![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ang umiiral na sistemang pang-ekonomya, pampulitika, pangkultura at elektoral ang siyang nagtatakda sa pangkalahatang dominasyon ng mga reaksyunaryong partido at kandidato. Kaya ang mga eleksyon para sa reaksyunaryong gubyerno sa Pilipinas ay dili iba't pagtatakda lamang kung sino mula sa aling paksyon ng reaksyunaryong naghaharing uri ang mamamayani sa isang panahon at makikinabang sa kapangyarihan kaalinsabay ng pangangalaga at pagpapanatili ng kanilang makauring pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan. Para akitin ang boto ng mamamayan, ang mga reaksyunaryong kandidato ay nagbibitiw ng sarisaring populista at repormistang pangako, kumakasangkapan sa pyudal na kulturang padrino, nagpapakulo at nagbabayad nang malaki para sa kung anu-anong patalastas at gimik sa masmidya. Subalit pinakamapagpasya pa rin sa reaksyunaryong eleksyon ang paggamit ng iba't ibang instrumento, kapwa sarili ng kandidato at sa estado, para sa pamimilit at panlilinlang, ang paggamit ng malaking salaping pangampanya at pambili ng boto at ang kakayahang manipulahin ang resulta ng eleksyon. Mapagpasya sa kalalabasan ng eleksyon sa Pilipinas ang paggamit ng sandata, mga maton at salapi. Kaya sadyang malaki ang disbentahe ng mga progresibong partido at kandidatong lumalahok sa reaksyunaryong eleksyon. Sa umiiral na sistema at kalagayan, awtomatikong nakalaan para sa mga kinatawan ng naghaharing uri ang pinakamatataas na pusiyon at ang kalakhan ng mga pwesto. Iilang progresibong partido at kandidato lamang ang hinahayaang manalo sa eleksyon. Sa partikular, ang batas ukol sa party-list ay naglalaan ng 20% lamang ng mga pwesto sa kongreso para sa maliliit na partidong hindi kabilang sa limang pangunahing partido pulitikal. Sa liit ng puwang na inilalaan para sa naturang mga grupo, imposibleng maging mapagpasya ang mga ito sa pagpapasa o pagbabasura ng mga batas. Dagdag dito, malaking bilang sa mga lumalaban sa eleksyong party-list ay mga ekstensyon lamang ng malalaking partido pulitikal, mga samahang militar, mga grupong pang-ekonomya at iba pang instrumento ng mga reaksyunaryong naghaharing uri. Bukod rito, biktima ng pasistang dahas ang mga progresibong partido at kandidato. Sa mahigit 50 taong kasaysayan ng papet na republika, pinakamabangis at pinakamarahas ang atake ng mga pasistang pwersa ng estado at ng mga sagad-sagarang reaksyunaryong grupong pampulitika tuwing may makabuluhang pag-abante ang mga progresibo sa reaksyunaryong eleksyon. Noong eleksyon ng 1987, ang pinakamalaking bilang ng mga pinatay, sinaktan at hinaras ay nagmula sa progresibong Partido ng Bayan. Sa ngayon, kinokonsentrahan ng mga militarista sa gubyerno at iba pang pasista ang panunupil sa mga progresibong partido at kandidato. Ang pinakamaraming biktima ng pamamaslang at karahasan sa kasalukuyang eleksyon ay mula sa Bayan Muna, Anakpawis at Anak ng Bayan. Pinangangambahan ng mga pasista at sagad-sagarang reaksyunaryo ang relatibong malaking maipagwawagi ng mga partidong ito sa eleksyon. Lumalabas sa lahat ng mayor na sarbey na maipapanalo ng mga ito ang 10 hanggang 12 pwesto sa kongreso. Subalit kapaki-pakinabang pa rin ang paglahok ng mga progresibo sa reaksyunaryong eleksyon sa kabila ng napakalaking mga sagka at panganib na kinakaharap nila at napakalimitadong magagawa nila sa pamamagitan ng pakikibakang elektoral at pagkilos sa gubyerno. Ang isang tiyak nilang magagawa sa minimum ay ilantad ang kabulukan ng sistema at ipagtanggol ang pambansa at demokratikong mga karapatan ng mamamayan. Nakikipag-ugnayan at nakikipag-alyado ang Partido sa mga progresibo at sinasamantala ang kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo na umiigting sa panahon ng eleksyon. Sa pakikipagkaisang prente nito, pangunahing pinangangalagaan ng Partido ang interes at pagsusulong ng mga bentahe para sa rebolusyonaryong kilusan, rebolusyonaryong baseng masa at pinamumunuang kilusang masa. Gayunman, ang kahungkagan ng reaksyunaryong sistemang pulitikal at elektoral at ang kriminal na kampanya ng pang-aatake sa mga progresibo ay naglalantad sa tunay na katangian ng naghaharing sistema at ng prosesong elektoral nito na bulok, reaksyunaryo. Wala ditong maaasahang kalutasan sa mga saligang suliranin ng mamamayan o makabuluhang mga pagbabagong panlipunan. Sa harap ng mga ito, kailangang pag-ibayuhin ang propaganda at protestang antipasista, at magpursigi sa landas ng matagalang digmang bayan, habang hindi tinatalikdan ang masalimuot at mahirap na mga tungkulin sa pagsusulong ng hayag na demokratikong kilusan at pagkilos sa loob ng mga reaksyunaryong institusyon. Sa pamamagitan lamang ng armadong rebolusyon maibabagsak ang bulok na neokolonyal at malapyudal na kaayusan, maitatatag ang bago at rebolusyonaryong kaayusan at matatamasa ang pambansang kalayaan, demokrasya at kaunlaran tungo sa higit pang pagsulong ng lipunang Pilipino. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|