Walang pakundangang terorismo ng Israel sa Palestine
Mula March 29, inilunsad ng Israel ang "Operation Defensive Shield", isa sa pinakamalaki at pinakamatinding pananalakay sa Palestine upang sawatain ang panibagong intifada o armadong pag-aalsa ng mga Palestino laban sa pananakop ng Israel. Muling naglunsad ang mamamayang Palestino ng intifada matapos bumagsak ang negosasyong Israel-Palestine noong Setyembre 2000. Mula noon, mahigit 1,500 Palestino at 400 Israeli na ang namatay.
Buong kabangisang kinopya at sinakyan ng Israel ang "digmang kontra-terorismo" ng US sa paglulunsad ng panibagong pananalakay sa Palestine. Ikinakatwiran ng gubyernong Sharon ng Israel na ang panlulusob at pangwawasak nila sa Palestine ay paglaban sa "terorismo".
Sa katunayan, ang Israel ang siyang naghahasik ng walang pakundangang terorismo sa Palestine. Walang habas ang pagpatay, pag-aresto, pagpapahirap sa mamamayan at pamiminsala ng mga pwersang Israeli sa Palestine.
Ang sumusunod ay ilan lamang sa matitingkad na kaso ng karahasan ng mga sundalong Israeli laban sa mamamayang Palestino:
Pananalakay sa mga refugee camp
Nilusob, pinagpuputukan at pinagbobomba ng Israeli Defense Forces (IDF) pati ang mga refugee camp sa West bank. Sa mga refugee camp ng Nablus at Jenin pa lamang, mahigit 200 Palestino na ang pinatay, 1,500 ang nasugatan at 4,000 ang inaresto at ikinulong ng mga Israeli.
Pagsosona sa West Bank at iba pang teritoryo ng Palestine
Mahigpit na kinokontrol at pinipigil ng IDF ang galaw ng lahat ng mga Palestino sa West Bank at iba pang teritoryo ng Palestine na okupado ng Israel. Malaganap ang pagtortyur at sapilitang pagkakaladkad sa mga sibilyan sa mga operasyong paghahalughog ng mga gusali at bahay at pang-aaresto sa iba pa. Ipinagbabawal kahit ang pagpunta ng mga sugatan at maysakit sa ospital o pagpunta ng mga doktor sa kanila. Ngayon na lamang bahagyang pinalalapit ang Red Cross, Red Crescent at iba pang pandaigdigang organisasyong makatao. Pinipigilan pa ang paglapit ng mga mamamahayag sa mga dinurog na refugee camp.
Malawakang pangwawasak ng mga pasilidad, imprastruktura at kapasidad sa produksyon ng Palestine
Pinagwawawasak ng mga pwersang Israeli ang lahat ng madaanan nila--mga suplay ng tubig, planta ng kuryente, sistema ng komunikasyon, gusali, bahay, ospital at iba pang mga imprastruktura. Bunga nito, nagdurusa ngayon ang mamamayang Palestino sa kawalan ng mga esensyal na pangangailangan. Sinalanta ng mga Israeli ang 75% ng kapasidad para sa kabuhayan ng Palestine.
Pagkubkob sa himpilan ng Palestinian Authority
Kinubkob at winasak ng mga lumulusob na pwersa at pinutulan ng esensyal na mga serbisyo ang himpilan ng gubyerno ng Palestine sa Ramallah. Kinubkob doon si Yasser Arafat, lider ng Palestinian Authority, sa layuning pilayin ang kanyang pamumuno at alisan siya ng anumang papel sa paglulutas ng krisis sa Palestine.
Pag-atake sa Bethlehem
Ang isa sa mga simbahang itinuturing na pinakabanal ng mga Kristyano sa daigdig--ang Church of the Nativity sa Bethlehem--ay kinukubkob at pinapuputukan din ng IDF sa kabila ng mga pandaigdigang tuntunin sa digma na nagbabawal sa paglapastangan sa mga simbahan. Sinukol doon ng mga Israeli ang 200 pwersang panseguridad ng Palestine, kasama ang 50 mga pari, monghe at madre, mga lokal na upisyal at mga sibilyan. Pinapipili ng Israel ang mga mandirigmang Palestino na sumuko at magpadistiyero o kaya makulong at malitis sa Israel. Ang pinili nila'y patuloy na lumaban.
Bingi ang Israel sa pandaigdigang pagkundena sa pananakop at pasistang paghahari nito sa Palestine. Umatras nga ito hanggang sa gilid ng ilang dinurog nilang bayan sa West Bank, pero kasabay nito ay inatake naman nila ang iba pa at sinalakay ang Gaza Strip, isa pang tipak ng Palestine.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|