Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Labanan ang kaaway hanggang sa ganap na tagumpay sa bagong demokratikong rebolusyon!

 Read this article in English

Mensahe sa ika-30 anibersaryo ng BHB
ni Armando Liwanag
Tagapangulo, Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Marso 29, 1999

Sa ngalan ng Komite Sentral at buong kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas, sinasaluduhan ko ang lahat ng Pulang kumander at mandirigma, at ipinapaabot sa kanila ang pinakamainit at mapagkasamang pagbati sa okasyon ng ika- 30 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.

Nagtamo ng malalaking tagumpay ang Bagong Hukbong Bayan sa magiting na pakikibaka para sa mga karapatan, interes at adhikaing pambansa at demokratiko ng sambayanang Pilipino. Ito ang pangunahing sandata ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino sa paglulunsad ng pangunahing anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka at nagbibigay ng inspirasyon sa iba pang mga anyo ng pakikibaka. Tiyak na ang kanyang lugar sa kasaysayan ng Pilipinas.

Ipinagpapatuloy ng armadong rebolusyong inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng Partido ang di tapos na pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kasarinlan at demokrasya, at nahigitan na nito ang lahat ng armadong pakikibaka na inilunsad sa nakaraan laban sa imperyalismong US at lokal na mga reaksyunaryo sa nakaraang sandaang taon.

Una sa lahat, naglulunsad ang BHB ng matagalang digmang bayan alinsunod sa linya ng bagong demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Pangalawa, natamo ng BHB ang lahatang panig na lakas sa buong bansa, at nahigitan sa bagay na ito ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong hukbo ng lumang demokratikong rebolusyon, ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan.

Sa pagtalima sa absolutong pamumuno ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado, nakapagtipon ng makabuluhang lakas ang BHB magmula nang ito�y magsimula sa wala noong Marso 29, 1969. Napangibabawan nito ang pagkalalaking mga disbentahe at sumulong mula tagumpay tungo sa tagumpay. Magpapatuloy ang ating rebolusyonaryong armadong pakikibaka hanggang matamo ang ganap na tagumpay.

Maniningning na mga Tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan

Nang ito�y muling itatag, pinatunayan ng Partido na isa itong tunay at seryosong rebolusyonaryong partido ng proletaryado nang ilinaw sa Konstitusyon ng Partido ang pagbubuo sa Bagong Hukbong Bayan at pagkatapos ay ang pagtatatag nito sa loob ng tatlong buwan. Iniluwal ang BHB mula sa Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto laban sa dinastiya ng mga Lava at pangkating matong Taruc-Sumulong, at minana ang mabubuting labi ng lumang hukbong bayan at ang kanilang rebolusyonaryong karanasan at baseng masa.

Nasubok ang hukbong bayan sa harap ng matitinding atake ng kaaway mula 1969 at dumanas ng matagalan at walang taros na teror ng pasistang diktadurang Marcos para makapagpundar sa buong bansa at patatagin ang sarili sa pakikibaka sa kaaway. Nagtamo ng pambihirang mga tagumpay sa pulitika at militar ang mga Pulang kumander at mandirigma sa pamamagitan ng pagtalima sa linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan pamamagitan ng matagalang digmang bayan at paglulunsad ng pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa.

Pero sa huling bahagi ng dekada 1970, nagsimulang umoberlap ang �Kaliwa� at Kanang oportunistang linya at dinistrungka ang wastong linya at nagpapatuloy na mga tagumpay sa armadong rebolusyon. Isinapaw ng mga oportunista ang maling mga linya tulad ng �estratehikong kontra-opensiba� at �mga rekombinasyon ng Pula at Puting Purok� sa wastong linya at naminsala nang malaki sa iba�t ibang rehiyon sa iba�t ibang panahon mula sa maagang bahagi ng dekada 1980 hanggang sa maagang mga taon ng kasalukuyang dekada.

Nagniningning ang mga tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan sa mga pahina ng kasaysayan ng Pilipinas. Pero hindi natin dapat kailanman kalimutan na ang mga tagumpay na ito ay pinagbayaran ng mga sakripisyo, puspusang paggawa at mabangis na pakikibaka. Sandali tayong huminto kung gayon para magbigay ng pinakamataas na pagpupugay sa ating mga martir at bayani.

