![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Bunsod ng pagdagsa ng humigit-kumulang 3,000 nagpoprotestang magniniyog sa Cosay Oil Mills sa Pili, Camarines Sur noong Marso 16, naitaas ang presyo ng kopra mula P9.80 tungong P11.00 bawat kilo. Ang mga magniniyog ay kabilang sa prubinsyal na tsapter ng militanteng Bicol Coconut Planters� Association, Inc. (BCPAI) at nagmula sa mga bayan ng Nabua, Balatan, Bato, Bula, Baao, Buhi at Iriga City. Sakay ng mahigit 40 dyip at trak, nag-caravan ang mga magsasaka mula sa Nabua. Bago tumuloy sa bayan ng Pili, nagpiket sila sa tapat ng mga upisina sa Baao ng repormistang Philippine Rural Reconstruction Movement at Pambansang Koalisyon ng Samahan ng mga Magsasaka at Manggagawa sa Niyugan. Binatikos nila ang pagpapanggap ng dalawang non-government organization bilang kinatawan ng mga magniniyog sa pakikipag-areglo kay Danding Cojuangco kaugnay ng pondong coco levy. Pagdating sa Cosay Oil Mills, hindi inabot ng mga magsasaka ang may-aring si Victor Cosay kaya nabigo ang binalak na kumprontasyon. Ang pamilyang Cosay ang pinakamalaking negosyante ng niyog at iba pang produktong agrikultural sa Bikol. Noong Abril 6, bumalik sa oil mill ang 100 lider ng mga magniniyog at itinuloy ang kumprontasyon. Napwersa si Cosay na itaas ang presyo ng kopra, ipatanggal ang kaltas para sa resiko at ipa-calibrate ang mga timbangan upang tiyaking walang daya sa mga ito. Mahigit 2,000 namang magniniyog ang lumahok sa isa pang pagkilos na pinangunahan ng BCPAI sa Pasacao, Camarines Sur noong Marso 18. Nagrali sa tapat ng Bicol Oil Mills ang mga magniniyog na nagmula sa mga bayan ng San Fernando, Pasacao, Pamplona, Libmanan, Sipocot at Bula sa nasabi ring prubinsya. Nagpiket din sila sa tapat ng bahay ni Apeng Olivan, may-ari ng oil mill, upang kumprontahin siya ngunit hindi siya nagpakita sa kanila. Bago tapusin ng mga magsasaka ang aktibidad at organisadong umuwi, nagkaroon ng bahagyang tensyon nang magbanta ang mga pulis ng munisipyo na bubuwagin ang rali dahil hanggang sa plasa lamang daw ang pahintulot na ibinigay dito. Ang mga pagkilos na ito ay panimulang sikad sa rehiyon ng isang pambansang kampanya sa niyugan na sinimulan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, BCPAI at Piglas-Timog Katagalugan noong Enero. Sa harap ng lumulubhang kahirapan at kaapihan ng maliliit na magniniyog, nagpapanibagong-sigla ang BCPAI matapos ang ilang taong pagiging di aktibo. Habang isinusulong ang kampanya, tuluy-tuloy ang muling pag-bubuong pang-organisasyon ng BCPAI mula sa antas ng rehiyon hanggang sa mga munisipal na tsapter. Inilunsad noong Abril 2 ang panrehiyong asembliya nito sa Legazpi City. Inihalal dito ang panrehiyong pamunuan at binalangkas ang pangkalahatang programa ng pagkilos ng organisasyon. Pinagkaisahan sa asembliya ang apat na pangunahing panawagan ng mga mag-niniyog sa kasalukuyang kampanya: (1) itaas ang presyo ng kopra tungong P20.00 bawat kilo, katumbas ng isang kilong bigas; (2) alisin ang resikong kinakaltas sa presyo; (3) itigil ang pandaraya sa timbangan ng kopra; at (4) ibalik ang pondong coco levy sa maliliit na magniniyog. Bukod sa mga ito ay nagkakaisa rin ang BCPAI sa paglaban sa militarisasyon sa kanayunan at sa kaakibat nitong mga paglabag sa karapatang-tao. Mahalagang igpaw ang pagpapanibagong-sigla ng BCPAI at ang masigasig na pangunguna nito sa kampanya sa niyugan sa Bikol. Kasabay ng mga magniniyog sa Timog Katagalugan at iba pang rehiyong kalahok sa nagpapatuloy na kampanya, umaani ng tagumpay ang mga magsasakang Bikolano. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|