Pagtaas ng VAT, inuulan ng batikos
Di magkandatuto ang rehimeng Arroyo sa pagtatanggol sa lansakang kontra-mamamayang pakana nitong pagtataas sa value-added tax o VAT mula 10% tungong 12%. Ito ay matapos mabilisang ipasa ng mga reaksyunaryong kinatawan sa kongreso ang panukala sa kabila ng masidhi at malawakang pagtutol ng mamamayan.
Pang-apat ito sa mga batas kaugnay sa pagbubuwis na naipasa na sa kongreso sa loob lamang ng dalawang buwan. Ang mga ito ay ipinangangalandakang magdadagdag sa "kaban ng bayan" na solong pinakikinabangan ng rehimen at mga kasapakat nito.
Ang VAT ay isang sistema ng pagbubuwis na unang ipinatupad ng rehimeng Aquino noon pang 1988. Ipinampalit ito sa "general sales tax" dahil umano sa kainutilan nito sa pangangalap ng buwis at korapsyon sa Bureau of Internal Revenue. Ang totoo, ipinataw ang VAT bilang pagtalima sa kundisyon ng bagong pautang ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank. Lahat ng mga sumunod na amyenda sa batas ay dikta pa rin ng IMF at World Bank.
Inoobligang magbayad ng VAT ang sinumang nagbebenta, nagpapaupa, nag-aangkat o nagbibigay ng ilang piling serbisyo. Gayunpaman, isa itong "di direktang buwis" na maaaring ipasa sa mamimili, nangungupa o kliyente at kaiba sa "sales tax" na pangunahing binabalikat ng nagbebenta.
Pinalawak ito noong 1996 upang saklawin ang iba pang serbisyo. Noong Agosto 2004, naglabas ang IMF ng listahan ng mga hakbangin upang tiyaking makapagbabayad ng utang ang Pilipinas. Di kagulat-gulat na kasama rito ang pagpapataas ng VAT nang 20-40%.
Di man laging napapansin, sinasaklaw ng VAT ang lahat ng batayang produkto liban sa hilaw na produktong pagkain (fresh produce), at marami-raming serbisyo. Ipinapataw ang tinatawag na "input VAT" sa bawat proseso at hakbang ng pagbubuo ng produkto. Ang kabuuan ng "input VAT" na nakapaloob na sa presyo ay pinapatungan pa ng dagdag na 10% na "output VAT" tuwing bumibili ng produkto o nagbabayad ng serbisyo ang konsyumer. Salamat kay Arroyo, magiging 12% na ito sa hinaharap.
Naglalaway ang rehimeng Arroyo sa inaasahang P35 bilyong malilikom mula sa mas mataas na VAT. Kung tatanggalin maging ang eksempsyon sa hilaw na produktong pagkain, madadagdagan pa ng P28 bilyon ang "kaban ng bayan". Dagdag ito sa inaasahang P15 bilyong malilikom mula sa ibayong pagtataas ng buwis sa alak at sigarilyo at P10 bilyon mula sa Lateral Attrition Law.
Kasama ng rehimen sa pagdiriwang ang mga imperyalistang amo nito sa IMF at World Bank. Ayon sa kanila, matitiyak na ngayon ang tuluy-tuloy na pagbabayad sa dayuhang utang ng bansa. Baka sakaling may maniwala na rin sa deklarasyong nakaahon na ang bansa sa krisis sa pananalapi. Mababawasan na umano ang depisit sa badyet. Bahagyang gaganda ang katayuan ng bansa sa mga internasyunal na bangko at institusyong pampinansya. Baka sakaling pautangin na muli ng naturang mga bangko ang bangkrap at korap na rehimeng Arroyo. Hindi kailangang maging henyo upang makita kung saan patungo ang padrong ito.
Hindi malunok ng mamamayan ang mga panloloko ng rehimen. Dapat diumano magpasalamat ang mamamayan sa pagsisikap ng kongreso na ilibre sa pagtataas ng presyo ang mga tinataguriang "pagkaing pangmahirap" tulad ng instant noodles, sardinas, toyo, patis, bagoong at mga delata. At kahit magtaas pa ang mga ito, ayon naman sa gabinete ni Arroyo, barya-barya lamang diumano ang itataas ng mga presyo.
Ngunit ayon sa inisyal na pagtataya ng mga progresibong kongresista, madadagdagan ng P256 kada buwan ang gastusin ng isang pamilya dulot ng pagtaas ng VAT. Ito ay sa kalagayang kulang na kulang na nga para sa isang pamilya sa Metro Manila ang arawang sahod na P300. Wala pa man ang dagdag na VAT, P590 na o dagdag na P290 ang kinakailangan ng isang anim-kataong pamilya kada araw upang mabuhay nang disente. Maliit na nga kumpara rito ang hinihinging P125 dagdag sa arawang sahod at P3,000 across the board na pagtaas sa sweldo ng mga kawani ng gubyerno. Sa kabila nito, patuloy pa ring tumatanggi ang rehimen na magpatupad ng makatarungang pagtaas sa sahod at sweldo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|