Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Martir na Pulang kumander, pinarangalan sa Western Mindanao

MAHIGIT 1,000 mamamayan ang militanteng nagmartsa nitong Nobyembre 5 sa Pilar, Misamis Occidental para ihatid sa libingan ang mga labi ni Mario Bagondol (Ka Orlan), isa sa mga namumunong Pulang kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at kadre ng Partido sa Western Mindanao Region. Si Ka Orlan ay namatay noong Oktubre 28, isang araw pagkatapos masugatan sa isang labanan sa Barangay Datagan, Sindangan, Zamboanga del Norte. Ayon kay Ismael Marte, tagapagsalita ng BHB sa rehiyon, sumama sa martsa ang pamilya at mga kaibigan at tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan. Ilan sa kanila ay nagdala ng mga plakard at istrimer na bumabatikos sa rehimeng US-Arroyo.

Bago ito, pinarangalan si Ka Orlan ng National Democratic Front sa Western Mindanao Region (NDF-WMR). Sa isang pahayag nitong Oktubre 30, sinabi ni Ka Adan Sindapan, tagapagsalita ng NDF-WMR, na namatay si Ka Orlan habang tumutupad sa pambansang panawagan ng Partido na paigtingin ang armadong rebolusyon bilang tugon sa walang kapantay na krisis ng naghaharing sistema.

Ani Sindapan, kahanga-hanga ang tapang at disiplina na ipinamalas ni Ka Orlan noong siya'y nabubuhay. Mula sa pagiging pangkaraniwang mandirigma, siya ay naging isa sa pinakamahuhusay na Pulang kumander na nasubok sa maraming labanan at nakapamuno sa mga tagumpay sa gitna ng liku-liko at mahirap na daan ng paglulunsad ng armadong rebolusyon sa Western Mindanao.

Minaliit ni Sindapan ang pagyayabang ng AFP dahil sa pagkawala ni Ka Orlan. Aniya, hungkag ang gayong pagyayabang dahil patuloy ang pagkabulok ng reaksyunaryong estado at bulok at demoralisado ang mga pasistang sundalong nagtatanggol dito. Ang kabulukan ng sistema, ani Sindapan, ang nagtutulak sa dumadaming hirap at aping mamamayan na tahakin ang landas ng rebolusyonaryong armadong paglaban.

Mga Subanon, tutol sa pagmimina sa Zamboanga del Norte

Tutol ang mga minoryang Subanon sa patuloy na operasyon ng Toronto Ventures, Inc. (TVI), isang kumpanyang Canadian, sa Mt. Canatuan sa Tabayo, Siocon, Zamboanga del Norte.

Sa isang bukas na liham nitong Oktubre, ipinahayag ni Jose "Boy" Anoy, ang timuay (lider ng tribo) ng mga Subanon sa Siocon na dahil sa paghahanap ng TVI ng ginto ay nilapastangan nito ang pinakatuktok ng Mt. Canatuan, na itinuturing na banal na lugar ng mga Subanon.

Anila, ang kanilang mga kilos protesta para pigilin ang pagkawasak ng kanilang lupain ay dinadahas ng TVI sa tulong ng mga CAFGU. Ilang Subanon na at iba pang mamamayan ng Siocon ang namatay o nasaktan bunga nito.

Ginagamit din ng TVI ang isang huwad na organisasyon ng mga Subanon na pinamumunuan ng isang nagpapanggap na timuay para magmukhang lehitimo ang pagmimina nito sa Siocon.

Nangangamba ang mga Subanon na kung hindi mapipigilan ang pananalasa ng TVI, matutulad sila sa iba pang minorya na nataboy sa kanilang lupa dahil sa open pit mining, logging, mga megadam at iba pang proyekto na mas pinakinabangan ng malalaking negosyo.

Selebrasyon ng "Leyte Landing" kinundena ng NDF-EV

Kinundena ni Fr. Santiago Salas, tagapagsalita ng NDF-Eastern Visayas, ang pagdiriwang ng "Leyte Landing" noong Oktubre 20.

Taun-taong ginugunita ang pagdaong sa baybayin ng Leyte ng mga tropang Amerikano sa pamumuno ni Gen. Douglas MacArthur noong 1944 dahil ito raw ay hudyat ng pagpapalaya ng mga Amerikano sa mamamayang Pilipino mula sa kamay ng mga Hapones. Ayon kay Fr. Salas, isa itong insulto sa mamamayang Pilipino dahil ipinahihiwatig nito na utang na loob lamang nila ang pambansang soberanya sa imperyalismong US. Pinasinungalingan din niya na ang "Leyte Landing" ay patunay ng pagiging magkaibigan ng US at Pilipinas. Ipinaalala niya na mga mananakop na tropang Amerikano ang pumatay sa di bababa sa 50,000 mamamayan ng Samar para supilin ang antikolonyal na pag-aalsa sa isla noong maagang bahagi ng ika-20 siglo.

Binatikos din ni Fr. Salas ang paglapastangan ng mga organisador ng "Leyte Landing celebration" sa matatanda at mahihirap na beterano na siyang aktwal na nakipaglaban noon sa mga mananakop na Hapones nang lisanin nina MacArthur ang Pilipinas. Aniya, hinakot ang matatandang beterano para iparada sa selebrasyon pero ni hindi man lamang sila inimbitahan sa ginawang upisyal na handaan. Tanging ang mga kinatawan ng imperyalismong US, rehimeng Arroyo at ng naghaharing uri ng malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa ang nagsikain sa piging.

