Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Programang pabahay ng rehimeng US-Estrada:
Panlilinlang at pandarahas sa mga maralita sa Metro Manila

 Read this article in English

Sa ngalan ng "kaunlaran", walang habas na winawasak ng reaksyunaryong rehimen ang mga maralitang komunidad sa Metro Manila para sa ganansya ng mga burukrata at mga kasabwat na dayuhang monopolyo kapitalista at lokal na malalaking negosyo sa real estate, konstruksyon at batayang serbisyo't utilities.

Sa prosesong ito, pinagkakakitaan ng reaksyunaryong gubyerno ang mga maralita sa pamamagitan ng mapanlinlang na programang pabahay, pamamahagi ng lupa at relokasyon kasabwat ang mga repormista at manggagantsong grupong petiburges. Layunin nitong wasakin, hindi lamang ang mga bahay at kabuhayan ng mga maralita sa interes ng malalaking negosyo at mga burukrata, kundi pati ang aktwal o potensyal na baseng masa ng rebolusyonaryong kilusan.

Kakutsaba ng reaksyunaryong gubyerno sa ganitong plano ang World Bank at mga pribadong debeloper na nasa Chamber of Real Estate and Builder's Association o CREBA. Ayon sa bangkaroteng konsepto ng World Bank, ang malawakang kawalan ng tirahan ng mga manggagawa't mala-manggagawa ay nakaugat sa simpleng kawalan ng pagpopondo; at ang anumang proyekto para rito ay dapat ibatay sa pamilihan (ibig sabihin, kung may bibili) at hindi sa karapatan at pangangailangan ng mamamayan para sa disenteng tirahan.

Nakatakdang magpautang ng $120 milyon (P4.8 bilyon) ang World Bank, habang maghahanda ng katapat na pondo ang rehimeng Estrada mula sa mga pampublikong pondong nakalaan sa pensyon ng mga empleyado ng gubyerno. Tanda ng katusuhan ng naturang mga programa, pahuhulugan ito sa mga "benepisyaryo". Sa nakaraan, 9% tauntaon ang interes ng mga pabahay. Sa kasalukuyang programa, nakatakdang umabot ito hanggang 15%.

Sa ganitong kaayusan, nasasamantala ng mga pinapaborang debeloper ng CREBA ang pautang ng gubyerno habang tinitiyak na tatabo sila ng milyunmilyon mula sa mga maralitang maninirahan sa mga yunit-pabahay na dikit-dikit, masisikip, mabababa ang kalidad (substandard) at nakatirik sa delikadong lupain. Pinakamababa na ang P500 buwanang hulog ng bawat pamilya para sa isang yunit na may laki lamang na 18 metro kwadrado; ang yunit na bahagyang mas malaki ay P5,000 naman buwan-buwan.

Nasa unahan ng CREBA ang pinakamalalaking debeloper tulad ng mga pamilyang Ayala at Aboitiz. Nag-uunahan naman ang mga upisyal ng reaksyunaryong gubyerno sa pagkopo ng malaking bahagi sa P200 bilyon pondong inilaan para sa murang pabahay. Ang C&P Homes, isa sa pinakamalaking kumpanya sa mura at katamtamang-halagang pabahay, ay pag-aari ni Speaker Manuel Villar sa pamamagitan ng kanyang mga tau-tauhan.

Umusbong ang mga negosyong real estate ng mga asawa, sarisaring anak at iba pang kamag-anak ni Estrada sa simula ng kanyang termino bilang presidente. Pinakamaraming naitatag na kumpanyang real estate noong 1998 at 1999 ang mag-inang Guia Gomez at Jose Victor "JV" Ejercito, paboritong asawa at anak ni Estrada. Iskandaloso ang paglobo ng kapital ng kanilang mga kumpanyang real estate. Halimbawa na ang Buildworth, kumpanyang pangkonstruksyon ni JV Ejercito, na may halagang P14 milyon noong 1997, at nagkakahalaga na ng P83.3 milyon noong 1998.

Nag-aagawan din ang mga reaksyunaryong upisyal sa mga pusisyong hahawak sa nasabing pondo. Naging sentro ng masidhing bangayan sa loob ng gabinete ni Estrada noong huling bahagi ng 1999 ang House and Urban Development Coordinating Council na itinakdang mamahala sa lahat ng proyektong pabahay. Nagtagumpay ang kampo ni Lenny de Jesus, isang kampon ni Danding Cojuangco, sa pagkontrol dito.

Bahagi ng proyektong pabahay ng rehimeng Estrada ang kampanyang demolisyon ng mga maralitang komunidad. Simula nang manungkulan si Estrada, mahigit 50,000 pamilyang maralita na ang marahas na pinalayas sa kanilang mga tahanan sa Metro Manila. Sa susunod na mga taon, tinatayang madaragdagan pa ng 500,000 pamilya ang ipagtatabuyan mula sa kanilang mga tirahan.

