Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Basurang iniwan ng US sa dating mga base militar:
Nakalalasong pamana

 Read this article in English

Patuloy na binabalewala ng imperyalismong US at ng rehimeng Estrada ang kapakanan ng daan-daang mamamayang biktima ng nakalalasong basurang iniwan ng mga tropang Amerikano nang kanilang lisanin ang dati nilang mga base militar sa Clark at Subic noong 1992.

Patuloy ding nagbibigkis ng hanay ang mga biktima upang kundenahin ang pagbabalewalang ito at igiit sa gubyerno ng US at Pilipinas na linisin ang lasong iniwan sa mga base at bigyan ng karampatang danyos ang mga biktima.

DUMARAMING BIKTIMA. Mula 1995, mahigit 126 katao mula sa mga komunidad sa dating Clark Air Base sa Pampanga at Subic Naval Base sa Zambales ang namatay nang dahil sa kanilang eksposyur sa nakalalasong basura ng mga base militar. Di rin bababa sa 174 katao mula sa naturang mga lugar ang dokumentadong may malubhang karamdaman. Karamihan sa kanila ay may sakit na kanser.

Marami sa mga biktima ay mga bata katulad ng anim-na-taong gulang na si Crizel Valencia, na namatay noong Hulyo sa sakit na lukemya. Nasalanta sa pagputok ng bulkang Pinatubo ang pamilya ni Crizel at inilikas sila ng gubyerno sa Clark Air Base Command evacuation center sa kabila ng panganib na dala ng kontaminadong tubig doon. Namatay rin noong Hulyo ang pitong-taong gulang na si Rogelio Palo at ang 32- taong-gulang na si Marian Basilio, kapwa sanhi ng malalang anemya at sakit sa bato.

Dalawang-daan pitumpu't dalawa (272) pang biktima ang mula sa evacuation center na pinagdalhan sa pamilya ni Crizel. Dalawampu't walo (28) naman ay mula sa isang maralitang komunidad sa tapat lamang ng dating Subic Naval Base.

NAGHAHANAP NG KATARUNGAN. Noong Hulyo 20 ay nagsampa ng kaso laban sa gubyernong US at rehimeng Estrada ang mga kamaganak ng 300 biktima upang panagutin sila sa kanilang kriminal na pagpapabaya. Humihingi ng $102 bilyon ang mga biktima sa gubyernong US at P52 bilyon sa rehimeng Estrada bilang danyos. Isa pang kaugnay na kaso ang isasampa sa US.

May 200 pang biktimang nakahanay na magsampa ng sarili nilang kaso laban sa mga salarin. Bukod sa mga biktima ng nakalalasong basura, sasama sa mga magsasampa ng kaso ang mga pamilya ng mga sibilyang namatay at nasugatan bunga ng pagsasanay ng mga tropang Amerikano sa mga firing range sa Subic mula pa noong dekada 1970. Marami sa mga biktimang ito ay mga maralitang namumulot ng basura sa paligid ng base at mga katutubong Aeta na nakatira at ngangaso sa kagubatang pinagdausan ng mga pagsasanay.

Bago nito, may isa nang class suit na isinampa noong 1992 ang 1,000 dating manggagawa ng Ship Repair Facility sa Subic Naval Base na nagkasakit ng asbestosis, sakit sa baga na sanhi ng pagkakalanghap ng asbestos, dahil sa ilang dekadang pagtutuklap nila nito mula sa mga barko ng US Navy nang walang sapat na proteksyon.

Sa pangkalahatan, mula 1984 hanggang 1991, mayroon nang 1,259 kasong nakasampa laban sa gubyernong US mula sa mamamayan ng ibang bansang biktima rin ng iba't ibang uri ng imperyalistang pananalanta. Kung pagsasama-samahin ay may kabuuang $25.8 bilyon ang halaga ng danyos na hinihingi ng mga ito. Ang $102-bilyong class suit ng mga biktima sa Pilipinas ang pinakamalaki.

MALALANG KONTAMINASYON. Unang tumingkad ang usapin ng nakalalasong basura sa Clark at Subic nang maglabas ng ulat ang US General Accounting Office (US GAO) hinggil dito noong 1992. Anang US GAO, kontaminado ang lupa at tubig sa ilalim (groundwater) ng mga dating base militar ng US kapwa sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Kabilang sa mga natagpuang lason sa Clark at Subic ang polychlorinated biphenyl, tingga at iba pang

mapanganib na kemikal na ibinaon lamang ng militar ng US sa lupa; at mga produktong petrolyo tulad ng solvent na benzene na tumagas mula sa 93-kilometrong tubong nagdurugtong ng dalawang base militar at naging sanhi ng kontaminasyon ng mga palayan at tubig pang-irigasyon sa paligid nito.

