Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Naghuhukay ng sariling libingan ang rehimeng US-Arroyo

 Read this article in English

Sa harap ng masidhing krisis ng naghaharing sistema, lalong pinabibilis ng rehimeng US-Arroyo ang sariling pagbagsak. Halos bawat kilos nito ay gumagatong sa masidhi nang galit ng mamamayan at nagpapalapad sa hanay ng mga pwersang determinadong lumaban.

Ibayong humihina ang kapit ng rehimen sa poder habang lumalawak ang panawagan para sa pagpapatalsik dito. Sa pagsasagawa ng mga desperadong hakbang para supilin ang mga pwersang nakikibaka, lalong nalalapit ang rehimen sa bingit ng pagbagsak.

Lumalalang korapsyon

Pinakahuling iskandalo lamang ang tatlong araw na paglagi ni Mike Arroyo, asawa ng presidente, sa mamahaling MGM Grand Hotel sa US. Milyun-milyong piso ang winaldas niya sa pagtuloy sa eksklusibong pahingahan ng hotel, na inilalaan lamang sa pinakamayayamang kliyente at sumisingil ng $20,000 (P1.08 milyon sa palitang P1=$54) bawat gabi.

Mahigit P3 milyon ang ginastos doon ng asawa ng presidente. Tatlong milyong piso para sa tatlong tulog habang ang nakararaming mamamayan ay nagtitiyaga sa mga barungbarong, bangketa o kariton. Tatlong milyong pisong nilustay nang gayon na lamang samantalang patuloy na idinadakdak ng rehimen ang pangangailangan umanong patawan nang patawan ng papabigat na buwis ang taumbayan dahil halos said na ang rekurso ng pamahalaan.

Hanggang ngayon ay nagkakandarapa pa rin sa pagtatanggi at paghuhugas-kamay ang Malakanyang sa iskandalong ito, at pilit pinalalabas na walang binayaran si Mike Arroyo sa pamamalagi niya roon.

Gaano man magmalinis ang rehimen, patuloy ang pag-alingasaw sa publiko ng mga baho nito, kaya abut-abot ang pagkasuklam dito ng mamamayan.

Ang totoo, bahagyang silip lamang ang iskandalo sa MGM Grand Hotel sa nagnanaknak na kabulukan ng rehimeng Arroyo. Bukod sa porsyentong natatanggap ng mag-asawang Arroyo sa bawat malaking proyekto at kasunduan sa negosyo, ang mag-asawa na rin ang kumokontrol sa pinakamalalaking kriminal na sindikatong nagpapalusot ng bigas, asukal, mamahaling mga kotse at ipinagbabawal na droga. Kasabwat nila sa gayong mga krimen ang kanilang berdugong si Gen. Angelo Reyes, na kamakailan lamang ay itinalagang mamuno sa task force na tutugis umano sa malalaking ismagler! Mayroon pa nga bang mas maigeng paraan para maikubli ang sarili nitong kriminalidad?

Ang korapsyon ng mag-asawang Arroyo ay nasasalamin sa bawat sangay, ahensya at departamento ng reaksyunaryong gubyerno, at higit sa lahat, sa militar at pulisya. Kaya naman matapos magretiro ang pinakamahihigpit na kasapakat ni Arroyo sa AFP at PNP, pawang sa pinakakapaki-pakinabang na pwesto sa burukrasyang sibil sila itinatalaga tulad ng Department of Public Works and Highways, sa mga pwestong tulad ng Executive Secretary, at syempre, sa Department of National Defense at Department of the Interior and Local Government, na nangangasiwa sa pulisya. Ibibigay nila ang kanilang katapatan sa rehimen hangga't tuloy ang ligaya.

Bukod sa porsyentong natatanggap ng mag-asawang Arroyo sa bawat malaking proyekto at kasunduan sa negosyo ang mag-asawa na rin ang kumokontrol sa pinakamalalaking kriminal na sindikatong nagpapalusot ng bigas, asukal, mamahaling mga kotse at ipinagbabawal na droga.

At kahit sa mga disgustadong elemento sa militar at pulisya na natutunugang nagbabalak maglunsad ng kudeta, pera pa rin ang ipinantatapal ng rehimen. Para sa kriminal at tiwaling rehimeng Arroyo, pera lang ang katapat ng lahat ng bagay�di lamang ng pagkakaluklok bilang presidente ng papet na republika kundi pati ng pananatili sa pwestong ito.

