Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

IV. Pagkakamit ng tagumpay sa digmang bayan

 Read this article in English

Tiwala tayong makakamit natin ang ganap na tagumpay ng bagong-demokratikong rebolusyon sa maagang bahagi ng ika-21 siglo. Napakapaborable para sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan ang lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema. Nakatipon na ng karanasan at lakas ang mga rebolusyonaryong pwersa para isulong ang rebolusyonaryong kilusan. Inihanda ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang Partido at buong rebolusyonaryong kilusan para sa mas malalaki pang tagumpay sa hinaharap.

Kailangang patuloy na gampanan ng Bagong Hukbong Bayan ang napakahalagang tungkulin ng pagsusulong sa pangunahing anyo ng pakikibaka. Ito ay upang gapiin ang armadong hukbo ng kaaway at sa gayo�y ibagsak ang naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa upang itatag ang demokratikong gubyernong bayan na nakabatay sa alyansa ng uring manggagawa at magsasaka. Pagkatapos, makaaabante na tayo sa sosyalistang rebolusyon.

Ang Bagong Hukbong Bayan, sa pangunahin, ay pwersang panlaban para gapiin ang kaaway. Dapat nitong ipreserba ang sarili, ipagtagumpay ang mga labanan at magpalakas sa pamamagitan ng pagsasanib ng mga tungkuling militar nito sa iba pang kinakailangan at mahahalagang tungkulin tulad ng propaganda, pag-oorganisa ng masa at produksyon. Kailangan nitong lumakas nang husto bilang pwersa sa pulitika, militar, ekonomya at kultura. Pwersa ito para itransporma ang mga atrasadong baryo tungo sa mga abanteng balwarte ng rebolusyon sa pulitika, militar, ekonomya at kultura. Sa gayon, mahigpit at lahatang-panig itong nakaugnay sa masa.

Dapat absolutong pamunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Bagong Hukbong Bayan at tiyaking nakapangyayari ang rebolusyonaryong pulitika. Sa bawat antas, dapat gabayan ng namumunong organo ng Partido ang kaukulang kumand ng hukbong bayan. Tinitiyak ng mga yunit ng Partido sa loob ng hukbong bayan na itinataguyod ang linyang masa ng pagtitiwala at pagsalig sa kanila.

Ang mamamayan ang di nasasaid na balong pinagmumulan ng lakas ng hukbong bayan. Lumalahok sila sa digmang rebolusyonaryo, hinihikayat ang pinakamahuhusay nilang mga anak na sumapi sa hukbong bayan at ibinibigay nila ang lahat ng makakayang suporta rito dahil nakikibaka ito para sa kanilang pambansa at demokratikong mga karapatan at interes.

Itinatakda ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng naghaharing sistema ang bagongdemokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Ang estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan ay nagbibigay ng puwang sa hukbong bayan upang masamantala ang pinakamalawak na panlipunan at pisikal na kalupaang maniobrahan sa pakikipaglaban sa kaaway at umunlad mula sa pagiging maliit tungo sa pagiging malaki at mula sa pagiging mahina tungo sa pagiging malakas. Dapat nating lutasin ang saligang suliranin ng demokratikong rebolusyon, ang suliranin sa lupa. Dapat nating ipatupad ang minimum na programa ng reporma sa lupa at kalauna�y ang maksimum na programa sa reporma sa lupa. Sa gayon, ang masang magsasaka ay mananatiling tapat sa rebolusyon at tatalima sa pamumuno ng proletaryado. Dapat umunlad nang yugtu-yugto ang hukbong bayan sa proseso ng armadong pakikibaka. Kasalukuyan tayong nasa yugto ng estratehikong depensiba habang ang kaaway ay nasa estratehikong opensiba dahil sa kanyang malaking superyoridad sa kagamitan at mga sanay na tauhang militar. Subalit kaya at dapat nating baguhin ang balanse ng mga pwersa sa pamamagitan ng paglulunsad lamang ng mga taktikal na opensibang kaya nating ipagwagi laban sa kaaway.