Bukod sa US GAO, kumpirmado ng mismong US Department of Defense, ng World Health Organization at ng ilang pribadong kumpanya ng US ang naturang kontaminasyon. Tinukoy din ng mga pag-aaral ang di pangkaraniwang dami ng kaso ng mga nagkakasakit ng lukemya at iba pang uri ng kanser sa mga komunidad sa paligid ng mga base, bukod sa abnormal ding dami ng mga may sakit sa bato, baga, balat at nervous system at kababaihang naaagasan, nagluluwal ng patay o may mga kapansanang sanggol.

Tinatayang may 26-47 lugar sa mga dating base militar ng US na kontaminado ng nakalalasong basura (di bababa sa 16 sa Clark at 10 sa Subic) batay sa mga pag-aaral ng gubyerno at ng iba pang independyenteng organisasyon.

Kailangang walang pagod na ilantad, batikusin at panagutin ang imperyalismong US at ang mga papet na rehimen nito sa kanilang kriminal na pagkakasala sa mga biktima ng nakalalasong basura.

KRIMINAL NA PAGPAPABAYA. Tiyak na dadami pa ang bilang ng mga biktima ng nakalalasong basura dahil sa patuloy na pagtanggi ng gubyerno ng US at ng Pilipinas na linisin ang mga iniwang base militar.

Patakaran ng US Department of Defense na takasan ang responsibilidad nito sa paglilinis ng anumang nakalalasong kontaminasyong matatagpuan sa mga base militar nito sa ibang bansa matapos itong lisanin ng mga tropa nito. Pananagutan na raw ito ng gubyerno ng bansang iyon.

Tulad ng amo nitong imperyalista, wala ring tulong na ibinibigay ang rehimeng Estrada sa mga biktima. Hindi sila binibigyan ng karampatang serbisyo ng Philippine General Hospital, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center at iba pang ospital ng gubyerno dahil umano sa kakulangan ng pondo.

Tanda ng pagtanggi nila sa problema at pagbabalewala sa kapakanan ng mga biktima ang hindi pagsaklaw sa mga base militar ng isang kasunduan hinggil sa pangangalaga ng kalikasan na pinirmahan ni Estrada at ng presidente ng US na si William Clinton noong Hulyo. Wala ring silbi ang executive order ni Estrada noong Enero na nag-uutos sa pagbuo ng isang task force na mag-aasikaso sa paglilinis ng mga base dahil wala itong magawa kundi "makiusap" sa US na gawin ito.

Malinaw na hindi kusang-loob na pananagutan ng imperyalismong US at ng tutang rehimen ang responsibilidad nito sa mga biktima ng nakalalasong basura. Sa unang pagdinig sa kasong isinampa ng 300 biktima noong Setyembre sa Lunsod ng Angeles, wala ni isang kinatawan ng mga gubyerno ng US at Pilipinas ang dumalo. Ang kasong isinampa noon pang 1992 ng mga biktima ng asbestosis ay nagbunga lamang ng mga �di kumpletong bayad� nang mula ilang daan hanggang ilang libong dolyar sa mga biktima. Samantala, marami sa mga nagkasakit ay namatay na.

Kailangang walang pagod na ilantad, batikusin at panagutin ang imperyalismong US at ang mga papet na rehimen nito sa kanilang kriminal na pagkakasala sa mga biktima ng nakalalasong basura. Kailangang iugnay ang pakikibakang ito sa pakikibaka laban sa pananalanta ng imperyalismong US at ng kakutsabang rehimeng Estrada sa buhay at kabuhayan ng buong sambayanan. Kailangan ding ikawing ang pakikibakang ito sa pakikibaka ng mga biktima sa iba pang bansa at sa malawak na kilusang anti-imperyalista na sumusulong sa buong mundo. Tanging ang mahigpit na pagkakaisa at puspusang paglaban ng lahat ng api at pinagsasamantalahang mamamayan ang magpapabagsak sa imperyalismong US at makapaggagawad ng katarungan sa mga biktima nito.

 


Previous articleBack to topNext article

Oktubre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Samantalahin ang napakalubhang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema!

Isulong at ibayong palakasin ang rebolusyon at ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

Sa harap ng malubhang krisis sa pulitika:
Patuloy ang pagdausdos ng ekonomya

Nagtuturong makibaka:
Ang aping kalagayan ng mga guro sa bansa

Basurang iniwan ng US sa dating mga base militar:
Nakalalasong pamana
Sa ilalim ng VFA:
Ibayong imperyalistang panghihimasok

Sa ilalim ng VFA:
Pang-aabuso ng tropang Amerikano

Ang United Nations:
Tagapagtanggol ng imperyalismo

Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.