Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Lumalalang panggigipit sa midya

 Read this article in English

Noong Agosto 16, di bababa sa 200 mamamahayag mula sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas ang nagrali sa pambansang himpilan ng pulisya sa Camp Crame upang batikusin ang kainutilan ng Philippine National Police (PNP) na lutasin ang napakarami nang kaso ng pamamaslang sa mga mamamahayag sa Pilipinas.

Bukod sa National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) na nanguna sa kilos-protesta, dumalo ang 10 iba pang organisasyon ng mga mamamahayag. Naglunsad rin ng mga pagkilos noong araw ding iyon ang mga mamamahayag sa mga lunsod ng Bacolod, Gen. Santos, Iloilo, Cebu at Pagadian at sa prubinsya ng Antique.

Nagpasya na ang mga mamamahayag na igiit ang paggagawad ng katarungan sa mga namatay na peryodista at brodkaster dahil sa nakaaalarma nang bilang ng mga pinapatay na tagamidya. Pumapangalawa na ngayon ang Pilipinas sa mundo sa bilang ng mga mamamahayag na pinaslang habang gumagampan ng kanilang trabaho. Tanging ang Iraq, na kasalukuyang sinasalanta ng gera, ang bansang nakauungos pa sa Pilipinas sa bagay na ito.

Mula nang ibagsak ang diktadurang Marcos noong Pebrero 1986, di bababa sa 55 mamamahayag na ang pinapatay sa bansa, ayon sa NUJP. Ayon naman sa hiwalay na listahan ng Bulatlat, isang pahayagan sa internet, aabot na sa 78 mamamahayag ang napapatay mula noon. Kung isasama ang mga pinatay noong panahon ng batas militar, 110 na lahat-lahat ang mamamahayag na biktima ng pamamaslang. Dalawampu rito ay pinaslang sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

Ngayong taon, anim nang mamamahayag ang pinapatay, apat sa kanila sa buwan lamang ng Agosto. Halos kapantay na ito ng bilang ng mga tagamidya na pinatay sa buong 2003.

Lahat ng mga pinaslang na mamamahayag ay kilala sa pagbatikos sa korapsyon at sa pagkakasangkot ng pulis, militar, matataas na upisyal ng gubyerno at malalaking negosyante sa iba't ibang gawaing kriminal.

Si Sonny Alcantara, news presenter ng City TV sa San Pablo, Laguna ay pinagbabaril noong Agosto 2002 pagkatapos niyang batikusin ang isang lokal na upisyal ng syudad. Si Rico Ramirez, reporter, cameraman at spinner ng DXSF sa San Francisco, Agusan del Sur ay pinatay noong Agosto 2003 dahil sa kanyang matitinding batikos laban sa iligal na droga at iba pang krimen sa kanilang lugar. Si Noel Villarante, isa pang komentarista sa DZJV sa Laguna, ay pinaslang noon ding buwang iyon dahil din sa kanyang pagbatikos sa mga anomalya. Si Bonifacio Gregorio, kolumnista ng Dyaryo Banat sa Tarlac, ay pinatay noong Hulyo 2003 dahil sa matindi niyang pagbatikos sa korapsyon sa gubyerno, iligal na droga at iligal na pagpapalit-gamit ng mga lupa ng mga magsasaka para gawing komersyal na memorial park. Pag-aari ng meyor ng La Paz, Tarlac ang naturang memorial park. Noong Abril 2003, pinatay sa Camalig, Albay ang progresibo at matapang na brodkaster ng DZGB na si John Villanueva Jr.

Ngayong Agosto lamang, pinatay sa Bauan, Batangas si Arnel Manalo, korespondent ng dyaryong Bulgar at ng DZRH matapos niyang ilantad ang panig ng kaaway ng isang makapangyarihang negosyante sa prubinsya.

Bukod pa ito sa mga kaso ng bigong pagpatay. Sugatan si Cirse "Choy" Torralba, brodkaster ng Angel Radio sa Cebu City matapos siyang ambusin nitong Hunyo 8. Nalakigtas din si Modesto Gutierrez, komentarista sa DWSI sa Santiago City, matapos siyang pasabugan ng granada nitong Pebrero 13.

Sa harap ng lahat ng ito, walang interes ang rehimeng Arroyo na pawiin ang lumalalang panggigipit sa midya. Bagkus, mismong si Mike Arroyo, asawa ng presidente, ay kabilang sa mga makapangyarihang taong nagsisikap na busalan ang mga mamamahayag.

Sinampahan nitong Agosto ng kasong libelo ni Mike Arroyo sina William Esposo, kolumnista ng INQ7.net at sina Amado Macasaet at Rosario Galang ng pahayagang Malaya dahil sa paglalantad nila sa mga anomalyang kinasasangkutan niya kaugnay ng kanyang mga "grupong pangkawanggawa." Bago ito, apat pang peryodista ang sinampahan din ni Mike Arroyo ng libelo noong Hunyo nang isangkot siya ng mga ito sa mga kaso ng korapsyon at sa pandaraya sa eleksyon noong Mayo.