Sa pagtitipon natin ng lakas mula sa matatagumpay na taktikal na opensiba, sa pamamagitan ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya ay tiyak na maaabot natin ang yugto ng estratehikong pagkakapatas kung saan ang lakas natin ay kapantay na ng lakas ng kaaway. Sa wakas ay maaabot natin ang yugto ng estratehikong opensiba kung saan ang kaaway ay nasa katayuan na ng estratehikong depensiba.

Ang mababalangkas lamang natin ngayon ay ang malamang mangyayari subalit nakatitiyak tayo na ang ibayo nating paglakas at mga pagsulong ay magiging kumulatibo, maliban kung magkaroon tayo ng mga mayor na pagkakamali o kakailanganing iangkop ang mga taktika at bilis ng pagsulong sakaling pumasok ang mga tropa ng dayuhang mananalakay. Nasasapawan ang posibilidad ng dayuhang pananalakay ng posibilidad na ang mga imperyalistang bansa ay magiging abala sa ibang dako ng mundo.

Ang pinakaepektibong paraan upang maagang malaman at biguin ng hukbong bayan ang tuluy-tuloy na tangka ng kaaway na ikonsentra ang kanyang mga pwersa at durugin tayo sa isang sonang gerilya, larangang gerilya o rehiyon ay ang patuloy na pagpapalawak at pagkokonsolida ng baseng masa sa buong bansa.

May hangganan ang lakas ng kaaway. Katunayan, masyado itong banat kayat manipis ang pagkakapakat nito. Nililimitahan ng krisis ng naghaharing sistema ang kakayahang militar ng kaaway. Mabilis itong lumulubha at ibayo pang lulubha kapag dinagdagan ng kaaway ang tauhan at kagamitan ng mga pwersang militar, pulisya at paramilitar. Kaugnay nito, dapat nating malaman na sa labis na pagkabangkarote ng reaksyunaryong gubyerno, inutusan na ito ng IMF na magtanggal ng tauhan sa burukrasyang sibil at bawasan ang mga gastusin sa kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan.

Makapagkokonsentra ang kaaway ng pwersa sa ilan, subalit hindi kailanman sa lahat, ng ating mga sonang gerilya, larangang gerilya at rehiyon. Maaari tayong maglunsad ng mga opensiba sa mga lugar na manipis na ang pwersa ng kaaway. At kahit sa mga lugar na konsentrado ang mga ito, makagagamit tayo ng mga pleksibleng taktika upang ipako sila sa pamamagitan ng paglulunsad ng ilang aksyong opensiba o ng pagpiling ipagpalit ang kaluwagan ng maniobrahan sa kaluwagan ng panahon sa iba-ibang antas.

Ang pagpapalawak at konsolidasyon ng rebolusyonaryong baseng masa ay dapat magbigay sa atin ng kakayahang maglunsad ng digmang lubos na makilos at iwasan ang anumang mapagpasyang labanang maglalagay sa panganib sa buong armadong lakas ng alinmang larangang gerilya. Sa gayon, walang patid din nating pinaaalalahanan ang ating mga sarili na magsagawa ng puspusang gawaing masa upang palawakin at konsolidahin ang ating baseng masa at magtatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

Upang maagaw ang inisyatiba sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, dapat nating tuklasin ang mga kahinaan ng mga pwersa ng kaaway at ulukan din silang magkamali at ilantad ang kanilang mga kahinaan. Sa taktikal na antas, nagtitipon tayo ng superyor na armadong lakas at gumagamit ng elemento ng sorpresa sa pag-atake sa kahinaan ng mga pwersa ng kaaway sa lugar at oras na pinipili natin. Kasabay nito, nananatili tayong mapagbantay at inaalisan natin ang kaaway ng pagkakataong masukol tayo habang nasa pusisyong nahihiwalay at pasibo.