Sa sobrang kasibaan ng pangkating Arroyo, mabubunyag at mabunyag lalo ang lawak at sidhi ng korapsyon nito. Kung kaya naman unti-unti na nitong itinutumba ang mga nakakutsaba nito. Matingkad na halimbawa ang masaker ng mga kilalang lider ng bandidong Abu Sayyaf sa Bicutan noong Marso.

Laganap din ang bulung-bulungan na plano nang likidahin ang mangungurakot na si Maj. Gen. Carlos Garcia, dahil sa posibilidad na ikanta na niya na ang mag-asawang Arroyo at iba pang matataas na upisyal ng rehimen ang aktwal na nagmamay-ari ng ilang natutuklasang ari-arian sa ibang bansa na milyun-milyong dolyar ang halaga.

Tumitinding panunupil

Para naman sa mga pwersang masugid na naglalantad sa kabulukan ng naghaharing rehimen at tunay na nagmamalasakit sa mamamayan at lumalaban para sa kanilang kapakanan, kamay na bakal ang tugon ni Arroyo. Ilampung lider at aktibista na ng mga progresibong organisasyon at partido ang pinaslang, dinukot, iligal na inaresto at hinaras nitong taon lamang.

Sa hangaring bigyang-katwiran ang pag-igting ng panunupil sa mamamayan, pinag-iibayo ng militar ang walang batayang pagbibintang na may kaugnayan sa Partido Komunista ang mga organisasyong kritikal o lumalaban sa rehimeng Arroyo. Ang gayong mga akusasyon ay ginagamit na tuntungan ng mga reaksyunaryong armadong pwersa sa paglulunsad ng mga atake laban sa mga mamamayang di armado.

Ang pagtindi ng panunupil ay nagpapanumbalik sa sitwasyon sa ilalim ng batas militar noong 1972. Patunay na ito ng desperasyon ng rehimeng Arroyo na makaalpas sa palalim nang palalim na hukay na kinasasadlakan nito. Lalo pa itong lalala oras na maisabatas ang panukalang Anti-Terrorism Act na may layong supilin ang mga karapatang sibil at pampulitika.

Pagkakahiwalay ng rehimen

Ang malawak na galit sa rehimeng Arroyo ay hindi maikukubli kahit ng mga bayarang tagagawa ng mga sarbey. Ayon sa pinakahuling sarbey ng Pulse Asia nitong Marso, bumagsak ang popularidad ng rehimeng Arroyo sa pinakamababang antas mula nang maluklok ito sa poder noong 2001 . Ang mga pangunahing usaping pinakabagsak ang grado ni Arroyo, anang sarbey, ay ang patuloy na pagsirit ng presyo ng mga batayang pangangailangan at ang katiwalian sa gubyerno.

Sa sobra nang kabulukan ng rehimeng Arroyo, at sa tindi na ng pagkamuhi rito ng mamamayan, kailangang palawakin ang nagkakaisang prente na magpapabagsak dito.

Akala ng rehimen ay sapat na ang panlilinlang at dahas upang supilin ang pagbubuo ng gayong nagkakaisang prente. Nakakalimutan nito na gayon din ang ginawang pagmamaliit ng mga rehimen nina Marcos at Estrada sa malawak na pwersa ng mamamayang nagpabagsak sa kanila sa poder. Nakakalimutan din ni Arroyo na di hamak pa ngang mas mabuway ang kanyang rehimen kaysa pasistang diktadurang Marcos. Mas lubog din ito ngayon sa hukay na siya rin ang may gawa at siyang pagbabaunan ng naaagnas na rehimen.

 


 Back to topNext article

07 Abril 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Naghuhukay ng sariling libingan ang rehimeng US-Arroyo
Pananalanta ng Pasistang Estado:
Lumalawak ang paglaban sa mga pasistang krimen ng rehimeng US-Arroyo

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Pagpaslang kay Esperat, iimbestigahan ng BHB

Mga karumal-dumal na detalye ng masaker sa Camp Bagong Diwa
Inosente ang karamihan
Paul Wolfowitz, alagad ng neo-konserbatismo sa World Bank
Pakikialam ng US sa Kyrgyzstan
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.