Ang pang-aapi ng kontraktwalisasyon sa mga manggagagawa
Ang kontraktwalisasyon ay isa sa mga sistemang pangunahing ginagamit ng mga kapitalista upang higit na pagsamantalahan at apihin ang mga manggagawa. Ang mga kontraktwal na direktang ineempleyo ng kapitalista o sa pamamagitan ng mga kontraktor ay karaniwang binibigyan lamang ng tatlo hanggang limang buwang kontrata.
Sa pagkuha ng mga kontraktwal, naiikutan ng mga kapitalista ang mga batas at pamantayan sa paggawa na nagbibigay ng mga benepisyong karaniwang nakukuha ng mga regular na manggagawa. Kabilang sa mga ito ang kaseguruhan sa trabaho, karapatan sa minimum na sahod, 13th month pay at iba pa. Ginagamit din ang sistema ng kontraktwalisasyon upang supilin ang karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at pagwewelga. Pinag-iibayo ng kontraktwalisasyon ang pangaapi sa mga manggagawa sa pamamagitan ng:
1. Pagtanggal sa mga regular at pagpalit dito ng mga kontraktwal, o di kaya�y pagtanggal sa mga regular at muling pagkuha sa kanila bilang mga kontraktwal na lamang.
2. Pagkuha sa mga kontraktwal sa kundisyong hindi sila sasapi sa unyon. Laganap din ang pagkuha ng mga kontraktwal para mabawasan o mapalitan ang mga sumasapi sa unyon at mga nagwewelga.
3. Pagkuha ng mga "kontraktor" na pag-aari ng dummy (prente) ng kapitalista o kaya mga kabo o ahensyang mahigpit na kontrolado o kakutsaba ng kapitalistang nag-eempleyo ng mga kontraktwal. Sa gayon, nananatili ang lubos na kontrol ng mga kapitalista sa mga manggagawa habang nasa pinakaminimum ang responsibilidad sa kanila ng kapitalista.
4. Pananatiling kontraktwal ng mga manggagawa kahit ilang taon nang nagtatrabaho sa kumpanya. Sa kabila ng ilang taong serbisyo sa isang kumpanya, walang kaseguruhan sa trabaho ang maraming manggagawang kontraktwal na binibigyan lamang ng panibagong kontrata tuwing tatlo hanggang limang buwan.
5. Pagpapapirma sa sulat ng pagbibitiw na wala o adelantado ang petsa upang anumang oras ay pwede itong gamitin para sila�y tanggalin o kaya�y may pirming banta na tatanggalin sila oras na pagpasyahan ng kapitalista.
6. Pagpapapirma sa mga blangko o dinuktor na payroll para palabasing tumatanggap sila ng sahod na mas malaki kaysa sa aktwal nilang nakukuha. Nariyan ding papirmahin sila sa mga kasunduang nagsusuko ng lahat ng kanilang mga karapatan sa kapitalista.
|