Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Visiting Forces Agreement
Magmimistulang base militar ng US ang buong Pilipinas

 Read this article in English

Nagkukumahog si Joseph Estrada na patunayang masugid na tuta siya ng imperyalismong US. Ginagawa niya ang lahat para maratipikahan ang Visiting Forces Agreement (VFA), ang pinakabagong tratadong militar sa pagitan ng gubyernong US at Pilipinas na lantarang lumalapastangan sa soberanya at integridad ng teritoryo ng bansa.

Ang VFA ay pinirmahan nina Ambassador Thomas Hubbard ng US at Kalihim ng mga Usaping Panlabas Domingo Siazon ng Pilipinas noong Pebrero 10, 1998, bago matapos ang administrasyon ni Hen. Fidel Ramos.

Bagamat pirmado na, kailangan pang ratipikahan ng Senado ng Pilipinas ang VFA upang pormal na magkabisa sa bansa. Tinangka ng papet na rehimeng Ramos na agarang paaprubahan ito sa Senado pero inatrasan nang umani ng matinding pagbatikos ng iba�t ibang sektor ng lipunan.

Todo ang pangangampanya ng US para hindi na maulit pa ang pagtanggi sa VFA. Ipinapatawag sa embahada ng US ang mga senador at iba pang upisyal ng administrasyong Estrada upang kunin ang kanilang suporta para sa tratado. Sunud-sunod ang pagbisita ng matataas na upisyal ng US sa patakarang panlabas at depensa gaya nina State Secretary Madeleine Albright, US Pacific Command Adm. Joseph Pruehr at Defense Secretary William Cohen. Nangangako ang US ng ayudang militar para sa �modernisasyon� ng AFP kapag naaprubahan ang tratado.

Paulit-ulit naman ang paniniyak ng papet na rehimeng Estrada na maaaprubahan ang VFA at pormalidad na lamang ang ratipikasyon nito ng Senado.

Mas Masahol na Tratado

Muling nililigalisa ng VFA ang malayang paggamit ng pwersang militar ng US sa teritoryo ng Pilipinas matapos ibasura ng Senado noong 1991 ang Tratado ng Pagkakaibigan, Seguridad at Kooperasyon na nagtangkang magpanatili sa mga base militar ng US. Ito ay kakabit ng ACSA (Acquisition and Cross- Servicing Agreement), na palihim na binuo at ipinatupad ng gubyernong US at Pilipinas mula 1992. Pinahihintulutan nito na gamitin ng mga barko at eroplanong militar ng US ang mga daungan at paliparan ng Pilipinas. Mas masahol pa ang VFA kung ihahambing sa ibinasurang tratado sa mga base militar.

Pahihintulutan nitong magpasok-labas ang mga tropa, barko, eroplano at iba pang gamit militar ng US sa anumang bahagi ng bansa nang hindi iniinspeksyon ng mga awtoridad ng gubyerno ng Pilipinas at hindi nagbabayad ng anumang buwis o taripa. Samakatwid, anumang bahagi ng Pilipinas ay maaaring gawing baseng pandigma ng US.

Tanging mga opisyal militar ng US ang may karapatang mag-inspeksyon ng sarili nilang mga barko at eroplano. Walang karapatan ang gubyerno ng Pilipinas na alamin kung may lulang mga armas nukleyar ang mga ito, bagay na magbabalewala sa mismong saligang batas ng reaksyunaryong estado na nagbabawal sa pagtigil (pansamantala man o hindi) ng sandatang nukleyar sa teritoryo ng Pilipinas.

Bibigyan din ng mga kapangyarihang ekstra-teritoryal ang mga tropang US sa bansa. Walang tunay na hurisdiksyon ang gubyerno ng Pilipinas sa mga tropa ng US na makakagawa ng krimen dito. Ligtas na ang salarin sa anumang pananagutan sa batas ng Pilipinas sa pamamagitan lamang ng sertipikasyon ng isang upisyal militar ng US na naganap ang krimen �habang nagpapatupad ng tungkulin� ang nasasangkot. Maaari ring hilingin ng US na ipaubaya ang paglilitis sa kanilang korteng sibil o militar.

Kaugnay na usapin din ang labis na nakalalasong basura na iniwan ng mga tropang US sa Clark at Subic, kabilang na ang basurang nukleyar. Hanggang ngayon ay hindi ito nireresolba ni pinag-uukulan ng anumang pansin ng panukalang tratado. Hindi rin inoobliga ng kasunduan na managot o magbigay ng danyos ang gubyerno ng US sa anumang pinsalang matatamo ng mga sibilyan sanhi ng mga operasyong militar at iba pang aktibidad na saklaw ng tratado. Walang taning ang epektibidad ng VFA kaya�t wala ring taning na maipatutupad ng US ang masahol na mga probisyon nito.

