Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang pasikut-sikot na daan ng usapang pangkapayapaan

 Read this article in English

Sa iba�t ibang paraan, ubos-kayang ginagamit ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng pagkakataon at sirkunstansya upang itaguyod ang mithiin ng sambayanan. Isa na rito ang negosasyong pangkapayapaan na nagresulta sa Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao, na sumasalamin hanggang sa isang antas sa kasaysayan, kalagayan at adhikain ng masang anakpawis.

Noong Pebrero 1989, ipinahayag ni Kasamang Luis Jalandoni sa rehimeng Aquino ang kahandaan ng Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP) na simulan ang panibagong serye ng usapang pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Sinundan ito ng sulat ni Kasamang Manuel Romero (tagapangulo noon ng PDPP) sa rehimeng Aquino noong Setyembre 20, 1990 na naglatag ng mungkahing adyenda sa pormal na usapang pangkapayapaan.

Mula sa inisyatibang ito, naganap ang mga panimulang pag-uusap ng mga kinatawan ng magkabilang panig sa Singapore, Hongkong at The Netherlands. Ang serye ng exploratory talks ay nagbunga ng paglagda sa Pinagsamang Deklarasyon ng The Hague ng Setyembre 1, 1992. Ito ang batayang dokumento na nagtakda ng layunin, balangkas at substantibong adyenda para sa pormal na negosasyong pangkapayapaan. Ipinirmi ang mga pangunahing paksa ng substantibong adyenda ng negosasyon: paggalang sa mga karapatang-tao at sa internasyunal na makataong batas; mga repormang sosyo-ekonomiko; mga repormang pulitikal at konstitusyunal; at pagtigil ng labanan at dispusisyon ng pwersa.

Samantala, noong Hunyo 14, 1994 pinirmahan ang Pinagsamang Pahayag ng Breukelen na nagpatibay sa komitment ng magkabilang panig sa Pinagsamang Deklarasyon ng The Hague at nagtakdang sa isang nyutral na bansa gaganapin ang pag-uusap. Pinirmahan din ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na nagbigay ng proteksyon sa mga kinatawan ng PDPP at GRP na kalahok sa negosasyon.

Ang pormal na negosasyong pangkapayapaan ay nagsimula noong Hunyo 26, 1995 sa Brussels, Belgium. Maraming liko�t ikot ang dinaanan ng pag-uusap. Bunga ito ng magkatunggaling pananaw ng PDPP at GRP sa mga pundamental na usaping panlipunan, sa mga ugat ng gera sibil at mga paraan ng pagresolba ng mga ito. May ilang ulit ding diniskaril ng GRP ang usapan dala ng paggigiit na isuko ng PDPP ang rebolusyonaryong integridad nito at mga paglabag sa JASIG tulad ng pagdakip sa mga konsultant ng PDPP na sina Sotero Llamas at Danilo Borjal. Ang pinuno mismo ng panel ng GRP, si Howard Dee, ang isa sa pangunahing tagalako ng tahasang pagpapasuko sa PDPP.

Nitong Marso 16�pagkaraan ng 21 buwan ng masinsin at masalimuot na negosasyon�nilagdaan ng dalawang panel ang Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas. Pinirmahan ito ni Kasamang Mariano Orosa, tagapangulo ng Pambansang Konseho ng PDPP, noong Abril 10 at ni Pangulong Estrada noong Agosto 7.

Kasabay ng paglagda sa Kasunduan, nireorganisa ni Estrada ang panel ng GRP. Kapansin-pansin ang lalong paglakas ng tinig ng mga pasipikasyunista sa bagong panel bunga ng pananatili ni Howard Dee bilang pinuno ng panel at pagpasok nina Sen. Franklin Drilon at Sen. Rodolfo Biazon. Hindi nagtagal at humakbang sila para sagkaan ang implementasyon ng Kasunduan sa mga Karapatang-tao at muling nagtangkang lansihin ang PDPP na magpailalim sa pampulitikang awtoridad ng GRP.

Nagtatalo ang loob ng mga reaksyunaryong naghaharing uri sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Para patuloy na umusad ang negosasyon, kailangang gumawa ang GRP ng mas makabuluhang pagpapakita ng sinseridad at kaseryosohan tulad ng tunay na pagpapatupad ng Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-Tao. Salungat dito ang mga sagadsaring kontra-rebolusyonaryo laluna ang mataas na kumand ng AFP at PNP na abala sa pagpapaigting ng pananalakay sa mga larangang gerilya ng BHB at lalong pagpapalawak ng pagmamanman sa mamamayan.

Sa kabilang banda, may mga seksyon ng mga reaksyunaryong naghaharing uri na patuloy na tumitingin sa usapang pangkapayapaan bilang pansansala sa galit ng masang labis na naghihikahos at pinahihirapan at pampalubag sa agam-agam ng mga dayuhang mamumuhunan. Sa anu�t anuman, nahaharap sila sa lumalawak na paglaban ng masa ng sambayanan at pagpapanibagong-lakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka bunga ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Sa kanilang todong kolaborasyunismo at mabilis na pagkalansag, ang mga kontra-rebolusyonaryong rebisyunistang taksil ay lubos nang nawalan ng anumang kabuluhan sa takbo at hinaharap ng usapang pangkapayapaan. Gayunman, hindi sila tumitigil sa pangiintriga at pag-atake sa Partido, BHB at PDPP, at sa paghahayag ng pagkatig sa reaksyunaryong gubyerno at mga pasipikasyunista laban sa armadong rebolusyonaryong kilusan, pagdating sa usapin ng negosasyong pangkapayapaan.

Kasuklam-suklam ang kanilang pakikipagkutsabahan kay Imelda Marcos at Joseph Estrada para pagkaitan ng indemnipikasyon at katarungan ang malaking mayorya ng mga tunay na biktima ng mga pasistang kahayupan ng diktadurang Marcos.

Hindi kailanman bibitiwan ng PDPP ang rebolusyonaryong inisyatiba nito para itaguyod ang mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas alangalang sa saligang kapakanan ng sambayanan at bilang hindi maiiwasang hakbang sa pagharap sa mga saligang ugat ng gera sibil. Ang rebolusyonaryong kilusan ay hindi rin mahahadlangan ng anumang paninira at maniobra ng GRP at iba pang kontra-rebolusyonaryo sa matatag na pagsusulong ng rebolusyonaryong adyenda para sa tunay, makatarungan at matagalang kapayapaan.

 


Previous articleBack to topNext article

10 Disyembre 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Papanagutin ang GRP sa mga Obligasyon nito sa Kasunduan sa Karapatang-tao!

Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas
Makasaysayang Dokumento ng Pakikibaka ng Sambayanang Pilipino para sa Karapatang-tao

Ang pasikut-sikot na daan ng usapang pangkapayapaan
Pagtataguyod sa Rebolusyonaryong Integridad ng PDPP sa Usapang Pangkapayapaan
Dalawang Pahayag
Pahayag hinggil sa mga paghahabol kaugnay sa karapatang-tao sa ilalim ng Artikulo 5, ikatlong bahagi ng CARHRIHL

Dalawang Pahayag
Hindi tutupdin ni Estrada ang kanyang pangako

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.