinakamatatag sa pakikibaka laban sa malawakang pagwasak sa kapaligiran.

Gumagawa ng mga hakbang ang PKP, BHB at rebolusyonaryong kilusan, upang balaan ang mga nagtotroso nang walang pakundangan, lisensyado man o hindi ng reaksyunaryong estado. Bilang parusa, pinagmumulta ng BHB ang mga kumpanya ng troso na lumalabag sa karapatan ng mamamayan at sa mga patakaran ng rebolusyonaryong gubyerno. Tahasan nitong pinarurusahan ang mga ayaw magwasto.

Noong dekada 1970, nagpaigting ang BHB ng mga taktikal na opensiba sa rehiyong Cordillera bilang suporta sa mga pakikibaka laban sa Cellophil at sa proyektong Chico River Dam.

Sa pamamagitan ng demokratikong mga paraan, aktibong itinataguyod at isinusulong ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang agrikultura upang makabawi at magkamit ng mas malalaki pang pakinabang ang maliliit na magtotrosong naninirahan sa kagubatan na naapektuhan ng pagbabawal sa pagtotroso. Kasabay nito, tinuturuan ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyon ang mga kainginero ng tamang mga paraan ng pagsasaka upang mapangalagaan ang kagubatan.
Noong 1985, inilunsad ng BHB sa Cagayan Valley ang Oplan Lappat, isang kampanya upang ipagtanggol ang kagubatan laban sa pangwawasak ng mga kumpanya ng troso. Noong 1991, inilunsad ng BHB ang koordinadong kampanya upang parusahan ang mga pusakal na mandarambong ng kagubatan sa pamamagitan ng pagsira sa kagamitang pantroso ng mga ito sa Gattaran, Cagayan at Luna, Kalinga-Apayao.

Noong 1995, nagdeklara ng gera ang National Democratic Front (NDF)-Mindanao laban sa pagtotroso upang bigyan-diin ang tungkulin nitong ipagtanggol ang kagubatan. Pinakikilos ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa upang tiyaking mahigpit na tumatalima sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan ang mga may konsesyon sa pagtotroso. Kabilang sa mga patakaran na ito ang paglimita sa bilang ng board feet na maaaring putulin, pagbabawal sa pagputol ng mga punong hindi pa magulang at pagtotroso sa mga watershed, lupaing agrikultural at lupang ninuno at pag-oobliga sa mga nagtotroso na magtanim ng kahoy at mag-ambag sa kagalingan ng mamamayan sa lugar. Sa ibang pagkakataon, sinisikap na pahintuin ang mga operasyon ng mga kumpanya ng troso.

Mula pa noong nakaraang dekada, inilunsad na ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Southern Tagalog ang kampanya upang hikayatin ang maliliit na nagtotroso na bumalik sa pagsasaka at pag-ibayuhin ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Kinikilala nito ang katotohanang ang maliliit na magtotroso na tinaguriang mga �carabao logger� ay mga magsasakang napilitan lamang magtroso para ibenta sa malalaking kumpanya ng troso matapos silang mapalayas sa kanilang lupain dulot ng malawakang pagpapalit-gamit at pangangamkam ng lupa noong maagang bahagi ng dekada 1990.

Noong Disyembre 2003, sinalakay ng isang yunit ng BHB ang kampo ng Pacific Export Timber Corporation (PATECO) sa Dinapigue, Isabela. Sinunog nila ang ilang buldoser at 20 trak na kargado ng troso. Nakasagupa nila roon ang mga pwersa ng 5th ID na naggugwardya noon sa mga trak na may lulang kahoy. Noong Setyembre 2000, napahinto ng mga Pulang mandirigma ang Liberty Logging Corp. sa Jones, Isabela sa pamamagitan ng pagsunog sa lahat ng kagamitan ng kumpanya.

Sa pamamagitan ng demokratikong mga paraan, aktibong itinataguyod at isinusulong ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang agrikultura upang makabawi at magkamit ng mas malalaki pang pakinabang ang maliliit na magtotrosong naninirahan sa kagubatan na naapektuhan ng pagbabawal sa pagtotroso. Kasabay nito, tinuturuan ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyon ang mga kainginero ng tamang mga paraan ng pagsasaka upang mapangalagaan ang kagubatan.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Disyembre 2004
Edisyong Pilipino


Deklarasyon ng tigil-putukan
Doble-karang pakana
Editoryal:
Labanan ang walang habas na pananalanta sa kagubatan at kapaligiran

Ang DENR at ang pagtotroso
Ang kasaysayan ng pagwasak sa kagubatan ng Pilipinas
Mga pakikibaka laban sa pagtotroso
Ang rebolusyonaryong kilusan laban sa pagtotroso
Trahedya sa Aurora
Kilusang masa laban sa pagtotroso sa Aurora
Mining Act of 1995:
Salot sa mamamayang Pilipino

Matatagumpay na opensiba ng BHB
Sunud-sunod na opensiba sa Central Luzon

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.