Patakaran ng Panghihimasok

Ang VFA at ACSA ay sumusuporta sa estratehiya ng pasulong na disposisyon (forward deployment strategy) ng imperyalismong US sa Asya at estratehiya ng mabilisang disposisyon (rapid deployment strategy) sa buong mundo.

Tinitiyak ng mga estratehiyang ito ang mabilis na pagpapadala at panghihimasok ng mga tropang US saanman maglunsad ng digmang agresyon ang US laban sa mga itinuturing nitong kaaway. Ang pasulong na disposisyon at pagmamantina ng mga base militar sa mga rehiyong may itinuturing na mga aktibong banta sa mga estratehikong interes ng US ay ikinukumbina sa mga VFA at ACSA. Tinitiyak ng mga ito ang paglalabas-masok ng malaking bilang ng tropang US nang menos ang gastos o mga suliraning pampulitikang karaniwang kaakibat sa pagmamantina ng base militar.

Sa kasalukuyan, may umiiral na anim na kasunduang panseguridad ang US sa iba�t ibang bansa sa Asya- Pasipiko: ang Mutual Defense Treaty sa pagitan nito at ng Pilipinas (Agosto 30, 1951); at mga tratadong panseguridad sa pagitan nito at ng Japan (Setyembre 8, 1951), Timog Korea (Oktubre 1, 1953), Australia (Setyembre 1, 1951) at sa Marshall Islands, Micronesia at Palau (Nobyembre 4, 1986). May mga base militar ito sa Timog Korea, Japan at Taiwan. At may mga VFA at ACSA sa Singapore, Malaysia, Indonesia, Thailand, Australia, Papua New Guinea, Brunei, Timog Korea at Japan.

Permanenteng nakapusisyon pangunahin sa Timog Korea at Japan ang may 100,000 tropang US na suportado ng mga pwersa at sandata ng buong Pacific Command ng US. Pangunahing nakaamba ang pwersang ito sa Hilagang Korea, Tsina at iba pang itinuturing na aktwal at potensyal na kaaway ng US at mga alyado nito sa Asya.

May mahaba nang rekord ang US sa paggamit sa Asya-Pasipiko bilang lunsaran ng mga digma--mula sa pakikipagtagisan nito sa kapwa imperyalistang Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa digmang agresyon nito laban sa Korea noong dekada �50 at sa Vietnam noong dekada �60 at �70.

Mataman din nitong minamatyagan ang peninsula ng Indotsina kung saan nananatiling bigo ang pakana ng imperyalismong US na sansalain ang paglaban ng mamamayan ng Kampuchea at iba pang bansa rito; ang mga bansa tulad ng India at Pakistan na bagong nagpupundar ng kanilang lakas nukleyar; at ang iba pang inaakala nitong pagmumulan ng tensyong rehiyunal gaya ng di-resolbadong pag-aagawan ng teritoryo sa mga isla ng Spratley.

Layunin din nitong panatilihing bukas ang mga rutang pandagat kung saan idinadaan ang langis at iba pang produkto mula sa Gitnang Silangan. Ang tuluy-tuloy na suplay ng langis ay lubhang kailangan ng Japan, na malapit na alyado ng US, para gumana ang ekonomya nito. Nagbibigay din ang Japan ng bilyun-bilyong dolyar para tustusan ang mga tropa at iba pang pangangailangang militar ng US sa rehiyon.

Ang mga tropa ng US sa Asya-Pasipiko ay ginagamit sa panghihimasok at pananalakay hanggang sa Gitnang Silangan. Nang ilunsad ng US ang Operation Desert Storm at Desert Shield laban sa Iraq noong 1990 at maagang bahagi ng taong ito, ginamit ng US ang mga base militar nito sa Asya-Pasipiko upang mabilis na makapagpadala ng mga tropang pandigma sa Gitnang Silangan. Sa pamamagitan ng mga umiiral na ACSA at VFA sa iba�t ibang bansa sa rehiyon, ginamit ng US ang mga daungan, paliparan at iba pang pasilidad sa mga bansang ito para magsilbing transit point ng mga tropa, barko at eroplanong patungo sa Gitnang Silangan.

Higit sa lahat, nasa kaibuturan ng pagmamantini ng US ng mga tropang militar sa Asya-Pasipiko ang pangangalaga sa interes pang-ekonomya ng imperyalismong US. Mahigpit ang pangangailangan ng US na panatilihing �istable� ang Asia-Pasipiko dahil isa itong mahalagang destinasyon ng mga sobrang produkto at sobrang kapital ng US. Simula dekada �90, umabot sa sangkatlo ng kabuuang eksport na kalakal ng US ang napupunta sa rehiyon. Sa kwentahang por ulo, mas marami na ring inaangkat na kalakal mula sa US ang mga Asyano kumpara sa mga Europeo. Sa gayon, ang anumang banta sa �istabilidad� ng Asya-Pasipiko ay banta rin sa seguridad pang-ekonomya at pampulitika ng US.