Huwag tayong maging kampante at magkasya sa ating mga tagumpay. Lagi tayong maging mapagmatyag at militante. Gaanuman kalayo ang isinulong natin sa rebolusyonaryong pakikibaka, nakatindig pa ang kontrarebolusyonaryong estado ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at kailangan pang ibagsak at ganap na wasakin. Dapat tayong makibaka hanggang magapi ang kaaway at magtagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon.

May matibay na batayan para iangat ang rebolusyonaryong pakikibaka sa bago at mas mataas na antas hanggang matamo ang ganap na tagumpay. Muling pinasigla at ibayong pinalakas ng kilusang pagwawasto ang buong Partido at ang organisasyon ng Partido sa loob ng BHB, at iniangat ang antas ng rebolusyonaryong kamulatan at militansya sa hanay ng mga Pulang kumander at mandirigma.

Ibayong mas malakas ang BHB kaysa noong 1992 nang magsimula ang kilusang pagwawasto. Ang kabuuang lakas ng BHB ay nasa lakas ng ilang rehimento. Dahil nabigyan ng reoryentasyon, nareorganisa at naredeploy sa gawaing masa, napalaki ng BHB ang bilang ng mga larangang gerilya sa walumpu�t isa (81) sa buong bansa.

Ang tipikal na larangang gerilya ay may k a b u u a n g pwersa na isang kumpanya, at isang platun ang sentro de grabidad grabidad at ang ibang mga yunit ay nakalatag sa mas malawak na saklaw. Sa ilang rehiyon, tinatahi ng mga pangunahing yunit gerilya ang iba�t ibang larangang gerilya at may kakayahang magmaniobra sa saklaw rehiyon.

Ang libu-libong kalalakihan at kababaihang pultaym sa BHB ay pinalalakas ng sampu-sampung libong mga nasa milisya at yunit sa pagtatanggol-sa-sarili. Lahat sila�y nagtatamasa ng suporta ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa at malawak na masa ng sambayanan.

May sapat na baseng masa para sa ibayong pagpapalawak at ibayong konsolidasyon ng gawaing masa at para maglunsad ng malawak at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Bawat pagdami ng mga taktikal na opensiba ay nakaugnay sa paglawak ng baseng masa sa loob ng sonang gerilya, sa loob ng larangang gerilya, sa loob ng rehiyon at sa pambansang saklaw.

Naglulunsad ang BHB ng mga taktikal na opensiba, gaya ng mga reyd at ambus, gayundin ng iba�t ibang tipo ng aksyon para ipatupad ang mga batas at patakaran ng demokratikong gubyernong bayan. Sa paghahanap ng mga target para sa taktikal na opensiba, lagi nitong hinahanap ang mga kahinaan ng kaaway o kaya�y sinisikap na itulak siyang magkamali at ilantad ang kanyang mahihinang bahagi.

Unti-unting dumadami ang mga taktikal na opensiba ng BHB at napupwersa ang kaaway na kilalanin ang kanyang lumalaking lakas. Nagbigay ng malaking pansin ang matataas na hanay ng kaaway at ang burges na midya sa pagbihag ng BHB sa matataas ang ranggong mga upisyal militar at pulis mula 1997 hanggang sa kasalukuyan, gaya sa kasalukuyang kaso ng isang heneral at ilang upisyal. Sa gayon, paulit-ulit na napapabulaanan ang propaganda ng kaaway na nalulusaw o naglalaho na ang rebolusyonaryong kilusan.

Ang pangunahing tungkulin ng BHB ay labanan at gapiin ang kaaway. Inilulunsad lamang nito ang mga labanan na kaya nitong ipagwagi. Sa loob ng mahabang panahon, naglulunsad ito ng mga labanang madaling tinatapos para umagaw ng mga sandata mula sa kaaway, magtipon ng lakas sa kanayunan, at nagdaraan sa mga yugto at bahagi ng pag-unlad hanggang sa kakayanin na nitong agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran sa pambansang saklaw.

Gayunman, hindi matagumpay na maipapatupad ang tungkulin sa paglaban kung hindi ito nakabatay sa malaganap at malalim na suporta ng mamamayan. Ang BHB ang pangunahing organisasyon ng Partido hindi lamang para wasakin ang kaaway kundi para rin sa pagoorganisa, pagpukaw at pagpapakilos sa masa. Sa pamamagitan ng gawaing masa, nakukuha nito ang suporta ng mamamayan bilang walang pagkasaid na bukal ng lakas.