Sa pamamagitan lamang ng tuluy-tuloy na pagpapalawak at pagpapalalim ng baseng masa natin maipatutupad ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya. Dapat nating gamitin ang mga taktika ng paghihiwa-hiwalay, pagkonsentra at pagpapalipat-lipat. Naghihiwa-hiwalay tayo para sa gawaing-masa. Kumokonsentra tayo upang maglunsad ng mga taktikal na opensiba. Nagpapalipat-lipat tayo upang iwasan ang konsentradong atake ng isang superyor na pwersa ng kaaway.

Kahit na sinasabi nating may estratehikong superyoridad sa atin ang kaaway sa usaping militar at na dapat tayong nasa estratehikong depensiba, dapat nating panatilihin ang ating estratehikong pagmaliit sa kaaway. Makatarungan ang ating rebolusyonaryong mithiin. Ang kaaway ang kasuklam-suklam na kasangkapan ng imperyalismong US at ng lokal na nagsasamantalang uri, at di hamak na mas mahina ito ngayon sa ekonomya at pulitika kaysa kailanman sa nakaraan. Subalit sa taktikal na antas, dapat natin itong laging seryosohin.

Dapat pabilisin ng BHB ang pagpapaunlad ng armadong pakikibaka, ang pagpapatupad ng reporma sa lupa at pagbubuo ng baseng masa; ibig sabihin, ang pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa sa kanayunan. Kailangang dumami pa ang bilang ng mga larangang gerilya upang mapunan ang mga patlang sa pagitan ng kasalukuyang mga larangan. Sa pangangasiwa ng mga komite ng Partido sa rehiyon, dapat magluwal ng mga bagong larangang gerilya ang mga dati nang larangang gerilya at magbigay ng kanilang relatibong labis na tauhan at armas para sa gayong layunin.

Habang pinaiigting natin ang ating gawaing masa at mga taktikal na opensiba, dapat bigyang-pansin ng BHB ang mga pagsasanay sa pulitika at kabuhayan, pagsasanay ng mga tauhang gagampan ng gawaing medikal at komunikasyon at aasikaso sa mga kagamitang pandigma (munitions), paniktik, produksyon, pangangalaga sa kalusugan, gawain sa kultura at pagpapatupad ng patakaran sa pagbubuwis ng demokratikong gubyernong bayan. Maaaring magkaroon ng espesyalisasyon sa gawain, gayundin ng paghahalinhinan ng mga kadre at tauhan sa paggampan ng mga tungkulin sa pamumuno ng Partido.

Dapat tayong maglunsad ng mga batayang taktikal na opensiba upang makasamsam ng mga armas mula sa kaaway at makatipon ng armadong lakas. Para sa layuning ito, sumasandig ang hukbong bayan pangunahin sa gawaing masang sumusulong nang paalunalon. Maaaring magkaroon ng mga pagkakataong kakayanin ng isang yunit-komandong may sapat na pwersa na maglunsad ng taktikal na opensiba na malayo sa larangang gerilya at magkaroon ng sapat na panahon at paraang bumalik sa larangang gerilya. Sa lahat ng mga taktikal na opensiba, dapat magkaroon ng matagalang pagtitipon ng datos-paniktik at napapanahong pagmamanman upang matiyak ang tagumpay.

Dapat din tayong maglunsad sa pana-panahon ng ilang espesyal na opensiba upang parusahan ang pinakamasasahol na kaaway ng mamamayan, ang pinakamalalaking tagalabag ng mga karapatang-tao mga mandarambong, ang mga traydor at iba pang mga pusakal na kriminal. Matagal nang iginigiit ng mamamayang magawaran ng rebolusyonaryong hustisya ang pinakakinamumuhiang mga elementong ito. Dapat mapigilan ang mga elementong ito na ibayong mang-api at magsamantala sa mamamayan, maminsala sa rebolusyonaryong kilusan, tamasahin ang bunga ng kanilang mga krimen at tumakbo sa reaksyunaryong eleksyon.