Panghihimasok sa Pilipinas

Malaon nang nagmamantini ng mga tropang militar ang US sa Pilipinas na aktibong nanghihimasok upang suhayan ang mga papet nitong rehimen sa bansa at marahas na supilin ang rebolusyonaryong kilusan.

Tinitiyak ng mga tropang militar ng US na nakakatanggap ang reaksyunaryong gubyerno sampu ng mga pwersang militar at pulisya nito ng sapat na antikomunistang indoktrinasyon, ng suportang estratehiko, lohistikal, paniktik at moral, at ng dagdag na pwersa militar para makapaglunsad ng kontrarebolusyonaryong digma laban sa mamamayang Pilipino.

Ibinabando ng US na ang isang �bentaheng� tatamasain ng Pilipinas ay ang pagdaraos sa bansa ng mga ehersisyong militar na lalahukan kapwa ng mga tropang US at Pilipino. Mabibigyan daw ng pagkakataon ang AFP na magsanay sa paggamit ng mga makabagong sandata at iba pang gamit militar ng US.

Nagdudumali ang US na ratipikahan ng Senado ang VFA upang maituloy nito ngayong taon ang pagdaraos ng �Balikatan�, isang malakihang magkasanib na ehersisyong militar na nilalahukan ng mga tropang pangkatihan, pandagat at panghimpapawid. Karaniwan itong inilulunsad tuwing huling kwarto ng taon. Habang hindi naaaprubahan ang VFA, mga maliitang magkasanib na ehersisyong militar lamang ang kaya nitong ilunsad tulad ng ginanap na ehersisyong nabal nitong Agosto malapit sa Bataan.

Walang ibang pakay ang ganitong mga pagsasanay kundi ang paghusayin ang kakayahan ng pasistang AFP na supilin ang mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Inihahanda rin ng mga ehersisyong militar ang upinyong publiko para sa aktwal na armadong panghihimasok dito o di kaya�y aktwal na paggamit ng US sa teritoryong pambansa para manalakay sa mga kalapit-bansa ng Pilipinas.

Isinasalaksak ng US ang VFA sa harap ng walang kasintinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema. Sa pagtatangka nitong maibsan ang krisis, itinutulak ng US ang mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Subalit wala itong ibang naidudulot kundi ang walang katulad na kahirapang kasalukuyang bumabayo sa masang anakpawis.

Bunga ng matinding pagsasamantala at pang-aapi, muling dumadaluyong ang protesta at armadong pagtutol ng mamamayan.

Ang pagpapanibagong lakas ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas na matataya sa matatagumpay na taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan at sa pagsulong ng ligal na demokratikong kilusan sa kalunsuran ay nagdudulot ng ibayong pangamba sa imperyalismong US. Iniuutos ngayon nito sa rehimeng Estrada na pumasok sa mga lantarang antimamamayan at antinasyunal na kasunduang tulad ng ACSA at VFA kahit mangahulugan ito ng ibayong pampulitikang pagkakahiwalay ng rehimen sa sambayanan.

Nagkakamali ang rehimeng Estrada at ang imperyalistang amo nito kung inaakala nilang mailulusot nang basta na lamang ang pag-apruba ng VFA sa Senado. Ngayon pa lamang ay nahaharap na sila sa mariin at malawak na pagtutol ng mamamayan sa naturang kasunduan. Bukod sa militante at progresibong kilusan, kabilang sa mga naninindigan laban sa VFA ang mga grupong tulad ng konserbatibo subalit impluwensyal na Catholic Bishops� Conference of the Philippines, ng Philippine Muslim Task Force Against US Agression at mga organisasyong sibiko. May solidong batayan para buuin ang isang malawak na nagkakaisang prente laban sa mga pakanang panghihimasok, interbensyon at agresyon ng US.

 


Previous articleBack to topNext article

09 Hulyo 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal - Kleptokrasya at ang bulok na naghaharing sistema:
Ang Pangit na Mukha ng Burukratang Kapitalismo sa Rehimeng Estrada

Erap para kay Danding
Sino ang tunay na kriminal?
Ang Tiwali at Bulok na AFP at PNP

Visiting Forces Agreement
Magmimistulang base militar ng US ang buong Pilipinas
Pasismo at Kontrarebolusyonaryong Dahas ng Estadong Neokolonyal
Rebolusyonaryong Kilusan sa Metro Manila
Muling Pagbubuo at Ibayong Pagsulong

Hinggil sa Usapin ng Pambansang Minimum na Sahod
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.