Nagpupunyagi ang BHB sa rebolusyonaryong edukasyong masa, sa pagbubuo ng iba�t ibang tipo ng mga organisasyong masa para sa mga manggagawa, magsasaka at manggagawang bukid, mangingisda, kababaihan, kabataan, mga bata at aktibistang pangkultura, at sa pagtataguyod sa mga kampanyang masa. Ang pinakamahalaga sa mga kampanyang ito ay ang kampanya para sa reporma sa lupa dahil tinutugunan nito ang pangunahing kahilingan ng uring magsasaka at hinahangad nitong kamtin ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon.

Sa kanayunan, pangunahing sumasalig ang Partido at hukbong bayan sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, hinihimok ang mga panggitnang magsasaka, ninunyutralisa ang mga mayamang magsasaka at sinasamantala ang hidwaan sa pagitan ng naliliwanagan at despotikong panginoong maylupa (habang ipinatutupad pa ang minimum na reporma sa lupa) upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng despotikong panginoong maylupa. Ang linya sa uri na nanunuot sa antipyudal na nagkakaisang prente ay umaalinsunod sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon.

Sa pagsusulong ng digmang bayan, tumatalima ang BHB sa prinsipyo ng pag-asa-sasarili. Nagrerekluta ito ng mga mandirigma mula sa mamamayan, inoorganisa nito ang produksyon para sa hukbo at mga pamilya ng mga mandirigma, tumatanggap ito ng mga kontribusyon mula sa mamamayan, nang-aagaw ito ng mga armas mula sa kaaway at nangongolekta ng mga buwis mula sa mga naliliwanagang panginoong maylupa at mula sa mga empresang tumutupad sa mga batas ng demokratikong gubyernong bayan. Ang mga napapalitaw na rekurso ng Bagong Hukbong Bayan ay para sa pantustos at pagpapalawak ng Partido at BHB, gayundin para sa mga pangangailangang panlipunan ng mamamayan.

Paborableng-paborableng Kalagayan para sa Digmang Bayan

Paborableng-paborable ang obhetibong kalagayan para sa pagsusulong ng digmang bayan sa Pilipinas. Nasa malubhang krisis ang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema. Seryosong nagtutunggalian sa isa�t isa ang mga paksyon at pangkat ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at kahit na sa loob ng naghaharing sirkulo ng rehimeng US-Estrada para sa bawas nang batayang pang-ekonomya para sa kanilang mutwal na akomodasyon.

Dumaranas ang malawak na masa ng sambayanan ng di mabatang pagdurusa mula sa krisis sa ekonomya at lipunan. Galit na galit sila sa pagbabalik sa kapangyarihan ng pamilyang Marcos at sa pinakamasasahol na inapo sa pulitika ng pasistang tadurang Marcos, na pinangungunahan ng dating aktor sa pelikulang si Joseph Estrada. Nabawi ng mga buhong na ito ang kanilang nakaw na yaman at muli na namang dinarambong ang bayan.

Sa susunod na ilang taon, walang magagawa ang rehimeng US-Estrada para alpasan ang matagal nang krisis ng labis na produksyon ng hilaw na materyales sa daigdig at ang kasalukuyang krisis ng labis na produksyon ng semi-manupakturang mababa ang halagang dagdag.

Pinatatampok ng pagkasaid ng pandaigdigang pautang para sa pagpopondo sa mga depisit sa kalakalan na bunsod ng konsumo ang nakadagan na publikong utang panlabas at panloob at ang atrasadong katangiang agraryo at malapyudal ng ekonomya. Pinalalala ng rehimen ang krisis sa ekonomya at lipunan sa pagsusubasta ng pambansang patrimonya at soberanya sa ekonomya sa mga dayuhang monopolyo. Sinasalungat nito ang pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa, at inihahandog sa mga dayuhang monopolyo ang syento porsyentong pag-aari ng lupa, mga bangko, pagmamanupaktura, utilidad pampubliko, serbisyong panlipunan, telekomunikasyon, masmidya, kalakalang tingi at lahat ng tipo ng empresa.

