Balita
11 sibilyan, napatay sa pambobomba
Hindi bababa sa 11 sibilyang Moro ang napatay at di mabilang ang sugatan sa walang pakundangang pambobombang isinagawa ng AFP sa pinaghihinalaang kuta ng bandidong Pentagon Gang noong Agosto 13 sa Liguasan Marsh. Dalawang eroplano ng OV-10 at apat na M520 helicopter gunship ang umatake sa Barangay Midpandakan, Salipada K. Pendatun, Maguindanao at Barangay Pambalayan, Lambayang, Sultan Kudarat.
Ang mga sibilyan ay napatay nang tamaan ng mga bomba ang isang moske at limang kabayahan sa Barangay Midpandakan. Kabilang sa mga biktima ang anim na bata. Mahigit 200 pamilya ang nagsilikas bunga ng operasyong militar na ito. Marami ring bahay ang napinsala sa pambobomba.
People's Caravan laban sa Balikatan, inilunsad
BILANG pagpapakita ng malawakang pagtutol at pagkundena sa lumalalang panghihimasok ng imperyalistang US sa Pilipinas, at partikular, sa Mindanao, inilunsad ng mga progresibo at demokratikong grupo rito ang dalawang araw na People's Caravan for Peace and Sovereignty. Dinaluhan ito ng mahigit 10,000 mamamayan at 120 behikulo. Nagsimula ang caravan sa Davao City at nagtapos sa bayan ng Carmen, North Cotabato noong Agosto 13.
Binatikos ng mga nagpuprotesta ang US sa mapanlinlang na patakaran nitong permanent-temporary na pag-ookupa sa bansa. Hindi man tuwirang inaamin, aktwal na ginagamit ng US ang buong Mindanao bilang mistulang base militar.
Hugo Chavez, nanalo sa recall referendum sa Venezuela
Pinasinungalingan ng pagkapanalo ni Hugo Chavez, presidente ng Venezuela, ang ipinagkakalat ng kanyang mga kalaban na gusto ng malaking mayorya ng mga Venezuelan na patalsikin siya sa poder. Isinalang ang pagkapresidente ni Chavez sa isang recall referendum noong Agosto 15 kung saan 59% ng mga bumoto ang nagpahayag ng kagustuhang manatili pa siya bilang presidente. Ayon sa mga international observers na sumubaybay sa referendum, lehitimo ang resulta nito at wala silang nakitang ebidensya ng pandaraya. Si Chavez ay kilala sa kanyang anti-US na paninindigan, laluna sa paglaban niya sa pagtatangka ng US na kontrolin ang industriya ng langis sa Venezuela.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|