Araw ng Paggawa: Pagdiriwang, masigla't matagumpay; mensahe ni Arroyo, binatikosMariing binatikos ng mga manggagawa nitong Mayo 1 ang patuloy na pagtanggi ni Gloria Arroyo na tugunan ang malaon na nilang iginigiit na umento sa kanilang sahod.
Sa desperadong tangkang ipakitang kinakalinga ng kanyang rehimen ang mga manggagawa, nagpahiwatig si Arroyo na iuutos niya sa Araw ng Paggawa ang pagtataas sa sahod. Sa halip, pagdating ng takdang araw ay hiniling lamang niya sa mga regional wage board na maglabas ng rekomendasyon sa loob ng 30 araw hinggil sa petisyon ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod.
Taliwas ito sa kahilingan ng mga manggagawa na isabatas ang pagtataas ng sahod. Sa halip, idadaan pa rin ito sa mga wage board, na dominado ng reaksyunaryong Department of Labor and Employment at ng mga kinatawan ng mga kapitalista at dilawang lider-unyon. Tahasan itong instrumento ng estado para ipako ang sahod ng mga manggagawa.
Masiglang pagdiriwang, matatag na paglaban
Sa kabila ng pagwawalambahala ni Arroyo sa kanilang kagalingan, pursigido ang mga manggagawa na ipaglaban ang makatarungang sahod at iba pang nararapat na benepisyo at karapatan sa paggawa. Noong Mayo 1, aabot sa ilampung libong manggagawa at iba pang sektor ang humugos sa lansangan sa iba't ibang lugar sa bansa. Muling isinigaw sa araw na ito ang ilang taon nang iginigiit na P125 umento sa minimum na arawang sahod ng mga manggagawa at P3,000 pagtaas sa sweldo ng mga kawani ng gubyerno. Kinundena rin nila ang pagpaslang sa mga lider at kasapi ng iba't ibang organisasyon at iginiit ang katarungan para rito Tampok ding isyu para sa araw na ito ang lalong pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayan dulot ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at ng dagdag na VAT. Iginiit nila ang pagpapatalsik sa rehimeng US-Arroyo.
Pinangunahan ang pagdiriwang sa buong bansa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na nilahukan din ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Bayan Muna, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Anakpawis, Kadamay, GABRIELA, Anakbayan, League of Filipino Students, Alliance of Concerned Teachers, COURAGE at marami pang iba.
Sa Kamaynilaan, nagtipon ang mga manggagawa sa magkakaibang lugar�sa tapat ng Philippine General Hospital sa Taft; Moriones, Tondo; Carriedo; Plaza Miranda sa Quiapo, TM Kalaw at iba pa�at pagkatapos ay nagmartsa patungong Liwasang Bonifacio kung saan isinagawa ang isang programa. Sa kabila ng pagwawalam- bahala ni Arroyo sa kanilang kagalingan, pursigido ang mga manggagawa na ipaglaban ang makatarungang sahod at iba pang nararapat na benepisyo at karapatan sa paggawa.
Nilahukan ang programa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ng humigit-kumulang 20,000 katao. Kinatampukan ito ng pagbubukas sa isang mural para sa ika-25 anibersaryo ng Kilusang Mayo Uno, mga mensahe ng mga lider ng iba't ibang organisasyon at mga personalidad, mga pangkulturang pagtatanghal, pagsunog sa effigy (imahen) ni Gloria Arroyo at pagpapalipad ng mga kwitis sa pagtatapos ng programa.
Sa Central Luzon, dumagundong sa pagdiriwang hindi lamang ang kahilingan para sa dagdag na sahod kundi pati na rin ang paggigiit ng katarungan para sa mga biktima ng masaker sa Hacienda Luisita. Bagamat hinarang ng mga pulis, mahigit 5,000 manggagawang kasapi ng Workers Alliance in Region III at BAYAN ang nagtipun-tipon sa tapat ng kampo ng Northern Luzon Command sa Tarlac City. Galing sila sa mga prubinsya ng Bulacan, Nueva Ecija, Aurora, Pampanga, Tarlac, Bataan at Zambales.
Sa Southern Tagalog, idinaos naman ang multisektoral na mga pagtitipon sa Lipa, Batangas; Imus, Cavite; Antipolo, Rizal; Lucena City sa Quezon at sa Laguna. Ilandaang manggagawa at tagasuporta nila ang nagtipon sa Baguio City at Bicol.
Samantala, umabot sa 10,000 ang kumilos sa mga syudad ng Bacolod, Iloilo, Tacloban at Cebu at sa bayan ng Kalibo sa Aklan. May mga pagkilos din sa Mindanao�sa mga lunsod ng Davao, Gen. Santos, Cotabato at iba pa.
Bahag ang buntot ni Arroyo
Sa matinding takot ni Arroyo sa poot ng mga manggagawa, umabot sa 16,000 kapulisan ang idineploy ng PNP sa Metro Manila nitong Mayo 1, kabilang ang ilang nagmula pa sa ibang rehiyon.
Pinabantayan nito maging ang Plaza Miranda (kahit may kalayuan pa ito sa Malakanyang). Binakuran ng mga container van at alambreng tinik ang lugar.
Samantala, isang lalaking nakihalo sa hanay ng mga raliyista sa Liwasang Bonifacio at nangunguha ng kanilang litrato ang hinuli ng mga manggagawa. Kinumpiska nila ang kamerang ginamit ng lalaki at ang kanyang ID. Nang ipagbigay-alam ito sa pulisya, dali-daling itinakwil ni NCRPO Chief Avelino Razon ang nahuling lalaki at sinabing hindi ito pulis kundi ahente ng Intelligence Service of the AFP (ISAFP).
Isa ring ahente ang nahuli ng mga manggagawa sa rali sa Laguna at nakumpiskahan ng kal .45 baril.
|