Biktima ang mamamayan ng mabilis na lumalawak na disempleyo, biglang pagbagsak ng halaga ng piso, napakataas na presyo ng pagkain at ibang mga pangunahing bilihin, mas mabigat na pasaning buwis at tumataas na presyo ng papasamang mga serbisyong panlipunan. Hindi nakuntento sa mga ito, itinutulak ng rehimen ang lehislasyon para pawiin ang karapatang magwelga at ang batas sa minimum na sahod, at hinihikayat ang mga dayuhang monopolyo at lokal na mga mangangamkam ng lupa para mag-ipon ng lupain sa iba�t ibang kadahilanan.

Sa pangangasiwa nito sa ekonomyang inilugmok ng mga imperyalista at kanilang lokal na alipures, handa ang rehimeng ipamigay ang lahat sa mga imperyalista, hindi lamang ang mga pribilehiyo sa ekonomya kundi ang pribilehiyo rin ng pagpapapasok ng mga pwersang militar na nagtatamasa ng ekstra-teritoryalidad at libre sa paglilitis sa mga krimen na kanilang ginagawa sa loob ng Pilipinas. Nagsasagawa na ng mga paghahanda para sa pag-amyenda sa reaksyunaryong konstitusyon para ibayong labagin ang mga karapatang pambansa at demokratiko ng mamamayan.

Bigo sa pagtatangkang pigilin ang paglitaw ng paglaban ng mamamayan, ipinapatupad ng rehimen ang patakaran ng panunupil nang hindi pormal na idinedeklara ang batas militar, laluna laban sa anakpawis at mga etnikong komunidad. Hinihikayat nito ang mga pwersang militar, pulis at paramilitar na magsagawa ng pamamaslang na ekstrahudisyal, pangingidnap, pagtortyur at pinakamalulupit na hakbang para pwersahin ang mamamayan na abandonahin ang kanilang mga tahanan at sakahan.

Lahat ng ito�y labag sa Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang Pantao at sa Internasyunal na Makataong Batas (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na kapwa pinagtibay ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at Pambansa-Demokratikong Prente ng Pilipinas. Nilalabag ng rehimen ang lahat ng iba pang kasunduang bilateral sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Sa katunayan, winakasan nito ang negosasyon.

Wala tayong problema sa pagwawakas sa negosasyong pangkapayapaan bilang isang anyo ng ligal na pakikibaka. Isinasagawa natin ito alinsunod sa malinaw na linya na matatamo lamang ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa pagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Dahil napalakas natin ang mga rebolusyonaryong pwersa at baseng masa, nasa pusisyon tayo na paigtingin ang digmang bayan tauntaon.

Hindi natin palalampasin ang tahasang mga pagtatangka ng kaaway na ibasura ang Pinagsamang Deklarasyon ng Hague at ipataw sa NDFP ang balangkas ng kapitulasyon at pagkriminalisa-sa-sarili. Nilabag ng GRP ang napakaraming probisyon ng CARHRIHL, katulad ng kaugnay sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, pagbabayad-pinsala sa mga biktima ng mga paglabag sa mga karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Marcos, ang pagpapawalambisa sa mga dekretong mapanupil, ang pagwawakas sa mga patakaran at kampanyang malupit na bumibiktima sa buu-buong mga komunidad at kumakamkam sa kanilang mga tahanan at lupain, at ang pagbubuo ng Pinagsamang Komite sa Pagmomonitor.

Labag sa balangkas ng negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP at sa CARHRIHL, tumanggi ang GRP na pag-usapan ang usapin ng mga bihag sa digmaan, bisyosong maling inilarawan ang mga hakbang ng rebolusyon bilang karaniwang mga krimen, at arbitraryong �sinuspindi� ang mga garantiya sa kaligtasan at imyunidad para sa mga tauhan at tagapayong pangnegosasyon ng NDFP, na tahasang lumalabag din sa JASIG.

Hinihingi ng traydor na rehimeng Estrada na idaos at ipailalim sa kanyang kapangyarihan sa Manila ang mga negosasyong pangkapayapaan tulad noong 1986 at 1987, at arbitraryong tinatanggihan ang istipulasyon ng Pinagsamang Kasunduan sa mga Garantiya sa Kaligtasan at Imyunidad (Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG) para sa nyutral na pagdarausan sa ibayong dagat. Gayunman, inaayawan nito na idaos ang negosasyong pangkapayapaan sa teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan o sa loob ng nyutralisadong sona sa pagitan ng mga teritoryo ng GRP at rebolusyonaryong gubyerno.

