Balita
17 sundalo, patay sa ambus sa Negros
Labimpitong sundalo ang napatay at anim ang nasugatan nang tambangan sila ng mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) nitong Agosto 21 sa Sityo Bulod, Barangay Carabalan, Himamaylan, Negros Occidental. Lulan ng isang trak, kabilang sila sa 28 sundalong reimporsment na tutugis sa BHB.
Ang mga sundalo na mula sa 303rd Brigade ng Philippine Army ay pinagsanib na tropa ng 11th at 61st IB na nakabase sa sentral at timog ng Negros at inirereklamo ng masa dahil sa kanilang paglabag sa mga karapatangtao.
16 na malalakas na sandata, nakumpiska sa reyd sa Cotabato
Nasamsam ang dalawang M14, 11 ripleng garan, tatlong M16, isang set ng radyong pangkomunikasyon, mga bala at mga unipormeng pangmilitar sa isang walang putok na reyd na isinagawa ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa isang detatsment ng 64th IB sa Danlag, Tampakan, South Cotabato nitong Agosto 20. Sinunog din ng BHB ang detatsment.
Nauna rito, isang rantso ang nireyd ng BHB sa kabundukan ng Koronadal, South Cotabato nitong Agosto 15. Bandang ika-6 ng umaga nang pasukin ng BHB ang Sueno Ranch sa Sitio Kupon, Barangay San Jose. Kinumpiska sa naturang reyd ang mga sandata at kagamitan sa komunikasyon ng rantso. Inilunsad ito bilang kaparusahan sa di pagkilala ng may-ari sa ipinatutupad na patakaran ng kilusan sa pagbubuwis.
Battalion commander, patay sa ambus sa Agusan
Isang battalion commander ng Philippine Army ang napatay at tatlong tauhan niya ang nasugatan nang ambusin ang kanilang dyip ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa Barangay San Andres, Bunawan, Agusan del Sur nitong Agosto 14, bandang alas dose ng tanghali.
Ang napatay ay si Maj. Nestor Velasco, commanding officer ng 62nd IB na nakabase sa bayan ng Trento. Nakumpiska sa naturang taktikal na opensiba ang pitong malalakas na sandata: isang M203, dalawang M14 at apat na M16. Nasamsam din ang isang radyong VHF.
12 armas, nakumpiska sa reyd sa Laguna
Labindalawang sandata at iba pang kagamitang militar ang nasamsam sa reyd na inilunsad ng mga gerilya ng BHB sa istasyon ng pulis ng Sta. Maria, Laguna nitong Agosto 7. Nasugatan dito ang hepe ng pulisya ng Sta. Maria na si S/Insp. Benito Mozo.
Kabilang sa mga nakumpiska ang apat na M16, apat na .45, tatlong .38, isang radio transceiver, isang kamera at mahahalagang dokumento.
MGA DAGDAG NA ARMAS. Batay sa mga di pa kumpletong ulat, mula Hulyo hanggang Agosto ng taong ito, mahigit 77 sandata ang nasamsam ng mga mandirigma ng BHB sa mga inilunsad na taktikal na opensiba sa iba�t ibang panig ng bansa. Di bababa sa 40 sa mga ito ay matataas na kalibreng armas. |
Walong pulis, patay sa ambus sa Mindoro
Walong pulis ang napatay at tatlo ang nasugatan nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa Barangay Antonino, Victoria, Oriental Mindoro nitong Hulyo 4. Kabilang sa mga nasugatan si Insp. William Destura, hepe ng pulisya ng Victoria. Nasawi naman ang deputy chief na si SPO4 Wilfred Feliciano.
Ang inambus na tropa ay mula sa pulisya ng Victoria at sa katatalagang Special Action Force ng PNP sa Oriental Mindoro na ipinalit sa berdugong 49th IB.
Pinasabugan ng land mine ang dalawang sasakyan nila bilang hudyat ng taktikal na opensiba. Kinumpiska ang mga gamit militar ng mga pulis at ligtas na umatras ang BHB.
Istasyon ng PNP, nireyd sa Zambales
Sinalakay ng mga gerilya ng BHB ang isang istasyon ng pulis sa Palauig, Zambales nitong Hulyo 21 bandang 7:30 ng gabi. Tatlumpung iba�t ibang armas ang nakumpiska sa naturang opensiba.
Tatlong pulis ang napatay sa labanan.