Naglulunsad ng eleksyon ang mga reaksyunaryo upang lumikha ng ilusyon ng demokrasya. Ginagamit nila ang pwersa at kapangyarihan ng salapi para di palahukin ang mga tunay na kinatawan ng mamamayan. Halos insultuhin nila ang mamamayan sa pamamagitan ng paglilimita ng mapagpipiliang kandidato sa mga nang-aapi�t nagsasamantala rin sa kanila. Bilang tugon, inilalapat ng rebolusyonaryong kilusan ang taktika ng nagkakaisang prente alinsunod sa mga internal na kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo, pinarurusahan o sinasagkaang kumandidato ang mga kaaway na elemento at pinapawi ang maling ilusyon na ang demokrasya ay kinakatawan ng mga reaksyunaryong eleksyon.

Ang reaksyunaryong estado ay labis na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan. Dapat tayong maglunsad ng mga espesyal na taktikal na opensiba na makapipigil sa mga ito, laluna kapag ang gayong mga dayuhang empresa ay nagwawalang-bahala at lumalabag sa mga batas ng demokratikong gubyernong bayan, nakasasama sa mamamayan, salungat sa tunay na pag-unlad sa ekonomya at nakasisira sa kapaligiran.

Dapat nating pigilang pumasok sa teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan ang mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno at mga pribadong grupong pinopondohan ng mga imperyalista na nagsasagawa ng kontra-rebolusyonaryong propaganda at mga iskema ng korupsyon. Kasabay nito, pinag-iiba natin ang mga sagadsarin at ang mga handang makipagtulungan sa atin at iniaakma natin ang ating mga hakbang tungo sa pagpigil sa una at paghimok sa huli.

Ang matatag nating tugon sa deklarasyon ng rehimen ng todo-largang digma at pagwawakas nito sa usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP ay ang pagpapaigting ng digmang bayan. Dapat nating ipatupad ang lahat ng makakaya at kailangang gawin kapwa sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at gawaing nagkakaisang prente upang alisan ng kakayahan ang kaaway na pagharian ang mamamayan, ihiwalay ito at wasakin.

Ang ibayong pumapait na labanan sa hanay ng mga reaksyunaryo at ang umiigting na armadong pakikibaka ng mamamayang Moro para sa pagpapasya-sa-sarili ay mga paborableng kundisyon para sa paglakas at pagsulong ng BHB at ng lahat ng pwersang rebolusyonaryo. Habang ikinokonsentra ng rehimen ang mga kampanyang mapanupil nito sa ilang rehiyon ng BHB, gayundin sa mga lugar ng Moro Islamic Liberation Front, napakarami nitong naiiwang iba pang mga lugar na bukas para sa gawaing masa at mga taktikal na opensiba. Kahit sa iilang mga lugar na pinipiling konsentrahan ng mga pwersa ng kaaway ay nakapagiiwan pa rin sila ng napakaraming puwang at nakapaglalantad ng kanilang mga kahinaan.

Sa gayong mga lugar, dapat nating makitang tagumpay tayo sa pag-akit sa mga pwersa ng kaaway sa kaloob-looban at dapat natin silang bigwasan ng mapaminsalang mga dagok sa pamamagitan ng pagmamaniobra para sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa mga eksteryor na linya. Sa napakaraming lugar kung saan numipis na ang mga pwersa ng kaaway, dapat ay madalas tayong maglunsad ng mga taktikal na opensiba hanggat makakaya upang matulungan ang ating mga kasamang pinupupog ng konsentradong atake ng kaaway sa ibang lugar. Sa loob ng mahabang panahon, dapat nating paduguin ang kaaway hanggang sa mamatay ito bunga ng hindi mabilang na mga sugat.