Mainam nga na ang isang nahihiwalay nang rehimen na araw-araw ay binabayo ng malubhang krisis sa ekonomya at pulitika ay naghahamon sa mga rebolusyonaryong pwersa na paigtingin ang digmang bayan. Sa halip na tangkaing subukan ang posibilidad ng tigil-putukan at pakikipag-alyansa sa kasalukuyang kaaway sa pamamagitan ng negosasyong pangkapayapaan, dapat paunlarin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pakikipag-alyansa sa lahat ng pwersang posible sa iba�t ibang antas upang ihiwalay at wasakin ang kaaway. Nasa saklaw nang malamang na mangyari na makakayanan ng isang malawak na nagkakaisang prente na wakasan ang rehimeng Estrada bago magtapos ang kanyang panunungkulan.

Kabilang sa bagong mga alyansa na maaari nating ianunsyo sa publiko at maituturing na napakamakabuluhan ang pormal na alyansa sa pagitan ng NDFP at Moro Islamic Liberation Front. Isa itong alyansa para sa armadong pakikibaka, at hindi lamang panrehiyon ang kabuluhan nito kundi pambansa dahil epektibong makabibigwas ito ng mapaminsalang mga dagok sa kaaway.

Kung walang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, makatatawid ang naghaharing sistema o rehimen sa krisis sa ekonomya at lipunan. Pero umiiral ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at kaya nitong magpaigting. Ang idudulot nitong paglubha ng krisis pampulitika at sosyo-ekonomiko ay maaaring makapagwakas sa rehimeng Estrada.

Bilang kumplementaryo sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka, masiglang binubuo ng Partido ang nagkakaisang prente. Kinapapalooban ito ng pagkakasunud-sunod batay sa halaga ng mga alyansa, gaya ng saligang alyansang manggagawa-magsasaka, alyansa ng mga progresibong pwersa (kabilang ang petiburgesya), alyansa ng patriyotikong mga pwersa (kabilang ang panggitnang burgesya) at pansamantalang mga alyansa sa mga reaksyunaryong tumutunggali sa kaaway.

Papalubhang Krisis ng Pandaigdigang Sistemang Kapitalista

Hindi pinahihintulutan ang mga imperyalistang bayan ng kasalukuyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista na magpadaloy ng mga dayuhang pautang at tuwirang pamumuhunan sa Pilipinas sa antas na maihahalintulad sa kalakhan ng mga taon (1972-1979) ng pasistang diktadurang Marcos, at sa apat na taon (1993-1997) ng rehimeng Ramos.

Kung gayon, makatitiyak tayo na ang krisis pampulitika at sosyo-ekonomiko ng naghaharing sistema ay lulubha, at hihina ang buong naghaharing sistema sa harap ng sumisiglang malawak na kilusang masa at mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan.

May pamalagiang krisis ng labis na produksyon sa lahat ng tipo ng produkto sa daigdig. Kumitid ang pandaigdigang pamilihan. Lumubog ang diumano�y sumisibol na mga pamilihan, at lalo pang lumulubog tungo sa direksyon ng mga bayang lumilikha ng hilaw na materyales na bumagsak na ang ekonomya magmula pa noong huling bahagi ng dekada 1970. Sa matwid ng patakarang �laissez faire� o �malayang kalakalan� ng �neoliberal na globalisasyon�, pinabilis ng monopolyong burgesya ang konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital, ang pagwasak sa mga produktibong pwersa at ang pagkitid ng pandaigdigang pamilihan.

Pinatitindi ng papalubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang lahat ng saligang kontradiksyon sa daigdig, gaya ng kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang bayan at aping mga mamamayan, sa pagitan ng monopolyong burgesya at proletaryado at sa hanay ng mga imperyalistang bayan. Naliligalig ang buong daigdig.

Pinakamatindi at pinakamalaganap ang kaguluhang panlipunan sa Asya, Aprika, Amerika Latina at karamihan ng mga bayan sa dating blokeng Sobyet. Gamit ang mga islogang burges naysunalismo, pasismo, rasismo, etnosentrismo at relihiyon, lumilikha ng malaganap na kaguluhan ang mga reaksyunaryong pwersa sa kanilang tunggaliang paksyunal. Mainam ang kaguluhang ito para sa paglitaw ng mga rebolusyonaryong pwersa sa hanay ng mamamayan, kung mayroong matatag at magiting na Marxista-Leninistang partidong mamumuno sa kanila.