Katuwang ng reaksyunaryong gubyerno ang maliliit na grupo ng mga rebisyunistang taksil, gayundin ang mga anti-komunistang sosyal demokrata sa panggugulo, panghahati at pambubuwag sa kanilang pakikibaka.

Upang hindi makalaban ang mga residente at maisagawa nang buong laya ang demolisyon, sari-saring mga pakana ang niluluto ng reaksyunaryong gubyerno upang hatiin ang hanay ng maralitang-lunsod at ibayong yurakan ang kanilang mga karapatan. Nandyan ang pagkriminalisa sa kanila bilang mga "professional squatter", ang pagbawi sa ipinamigay nang mga lupa at, ngayon, ang panukalang pagbabawal na maglabas ang korte ng temporary restraining order laban sa anumang proyektong "pangkaunlaran" ng gubyerno.

Sa mga komunidad kung saan may naabot nang antas ang organisasyon ng mga maralitang-lunsod, kaliwa't kanan ang pag-alok ng mga reaksyunaryo ng murang pabahay, relokasyon sa karatig-prubinsya at salapi upang suhulan ang ilan at hatiin ang hanay ng mga maralita. Katuwang ng reaksyunaryong gubyerno ang maliliit na grupo ng mga rebisyunistang taksil, gayundin ang mga anti-komunistang sosyal demokrata sa panggugulo, panghahati at pambubuwag sa kanilang pakikibaka. Sa nakaraang mga taon, nangunguna sa pangungwarta sa mga pakikibaka ng maralita ang grupo ni Popoy Lagman na nahati na sa apat at ngayon ay naghihingalo na. Umeeksena at nakikihati rin sa ganansya ang maliit na grupong KPD ni Frank Pascual sa ilang maralitangkomunidad sa Metro Manila.

Ang problema ng kakulangan at kawalan ng disenteng pabahay sa mga sentrong lunsod ay isa sa pinakamasisidhing suliraning kinakaharap ng uring manggagawa at mala-manggagawa. Ibinubunsod ito, sa isang banda, ng napakababang sahod, malawakang tanggalan ng mga manggagawa at dislokasyon ng mga magsasaka sa kanayunan habang wala namang hanapbuhay sa kalunsuran. Sa kabilang banda, bunga rin ito ng walang pakundangang pagwasak ng mga komunidad- manggagawa upang bigyangdaan ang malalaki at malalawak na empresa at imprastruktura ng reaksyunaryong estado. Marami ang itinataboy sa lansangan, itinutulak sa suluk-sulok ng mga lunsod at dahil sa abot-langit na singilin sa disenteng tirahan, ay napipilitang mangupahan kahit sa mga bahay na tila kulungang-baboy.

Tulad ng nagdaang mga rehimen, walang kahihinatnan ang engrandeng palabas sa pabahay ng gubyernong Estrada habang nananatili at lumalala ang pagsasamantala at pang-aapi sa uring manggagawa. Walang ibang tunay na makikinabang sa programang ito kundi ang mga reaksyu naryong uri. Hindi lubusang malulutas ang problema sa kakulangan sa pabahay sa pamamagitan ng murang pagpapaupa o kahit pamimigay ng libreng mga bahay habang nananatili ang sistemang panlipunang nagbunsod ng suliraning ito. Tanging sa pamamagitan ng pakikabaka ng uring manggagawa at mala-manggagawa, kaisa ng masang magbubukid, sa balangkas ng pambansa-demokratikong rebolusyon, makakamit ang tunay na solusyon sa suliranin ng pabahay.

 


Previous articleBack to topNext article

Hulyo 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang pagsidhi ng mga pasistang atake ay tanda ng lalong pagkabulok ng rehimeng US-Estrada

Panukalang "emergency powers" ni Estrada:
Salamin ng lumulubhang krisis sa paghahari ng rehimen

Tumitinding pasismo sa Metro Manila
Pasismo laban sa mga manggagawa ng LRT
Malisyoso ang SOMO ng Hulyo 22
502th Brigade Salot!
Pagdukot at iligal na pagbimbin kina Nomer Kuan at Romeo Sanchez
Programang pabahay ng rehimeng US-Estrada:
Panlilinlang at pandarahas sa mga maralita sa Metro Manila
Katarungan para sa mga biktima ng Payatas!
San Roque Multipurpose Dam Project:
Dambuhalang pahirap sa mamamayan

Mga aral ng pakikibaka sa Hacienda Looc
Ang iskwad-pangkultura ng Timog Katagalugan:
Tagapamandila ng rebolusyonaryong sining

Sa panahon ng "walang kaparis na kasaganaan" sa US:
Kaapihan at pagkadusta ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.