Balita
Kampo ng RPA, sinalakay ng BHB
Matagumpay na sinalakay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang kampo ng RPA-ABB sa Sityo Kakha, Barangay Tamlac, Sta. Catalina, Negros Oriental noong umaga ng Disyembre 16. Nakasamsam ang BHB ng 11 M16 at isang M79 mula rito.
Sa isinagawang operasyon, napatay ang timlider at isa pang tauhan ng RPA-ABB "Third District." Ayon sa Southeastern Front ng BHB-Negros, ang isinagawang operasyon ay pagbawi sa mga armas ng Partido na tinangay ng RPA-ABB nang humiwalay ito sa rebolusyonaryong kilusan at sumanib sa kalaunan sa reaksyunaryong hukbo.
Ayon pa sa BHB-Negros, pinarusahan nito ang kontra-rebolusyonaryong bandidong grupo dahil sa ginawa nitong serye ng panghoholdap, pangangalabaw, pagnanakaw at pagpapalusot ng mga iligal na droga. Ang RPA-ABB ay kinakasangkapan din nina Eduardo "Danding" Cojuangco at Gov. George Arnaiz ng Negros Oriental sa pagpapatupad ng mga proyektong mapanalanta sa kabuhayan ng mga magsasaka.
2 lider ng ligal na demokratikong organisasyon, pinaslang ng militar
Dalawang lider ng ligal na demokratikong kilusan ang pinaslang ng militar nitong Disyembre.
Binaril hanggang sa mapatay noong Disyembre 23 si Romy Malabanan, lider ng Bayan Muna, sa tapat ng kanyang bahay sa Bai, Laguna. Executive assistant siya ng kasalukuyang meyor at pangkalahatang kalihim ng Bayan Muna sa Bai nang patayin. Naging kagawad siya ng komiteng tagapagpaganap ng KASAMA-Timog Katagalugan bago lumipat sa Bayan Muna.
Mahigpit niyang tinutulan ang balak ng AFP na magtayo ng kampo sa hangganan ng Bay at Los Banos at maglunsad ng mga operasyon ng AFP sa Bay.
Sa ngayon, umaabot na sa 38 ang pinaslang na kasapi ng Bayan Muna. Partikular sa Timog Katagalugan, ika-74 si Malabanan sa mga aktibistang pinatay sa taong 2003.
Samantala sa Sorsogon, sumisigaw din ng katarungan ang mga militanteng organisasyon at limang naulilang anak ni Susan Habac Aringo, 38 taong gulang na balo at municipal coordinator ng Gabriela Women's Party sa Sorsogon. Noong Disyembre 7, papunta sa kanyang sakahan si Aringo nang pagbabarilin siya sa likod ng mga elemento ng militar at CAFGU sa Sityo Muladbulad, Barangay San Isidro, Castilla.
Ibinilad ng militar ang sugatang si Aringo sa plasa ng bayan dahil kasapi umano siya ng Bagong Hukbong Bayan. Nadala pa siya ng dalawa niyang anak sa ospital subalit namatay din siya dahil sa pagkaubos ng dugo.
Ninakaw din ng mga salarin kay Aringo ang kanyang cellphone at pera.
Militar sa Panay, kinasuhan ng paglabag sa karapatang-tao
Kinasuhan ng mga magsasaka sa Iloilo ang mga tropa ng 47th IB at Provisional Battalion ng Task Force Panay ng paglabag sa mga karapatang-tao. Pormal na inihain ang reklamo ng malawakang pang-aabusong militar sa rehiyunal na tanggapan ng Commission on Human Rights sa Iloilo City noong Disyembre 22. Iginigiit din ng mga lider ng Alyansa sang mga Mangunguma sa Igbaras (AMI) at ng mga upisyal ng dalawang barangay sa Igbaras at Tubungan ang kagyat na pag-atras sa mga pwersang militar sa timog-kanlurang Iloilo.
Samantala, sa Negros Oriental, pinatunayan ng mga militanteng organisasyon at taong-simbahan na may mga paglabag sa karapatang-tao ang 61st IB sa mga baryo ng Siaton. Isinadokumento nila ang 36 kaso ng paglabag sa karapatang-tao, batay sa resulta ng kanilang fact-finding mission doon.
Cheney, kakasuhan ng panunuhol
Nakaambang kasuhan ng korte sa France si US Vice-president Richard Cheney sa mga kasong panunuhol, pagsamantala sa mga aset ng korporasyon at money laundering (pagliligalisa ng perang napalitaw sa pamamagitan ng krimen). Ito ay kaugnay ng pagtatayo ng Halliburton Corporation ng isang liquification factory sa Nigeria noong dekada 1990.
Ayon sa imbestigasyon ng France, umabot sa $180 milyon ang tinatayang ipinansuhol ng Halliburton sa gubyerno ng Nigeria upang agad itong pahintulutang itayo ang pabrika. Pinamunuan ni Cheney ang Halliburton sa panahong iyon at bago siya nahalal na bise-presidente ng US noong 2001.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|