Ang kahambugan ng rehimeng US-Estrada ay nakasalalay sa kapangyarihang militar ng imperyalismong US, laluna sa US-RP Visiting Forces Agreement at mga kaugnay na kasunduan. Subalit ang imperyalismong US ay isang halimaw na malubha ang estratehikong pagkakabanat na natatakot magkaroon ng mga kaswalting Amerikano sa digmang katihan at labis na palaasa sa mga armas na mataas ang teknolohiya at mga papet na tropang mersenaryo. Inutil ang mga estratehiya at taktika ng imperyalismong US sa harap ng matagalang digmang bayan, gaya ng dati nang napatunayan sa China at Indochina.

Pagsapit ng panahong nakapagtipon na ng sapat na lakas ang rebolusyonaryong kilusan at maitutulak na ang mga lokal na reaksyunaryong humiling sa US ng digmang mapanalakay, nakapagtipon na rin ng lakas ang BHB upang dulutan ng malulubhang pinsala ang mga tropa ng US sa katihan o kaya�y abala na rin ang US sa pagharap sa mga digmang bayan at iba pang mga anyo ng pakikibaka sa marami pang bansa. Sa pagtatagumpay ng armadong rebolusyon, mailuluwal natin ang isang Pilipinas na lubos na nagsasarili, demokratiko, makatarungan, progresibo, mapayapa at masagana. Ibinabatay natin ang ating mga rebolusyonaryong adhikain sa umaasa-sa-sariling rebolusyonaryong pakikibaka ng buong sambayanan habang ang bagong kaguluhan sa daigdig ay lumulubha at nagbubunsod ng mga rebolusyon sa iba pang panig ng mundo.

Internasyunalistang tungkulin natin ang pagpupunyagi sa matagalang digmang bayan, ang pagpapaigting ng ating mga taktikal na opensiba at pagbigwas ng mapaminsalang mga dagok sa kaaway. Ambag natin sa pandaigdigang proletaryadong rebolusyon at sa malawak na anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayan ng daigdig ang ating rebolusyonaryong pakikibaka at mga tagumpay. Dapat nating tumbasan ang inspirasyon at suportang ibinibigay sa atin ng prole- taryado at mamamayan sa ibang bansa sa pamamagitan ng kanilang rebolusyonaryong pakikibaka at mga tagumpay. Hindi dahil napagharian ng imperyalismong US ang Pilipinas nang isang siglo ay patuloy pa rin itong makapaghahari nang isa pang siglo o habampanahon. Nangangahulugan lamang ito na kailangan nating lumaban nang mas mahusay pa hanggang makamtan natin ang ganap na tagumpay. Kailangan nating labanan ang imperyalismong US upang pagbayarin ito sa mga krimen ng pananalakay, pang-aapi at pagsasamantala at iahon ang bansa mula sa paghamak na dinanas nito sa napakahabang panahon. Hindi nangangahulugan na dahil nagwagi ang imperyalismong US sa Cold War, kung saan ang modernong rebisyunismo ang pangunahing dumudurog sa sosyalismo mula sa loob, ay katapusan na ng kasaysayan ang monopolyong kapitalismo. Nangangahulugan lamang ito na kinakailangan nating lumaban nang mas mahusay pa hanggang sa magapi natin ang imperyalismo upang maitatag natin ang sosyalismo. Pinakalayunin nating gapiin ang imperyalismo sa pandaigdigang saklaw at kamtin ang komunismo para sa kapakanan ng buong sangkatauhan.

 


Previous articleBack to top 

29 Marso 2000
Edisyong Pilipino


Ipagtagumpay ang armadong rebolusyon sa ika-21 siglo
I. Dakilang mga tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan
II. Ang krisis ng imperyalismo at ang proletaryong rebolusyon
III. Mabilis na paglubha ng bulok na naghaharing sistema
IV. Pagkakamit ng tagumpay sa digmang bayan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.