Sinu-sino ang kaakbay ng Akbayan?
Susunggaban ni Walden Bello at ng kanyang Akbayan ang lahat ng oportunidad para magkaroon ng prestihiyo at kredibilidad � dalawang bagay na kulang sa pagsisikap nilang siraan ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.
Ginagamit nila ngayon ang pangalan ni Presidente Hugo Chavez ng Venezuela, isa sa mga pinakaprominenteng kalaban ng mga imperyalistang patakaran ng US. Pinalalabas ni Bello na kakampi niya si Chavez sa kanyang kampanyang paninira. Ipinagyayabang niyang inalok pa siya ni Chaves na manirahan na lamang sa Venezuela.
Kahiya-hiya ang oportunistang pag-angkas ni Bello sa prestihiyo ni Chavez. Hindi nito mapagtatakpan ang katotohanang kapatid na partido ng kanyang Akbayan ang isa sa mga pinakatiwali at pinakareaksyunaryong partido pulitikal sa Venezuela na mula 1998 ay walang inatupag kundi magpakana para ibagsak ang popular na gubyerno ni Chavez.
Ang partidong Accion Democratica (AD), katulad ng Akbayan, ay kasapi ng sosyal-demokratikong Socialist International (SI). Isa ito sa mga pwersa sa likod ng kudetang inisponsor ng US laban kay Chavez noong 2002.
Gayon na lamang ang pagkamuhi ng AD kay Chavez. Sa loob ng tatlong dekada mula 1958, ang AD ay nakipaghalinhinan sa kasintiwali at kasinreaksyunaryong partidong COPEI sa paghawak sa gubyerno ng Venezuela. Natapos ang maliligayang araw ng AD nang mahalal bilang presidente si Chavez noong 1998.
Kung talagang maghahanap si Bello ng mapagkakanlungan, hindi niya iyon matatagpuan sa Venezuela. Akala ba niya ay makatutulog siya nang mahimbing sa Venezuela samantalang ang mamamayan doon ay muhing-muhi sa lahat ng kapanalig ng mga lumang partidong matagal na nagpakasasa sa poder at nagpahirap sa kanilang bansa?
Ang dapat gawin ni Walden Bello, at gayundin ni Etta Rosales at lahat ng kapartido nila, ay magpakatotoo sa sarili. Ang Akbayan ay isang partidong nakasabit sa pundilyo ng reaksyunaryong sistema. Kung naniniwala na rin sila sa sariling kasinungalingan na sila ay progresibo, dapat lamang nilang tingnan kung sinu-sino ang mga kapwa nila kasapi ng SI. Masasalamin nila ang kanilang kasuklam-suklam na itsura.
Ang mga ipinagmamalaking kapatid ng Akbayan sa SI
Marami sa mga kasapi ng SI ay mga partidong may kontrol sa reaksyunaryong gubyerno ng kani-kanilang bansa. May mga tumatayo ring pangunahing partido ng reaksyunaryong oposisyon katulad ng AD. Kabilang din sa SI ang maraming repormistang partidong nagsisilbing palamuti ng reaksyunaryong naghaharing sistema sa iba't ibang dako ng mundo.
Ilan sa mga ipinagmamalaking kapatid ng Akbayan: - The Labour Party. Nasa poder ngayon sa imperyalistang United Kingdom. Pinamumunuan ni Prime Minister Tony Blair. Pangunahing katuwang ng US sa agresyon sa Iraq at Afghanistan.
- Israel Labor Party. Nakikipaghalinhinan sa partidong Likud sa paghawak sa gubyerno ng Israel, ang pangunahing katuwang ng US sa imperyalistang paghahari sa Middle East.
- German Social Democratic Party. Nasa poder ngayon sa imperyalistang Germany. Pinamumunuan ni Chancellor Gerhard Schr�der. Katuwang ng US sa pagsalakay sa Afghanistan noong 2001.
- Socialist Party. Isa sa mga dominanteng partido sa imperyalistang France.
- Nepali Congress Party. Dominanteng partido sa reaksyunaryong parlamento ng Nepal. Pangunahing tagapagtaguyod ng pyudal na monarkiyang konstitusyunal sa bansa.
- Institutional Revolutionary Party. Dominanteng partido sa gubyerno ng Mexico mula 1929. Kilalang-kilala sa katiwalian at panunupil sa mamamayan.
- Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas. Oportunistang partido ni Norberto Gonzales, ahente ng CIA at pasistang security adviser ng rehimeng US-Arroyo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|