Isang pulis-paniktik sa Albay, pinarusahan ng BHB
Pinarusahan ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan si SPO3 Rogelio Oliquiano, upisyal sa paniktik ng Philippine National Police Regional Intelligence Group, nitong Agosto 26 sa Barangay Palapas, Ligao. Sakay ng isang motorsiklo si Oliquiano mula sa pangangalap ng impormasyon sa kanyang mga asset sa bayan ng Pioduran nang tambangan ng mga Pulang mandirigma. Nakumpiska mula sa kanya ang isang pistolang 9mm.
Upisyal ng pulisya, patay sa labanan sa Bohol
Napatay si Insp. Victor Hibaya, kumander ng Bohol PNP Provincial Mobile Group sa isang labanang naganap sa Barangay Overland, Buenavista, Bohol noong Hunyo 21. Pinamunuan ni Hibaya ang isang walo-kataong tim na kumubkob sa mga mandirigma ng BHB na nasa naturang barangay. Walang kaswalti sa panig ng BHB at ligtas silang nakaatras.
Kumpanya sa konstruksyon sa Aurora, pinarusahan
Isang kumpanya ng konstruksyon ang ginawaran ng parusa ng BHB nitong Hulyo 6 sa Dinalungan, Aurora. Inabangan ng BHB ang dalawang dump truck ng SMC Construction Corp. at sinunog matapos balewalain ng may-ari ang patakaran sa pagbubuwis ng rebolusyonaryong kilusan.
Oplan Makabayan, kinundena sa Quezon
May 1,000 magsasaka, mangingisda at mga Dumagat ang nagkampo sa harap ng pamprubinsyang kapitolyo ng Quezon sa Lunsod ng Lucena nitong Hulyo 10. Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan ang walong araw na kilos protesta.
Tinuligsa nila ang patuloy at walang patumanggang operasyong militar sa ilalim ng Oplan Makabayan na inilulunsad ng AFP sa kabundukan ng Sierra Madre na nagbunga ng malulubhang paglabag sa karapatang-tao kabilang ang sapilitang pagpapalikas sa kanila.
Serye ng mga welga sa transportasyon, matagumpay na idinaos
Matagumpay na inilunsad sa iba�t ibang sulok ng bansa ang serye ng mga welga ng mga tsuper at tagasuporta nila nitong Hulyo at Agosto upang tutulan ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis at igiit ang P125 dagdag sa minimum na sahod.
Nitong Agosto 7, inilunsad sa buong bansa sa pangunguna ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang isang matagumpay na koordinadong kilos protesta. Humiling din sila ng dagdag na P1 sa pamasahe.
Sa Mindanao, paralisado ang pampublikong transportasyon sa Koronadal, Davao, Kidapawan, Tagum, Digos, Mati at Hilagang Mindanao, samantalang sinuspinde ng mga kumpanya ng bus ang kanilang operasyon sa South Cotabato, Saranggani at Lunsod ng General Santos. Sa Kabisayaan, 99% paralisado ang transportasyon sa dalawang araw na welga sa syudad ng Iloilo at 90% sa syudad ng Bacolod, samantalang nagpiket naman ang mga drayber ng bus at dyip sa harap ng mga oil depot sa mga syudad ng Mandaue at Lapu-lapu. Sa Luzon, lumahok din ang mga drayber sa Bikol (Albay at Sorsogon), Pampanga, Bulacan, Bataan, Nueva Ecija, Tarlac at Metro Manila.
Pangalawang welga itong inilunsad sa loob ng dalawang buwan. Bago nito, pinangunahan din ng PISTON nitong Hulyo 10 ang isang malawakang welga ng mga tsuper at mga manggagawa. Paralisado ang mga mayor na ruta ng dyip sa Metro Manila (90%), Bulacan (100%), Cavite (80%), Tarlac (95%), Pampanga (90%), Bataan (70%), Nueva Ecija (40%), Cebu at Negros (90%). Sumuporta rin sa naturang pagkilos ang KMU at BAYAN at sama-samang nagprotesta ang may 12,000 kasapi nila sa harap ng upisina ng Caltex, Petron at Shell. Sa Lunsod ng Davao, 8,000 tsuper naman ang naglunsad ng welga nitong Hulyo 17. Pinangunahan ito ng Transport of Southern Mindanao for Solidarity, Independence and Nationalism at ng Alliance of Operators and Drivers in Davao City at sinuportahan ng BAYAN. Naparalisa nang 90% ang pampublikong transportasyon sa lugar.
Samantala, sa Kalibo, Aklan, sinalubong ng dalawang araw na welga ng mga drayber ang State of the Nation Address ni Estrada nitong Hulyo 24. Lumahok sa naturang masang pagkilos ang mga myembro ng Bus and Jeepney Operators Association, iba�t ibang grupo ng mga drayber at opereytor ng traysikel, BAYAN at League of Filipino Students.
|