Central Azucarera de Tarlac, paralisado sa welga

Paralisado ang operasyon ng Central Azucarera de Tarlac (CAT) mula Nobyembre 6 nang muling maglunsad ng aksyong protesta ang mga manggagawa nito sa pamumuno ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU), kasama ang daan-daang magsasaka ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) at mga pamilya nila. Dahil sa barikada ng mga welgista sa dalawang gate ng CAT, hindi nakapasok ang mga trak na may kargang tubo mula sa mga bayan ng Tarlac, Pampanga, Pangasinan at Nueva Ecija. Ang CAT, na nasa bayan ng San Miguel at pag-aari ng pamilyang Cojuangco, ang pinakamalaking repinarya ng asukal sa Luzon.

Iginigiit ng CATLU ang dagdag na P100 sweldo at P30,000 CBA signing bonus para sa bawat manggagawa. Tinututulan naman ng ULWU ang pagtatanggal sa 327 kasapi nila, kabilang ang walong upisyal ng unyon, at ang limitadong araw sa paggawa at lubhang mababang sahod ng mga manggagawang bukid (P9.50 kada araw).

Suportado ang kilos protesta ng Bayan Muna, Anakpawis, ng Nagkakaisang Manggagawa ng Tarlac-Kilusang Mayo Uno (NMT-KMU), Alyansa ng mga Magbubukid sa Tarlac-KMP, BAYAN-Tarlac, Alyansa ng mga Manggagawang-Bukid sa Hacienda Luisita (AMBALA), League of Filipino Students at Anakbayan.

2 Maoistang partido sa India, nagsanib

Binuo nitong Setyembre 21 ang Communist Party of India (Maoist) o CPI(M) mula sa pagsasanib ng dalawang pinakamalalaking Maoistang organisasyon sa bansa�ang Communist Party of India (People's War) o CPI (PW) at ang Maoist Communist Center (India) o MCCI. Binuo rin ang "unified PLGA" (People's Liberation Guerrilla Army) mula sa pagsasanib ng People's Guerrilla Army ng CPI (PW) at PLGA ng MCCI.

Ang pagsasanib, na isinagawa sa loob ng isang sonang gerilya sa India, ay dinaluhan ng mga mandirigmang gerilya at mga aktibista kapwa ng partido at ng mga organisasyong masa.

Ayon sa deklarasyon ng bagong buong partido, "tinugon nito ang kagustuhan at mithiin ng uring manggagawa, magsasaka at lahat ng inaaping masa sa bansa para sa isang tunay na proletaryong partido na makapamumuno sa kanila tungo sa rebolusyonaryong pagbabago para sa pagtatatag ng isang bagong demokratikong lipunan na susulong patungong sosyalismo at komunismo."

Ipagpapatuloy ng CPI(M) ang pagbaka sa mga kanan at kaliwang paglihis, partikular ang rebisyunismo. Pagsisikapan nitong pagkaisahin ang lahat ng grupo at indibidwal na tunay na Maoista na nananatili sa labas ng pinagsanib na partido.

Naglabas ang CPI(M) ng limang dokumento ng pagtatatag: ang "Hold High the Bright Red Banner of Marxism-Leninism-Maoism," "Strategy and Tactics of the Indian Revolution," "Political Resolution on the International and Domestic Situation" at ang programa at konstitusyon ng partido.

Bukod sa paglalahad nito ng paninindigan at pananaw hinggil sa mahahalagang usapin sa India, idineklara ng CPI(M) ang patuloy nitong pagsuporta sa mga digmang bayan na pinamumunuan ng mga Maoistang partido sa Pilipinas, Peru, Turkey at iba pang bansa, bukod sa pagsuporta sa lahat ng pakikibakang bayan laban sa imperyalismo at reaksyon.

90 demonstrador sa Thailand, minasaker

Mahigit 90 demonstrador ang namatay bunga ng pagsalakay ng 1,000 tropang militar sa isang mapayapang rali ng humigit-kumulang 3,000 Muslim sa distrito ng Tak Bai sa prubinsya ng Narathiwat sa katimugang Thailand noong Oktubre 25. Anim na demonstrador agad ang napatay sa marahas na pag-atake. Umabot sa 1,300 ang dinakip, iginapos sa isa't isa at pinagsisiksik sa mga trak na tinakpan ng trapal. Pagkatapos bumyahe ang mga trak nang anim na oras, mahigit 85 sa mga arestado ang natagpuang patay dahil sa pagkakasakal, kombulsyon at pagkakalasug-lasog ng katawan dahil sa pagkakaipit. May 60 ring demonstrador ang nawawala hanggang ngayon.

Inilunsad ang demonstrasyon para tutulan ang lumalaganap na panunupil ng gubyerno ni Prime Minister Thaksin Shinawatra sa mga Muslim sa Thailand sa ngalan ng "anti-teroristang kampanya."

Ayon sa mga grupong nagtataguyod sa karapatang-tao, 17 aktibista at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao na ang pinapatay o nawawala sa Thailand sa ilalim ng rehimeng Thaksin. Isa na rito si Somchai Neelaphaijit, isang abugado sa karapatang-tao na nagtanggol sa limang Muslim na lalaki na inakusahang may kaugnayan sa mga "ekstremistang Muslim". Hindi pa siya natatagpuan mula nang dukutin siya noong maagang bahagi ng 2004.

 


Previous articleBack to top 

07 Nobyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Buuin ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan para pabagsakin ang rehimeng US-Arroyo

Gawaing rekoberi sa mga Aggay sa Gattaran, Cagayan
BHB at AFP: Magkasalungat sa diwa't gawa
Pagbubuo ng hukbong kontra-mamamayan
Sadyang magkaiba ang AFP at BHB�Gen. Jarque
Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976:
Sagot sa krisis pang-ekonomya: Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.