Bukod sa mga pinapatay na mga mamamahayag, di hamak na mas marami pang tagamidya ang biktima ng harasment, pananakot, pambubugbog at iba pang uri ng panggigipit at paglabag sa karapatang-tao. Karamihan sa mga kaso ay hindi na naiuulat o nalalantad sa publiko.

Nitong Agosto, binantaan ang buhay at mahigpit na minanmanan ng mga di kilalalang lalaki ang isang kasamahan ni Arnel Manalo sa midya at napilitan ding magtago nang ilang araw ang isa pa niyang katrabaho nang ipahiwatig nila sa isang interbyu na alam nila kung sino ang nagpapa-tay kay Manalo.

Mula Pebrero hanggang Hunyo 2004, di bababa sa lima pang kaso ng panggigipit sa midya ang naitala ng NUJP:

Pinagbubugbog, isinailalim sa interogasyon at pinagbantaang papatayin nitong Mayo 31 ng mga elemento ng 20th Special Forces si Melvin Mamis, cameraman ng Southern Tagalog Exposure, nang kunan niya ng bidyo ang isang fact-finding mission sa Rosario, Batangas.

Isa ring mamamahayag sa Ozamiz City ang kinasuhan ng libelo dahil lamang sa pagkokober niya sa isang kilos-protesta.

Paulit-ulit na ipinasara ni Mayor Caesar Dy ng Cauayan City ang Bombo Radyo-Isabela dahil sa pambabatikos nito sa korapsyon at karahasan ng pamilyang Dy sa prubinsya.

Sinuspindi si Rolando Bartolome, brodkaster ng DWBL, dahil sa mga batikos niya laban kay Gloria Arroyo.

Sapilitang pinaaalis sa ere nitong Hunyo 23 ng militar ang Radyo Anakpawis, lingguhang programa ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan sa DZRB sa Batangas City, dahil Bagong Hukbong Bayan diumano ang nagpapatakbo sa programa. Binantaan din ng militar at pulis na rereydin nila ang istasyon kung hindi ititigil ang programa.

Bago ito, noong Oktubre hanggang Nobyembre 2002, anim na kaso ng pagdukot at panghaharas ng pulis, militar at paramilitar sa mga tagamidya ang naitala ng NUJP. Pinakamatingkad rito ang harasment ni Col. Jovito Palparan kay Edu Paringit, isang cameraman ng TVnet, isang lokal na istasyon ng telebisyon sa Calapan City, dahil lamang sa pagkober niya sa marahas na demolisyon ng mga kabahayan sa lunsod.

Noong taon ding iyon, tatlong iba pa ang dinukot at marami pa ang pinagbantaan dahil lamang sa paglalabas ng mga ulat laban sa militar at sa rehimeng Arroyo.

Ang tanging tugon ng PNP sa harap nito ay ang "payo" ni PNP Dir. Gen. Hermogenes Ebdane sa mga tagamidya na manahimik na lamang para huwag silang maging target ng karahasan, at ang nauna pang payo ng PNP sa mga mamamahayag na mag-armas na lamang para maipagtanggol nila ang kanilang mga sarili. Nagkibit-balikat din si Gen. Angelo Reyes, kalihim ng Dept. of Interior and Local Government na nangangasiwa sa PNP, nang sabihin niyang wala siyang nakikitang anumang kapuna-punang tunguhin sa bilang ng mga pinapatay na mga tagamidya.

Walang dapat ipagtaka sa ganitong paghuhugas-kamay ng PNP. Sa maraming pagkakataon ay mga elemento mismo ng pulisya ang sangkot sa pagpatay o panggigipit sa mga tagamidya. Pulis ang pumatay noong Mayo 2002 kay Edgar Damalerio, isang reporter ng Zamboanga Scribe at Mindanao Gold Star at komentarista sa DXKP sa Pagadian City. Sa kabila ng pagkatukoy at pagkaaresto na kay PO1 Guillermo Wapile, pinatakas siya ng mga kapwa niya pulis. Dalawang taon nang hindi ginagalaw si Wapile kahit pakalat-kalat lamang ito sa Pagadian at iba pang lugar sa prubinsya. Katunayan ay naging badigard pa siya ng isang pulitiko noong nakaraang eleksyon.

Nitong huli, tinanggalan na ng proteksyon ang pamilya ni Demalerio at iba pang testigo kaya napilitan na rin silang magtago.

Ang patuloy na pagdami ng mga kaso ng pamamaslang at panggigipit sa mga tagamidya at ang patuloy ding kawalang-aksyon ng reaksyunaryong gubyerno rito ay patunay lamang na pabor sa interes ng naghaharing uri ang ganitong tunguhin. Habang may nakaambang panganib sa buhay at seguridad ng mga mamamahayag, dagdag itong sandata ng naghaharing uri para supilin ang pagbubunyag ng mga anomalyang kinasasangkutan nila at iba pa nilang kriminal at anti-mamamayang gawain at pangalagaan ang kanilang interes.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Setyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang dagdag na pasanin sa mamamayan

Agresibong palawakin ang kilusang manggagawa!
Labanan ang AJ, ituloy ang welga
Pag-ugat ng Partido sa kilusang manggagawa
Kalagayan ng karapatang-tao sa bansa
Pananalanta Ng Pasistang Estado
Lumalalang panggigipit sa midya
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.