Mga patriyotikong grupo, tuluy-tuloy na nagprotesta
Tuluy-tuloy ang mga protestang anti-gera sa buong bansa ng iba't ibang demokratiko at patriyotikong pwersa. Kasabay ng pagtutol ng karamihan sa imperyalistang digma na inilunsad ng US laban sa Iraq, kinukundena rin ng mga nagrali at nagprotesta ang todo-todo gerang inilulunsad ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa Mindanao.
Tigilan na ang gera sa Mindanao at pagsuporta sa gera sa Iraq! Ito ang nagkakaisang panawagan ng mamamayang Moro sa mga protesta nila sa gubyernong Macapagal-Arroyo at Bush.
Sa pamumumuno ng Bangsamoro Alliance Against Injustice, nagdaos ang mamamayang Moro ng isa sa pinakamalaking kilos protesta sa kasaysayan ng Cotabato City nitong Abril 2. Iginiit nila sa rehimen na ipatupad ang tigil-putukan upang maiwasan ang patuloy na paglikas at nang sa gayon ay makabalik na sa kanilang mga tahanan ang mga sibilyan. Nanawagan din sila na iatras ng gubyernong Macapagal-Arroyo ang suporta nito sa pananalakay ng US sa Iraq.
Umabot sa 5,000 na nagmartsa sa Ayala Avenue, Makati City noong Marso 28. Pinamunuan ang kilos protestang ito ng iba't ibang grupong relihiyoso, mga propesyunal, negosyante at dinaluhan ng Bayan, KMU, KMP, Gabriela, Kadamay, Anakpawis at iba pang pangmasang organisasyon.
Sa Baguio City, humiga sa Session Road ang mga kasapi ng mga militanteng grupo at estudyante bilang protesta. Nagdaos ng misa sa mga lunsod ng Laoag, Vigan at San Fernando, La Union sa rehiyon ng Ilocos. Bago tumulak ng Makati, ang mga delegado ng Pangasinan, Tarlac at Pampanga ay nagdaos ng maikling rali sa San Fernando City, Pampanga habang naglunsad ng caravan naman ang mga Nova Ecijano mula Cabanatuan City. Ganito rin ang ginawa ng mamamayan na galing sa lunsod ng Bulacan, Laguna at Naga.
Sa Kabisayaan, nagdaos ng mga martsa-rali sa Cebu City sa pamumuno ng Bayan at Justice not War Coalition (JNWC) Tagbilaran City sa Bohol. Bago ito, nagpasa ng resolusyon ang lokal na gubyerno rito na kumukundena sa gera sa Iraq at nananawagang bawiin ng gubyernong Macapagal-Arroyo ang suporta dito. May pangkulturang rali sa Bacolod City sa Negros habang nagdaos ng interfaith forum (porum ng iba't ibang pananampalataya) at pananalangin sa Tacloban City sa Leyte.
Nagprusesyon sa Davao City ang JNWC, US Troops OUT of MindaNOW! Bago nito, umikot sa buong isla ang manipesto ng mga ng obispong Katoliko na nanawagang itigil ang gera sa Iraq at Mindanao at pairalin ang katarungan. Martsa-protesta naman sa General Santos City na dinaluhan ng mga nagmula sa mga prubinsya ng Socsargen. May candle march sa Cagayan de Oro City.
Kasabay ng mga demonstrasyon, naglunsad rin ng iba't iba pang tipo ng protesta ang iba pang sektor ng lipunan.
Noong Marso 27, mula sa iba't ibang bahagi ng bansa nagtipuntipon ang mga artista at mga kinatawan nila sa Solidarity for Gathering for Peace sa Cultural Center of the Philippines. Hinikayat ng premyadong direktor ng pelikula at makatang si Marilou Diaz Abaya ang lahat ng mga artista na matapang na magpahayag sa kanilang mga likhang sining. Dumalo ang mga kasapi ng Concerned Artists of the Philippines, mga kinatawan ng Art Association of the Philippines, PETA, Ugat-Lahi, Gabriela, Mindanao People's Coalition, Philippine Islamic Council, Mindanao Comission on Women at iba pa. Nagkaroon din ng parehong pagtatanghal sa Davao City, Cagayan de Oro City, Iloilo City at New York City sa USA. Mahigit 400 mamamayahag at mga manggagawa sa midya naman ang lumagda sa anti-gerang manipesto sa "Media for Peace".
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|