Sinasalanta ang mga imperyalistang bayan ng kontradiksyon ng lumobong presyo ng mga ari-ariang produktibo at pampinansya at ng lumiit na kita ng proletaryado at lahat ng iba pang mamamayan. May pamalagiang malawakang disempleyo, lalung-laluna sa Japan at Europa. Sa United States kung saan ipinagmamalaking may mataas na tantos ng empleyo, nawawala ang mga regular na trabaho at nahahalinhan ng mga partaym na hanapbuhay. Sa gayon, lumilitaw ang makauring pakikibaka ng proletaryado kahit na sa mga imperyalistang bayan.

Lumilitaw ang ngipin-sa-ngiping kompetisyon at proteksyunismo sa iba�t ibang anyo sa hanay ng mga imperyalistang bayan. Mukhang narerendahan lamang ang mga kontradiksyong inter-imperyalista dahil nagkakaisa ang mga imperyalistang bayan sa ibayong pang-aapi at pagsasamantala sa proletaryado at aping mga mamamayan, at sa paglulunsad ng mga digmang mapanalakay at �mga aksyong pulis� sa balatkayo ng �pagpapanatili sa kapayapaan� at �makataong mga misyon� sa iba�t ibang bahagi ng daigdig, laluna sa Peninsula ng Balkan, Gitnang Silangan, Caucasus, Gitnang Asya at Aprika.

Nagtutunggalian ang mga bayang imperyalista para sa mga pamilihan, larangan ng pamumuhunan, pagkukunan ng hilaw na materyales, at malalakas na pusisyon. Gayunman, sa ilalim pa rin ng pangunguna ng US, pinalawak ng Kanluraning mga imperyalista ang NATO hanggang sa hangganan ng Rusya. Nakatuon ang tambalang panseguridad ng US at Japan sa agresyon sa Silangang Asya. Nanggugulo ang mga bayang imperyalista sa lahat ng dako at nililikha ang mga kalagayan sa digmaan.

Aktibong ipinapalaganap ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Marxista - Leninistang teorya ng estado at rebolusyon, at ang kawastuan ng matagalang digmang bayan sa maraming bayang agraryo kung saan maaaring maging pangunahing pwersa ang masang magsasaka ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng proletaryado. Kasama ang ibang Marxista-Leninistang mga partido na naglulunsad o sumusuporta sa digmang bayan, kamakailan lamang ay idinaos ng PKP ang Pandaigdigang Seminar hinggil kay Mao at Digmang Bayan.

Nakikipagrelasyong bilateral ang Partido sa mga partido sa lahat ng tipo ng bayan at aktibo sa iba�t ibang mga pagtitipong multilateral para itaguyod ang pandaigdigang pakikibakang anti-imperyalista sa pinakamenos at ang pandaigdigang proletaryong rebolusyon sa maksimum. Sa lahat ng kaso, nirerespeto ng Partido ang nagsasarili at pantay na mga karapatan ng mga partido na maglunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka ayon sa kongkretong mga kalagayan at pagpapasya ng mga partidong iyon.

Ang Mapanlabang mga Tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan

Ang sentral na tungkulin ng Bagong Hukbong bayan ay wasakin ang kontrarebolusyonaryong estado ng malaking kumprador burgesya at uring panginoong maylupa at bigyang kakayahan ang uring manggagawa at uring magsasaka na itatag ang demokratikong estadong bayan. Maipapatupad ang gayong tungkulin sa loob ng mahabang panahon alinsunod sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon.

Sa ngayon, dahil sa hukbong bayan, may lokal na mga organo ng kapangyarihang pampulitika na bumubuo ngayon sa de-mokratikong gubyernong bayan, kahit na nakaluklok pa ang reaksyunaryong gubyerno sa kalunsuran. Umiiral ngayon sa Pilipinas ang dalawang tipo ng gubyerno. Nilalayon ng rebolusyonaryong gubyerno na halinhan ang reaksyunaryong gubyerno pagdating ng panahon.

Kung walang hukbong bayan, wala ni anuman ang mamamayan. Ipapailallim lamang sila sa pang-aapi at pagsasamantala, na walang anumang pag-asa na lumikha ng kanilang sariling kapangyarihang pampulitika at kamtin ang pambansa at panlipunang pagpapalaya mula sa mga imperyalista at lokal na mga reaksyunaryo.

Malinaw na ang Bagong Hukbong Bayan sa pangunahin ay isang pwersang panlaban para gapiin ang kaaway. Pero hindi nito magagampanan ang kanyang mapanlabang mga tungkulin kung hindi gagampanan ang mga tungkulin sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa ng sambayanan sa pagtatanggol, pagtataguyod at pagsusulong ng kanilang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes.

Dapat walang tigil na magsagawa ng gawaing masa ang BHB upang ibayong paunlarin ang matibay na pundasyon para ipatupad ang sentral na tungkulin, upang magkaroon ng walang pagkasaid na bukal ng lakas at upang marekluta ang pinakamahuhusay na anak na lalaki at babae ng sambayanan. Pakamamahalin at aarugain lamang ng malawak na masa ng sambayanan ang hukbong bayan dahil pinaglilingkuran sila nito, at nakikibaka ito para sa kanilang mga karapatan at interes.

Dapat rebolusyonaryong pulitika ang nasa kumand ng Bagong Hukbong Bayan. Dapat tumalima ang hukbong ito sa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, maglingkod bilang pangunahing organisasyon para sa pagpapatupad ng Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan na itinakda ng Partido, at ipatupad ang linyang masa na matuto mula sa masa, at magtiwala at sumalig sa kanila.

Tumatayo ang Partido bilang rebolusyonaryong taliba ng proletaryado at ng sambayanang Pilipino at nagtatakda sa pangkalahatang linya at direksyon ng rebolusyon. Ginagamit nito kapwa ang hukbong bayan para wasakin ang kontrarebolusyonaryong estado at ang nagkakaisang prente para pakilusin ang mamamayan nang milyun-milyon sa rebolusyonaryong simulain.

Kahit na nakabase pa ang BHB sa kanayunan at ipinapatupad ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, napakahalaga na ikoordina ng Partido ang lahat ng anyo ng pakikibakang masa na lumilitaw at umuunlad kapwa sa kalunsuran at kanayunan.

Para palakasin ang bigkis sa pagitan ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at kalunsuran, dapat hikayatin ang mga manggagawa at edukadong kabataan na sumapi sa hukbong bayan at maglingkod sa masa sa kanayunan. Dapat ideploy sila ng Partido sa ganoong paraan. Dala nila ang kaalaman at mga kasanayan na kailangang-kailangan bagamat dapat muna silang matuto mula sa masa na hangad nilang paglingkuran sa mga lokalidad.

Ang deployment ng mga kadre at aktibistang masa mula sa kalunsuran tungo sa kanayunan ay magpapadulas sa koordinasyon ng mga pakikibaka sa kalunsuran at kanayunan at ihahanda ang araw na maaagaw ng Bagong Hukbong Bayan ang mga lunsod sa pambansang saklaw.

May sosyalistang perspektiba ang bagong demokratikong rebolusyon. Nilalayon nating ibagsak ang kontrarebolusyonaryong estado at wakasan ang malakolonyal at malapyudal na kondisyon para makasulong sa sosyalistang rebolusyon bilang susunod na yugto ng rebolusyong Pilipino.

Sa sandaling ito, ang isinusulong na bagong demokratikong rebolusyon sa Pilipinas ay isa sa pinakatampok na rebolusyon sa daigdig. Ito�y dahil mayroon tayong hukbong bayan na matagumpay na tumatalima sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan.

Ngayon at sa hinaharap, ang rebolusyong Pilipino ay hindi lamang para makamit ang pambansa at panlipunang pagpapalaya ng sambayanang Pilipino kundi para rin umambag sa pagsulong ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon at malawak na antiimperyalistang pakikibaka ng mamamayan ng daigdig.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Isulong ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan!
Makibaka hanggang sa ganap na tagumpay!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

 


 Back to top 

29 Marso 1999
Edisyong Pilipino


Labanan ang kaaway hanggang sa ganap na tagumpay sa bagong demokratikong rebolusyon!
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.