Balita
Panonortyur ng RPA-ABB, kinundena
Kinundena ng KARAPATAN-Negros ang pagtortyur ng RPA-ABB sa mga nadakip nitong pinaghihinalaang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa dalawang insidente sa Cadiz City noong Agosto 7 at 12.
Ayon sa pahayag sa midya ng KARAPATAN-Negros, napatunayan nila sa isang pagsisiyasat na dalawa sa apat na nadakip, sina Alexander Pelayo ng Cadiz City at Rene Santisteban ng San Carlos City, ay tinortyur ng mga elemento ng RPA-ABB. Ang dalawang iba pa ay sina Rodney Ilustrisimo, 20, at Richard Gayo, 26, parehong taga-Hacienda Pula, Barangay E. Lopez, Silay City.
Pinalo si Pelayo ng yantok, sinipa at kinulata ng M16. Di pa nasiyahan ang mga tauhan ng RPA, pinaputukan nila ito malapit sa tainga. Samantala, si Santisteban naman ay pinalo sa ulo. Ayon sa KARAPATAN, ang apat ay pinosasan, piniringan at binantaang papatayin habang iniinteroga ng mga dumakip sa kanila.
Pagtugis kay Al Ghozi, sangkalan para imilitarisa ang mga komunidad ng Moro
MARIING kinundena ng National Democratic Front sa Western Mindanao (NDF-WMR) ang paggamit ng AFP sa pagtugis nito sa teroristang si Fathur Rohman Al-Ghozi para maitulak ang teroristang todo-gera sa Mindanao at tuluyang maibasura ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rehimeng Arroyo at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sa isang pahayag nitong Agosto 28, sinabi ni Adan Sindapan, tagapagsalita ng NDF-WMR, na sadyang pinatakas si Al Ghozi mula sa Camp Crame noong Hulyo para makapaglunsad ang AFP ng mababangis na operasyong militar sa mga komunidad ng Moro at labagin ang karapatang-tao ng mamamayang Moro.
Ibinunyag ni Sindapan na tatlong di armadong sibilyan ang pinatay ng mga elemento ng Charlie Coy, Task Force Tabak ng 1st Infantry Division noong Agosto 7 nang salakayin nito ang Barangay Bauyan, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte para umano tugisin si Al-Ghozi. Pinagsusunog din ng AFP ang mga bahay at suplay ng pagkain ng daan-daang sibilyang nagsilikas nang magkaroon ng putukan. Lima sa walong di armadong tauhan ng MILF na dinukot ng mga sundalo mula sa lugar ang sinalbeyds. Ito sina Mahmod Esmail, Jeran Ulanda, Gayson Ulanda, Sapra Bago at Siddiq Edris. Ikinulong muna sila sa himpilan ng 1st Infantry Division sa Upper Pulacan, Labangan, Zamboanga del Sur bago patayin. Hindi pa rin inililitaw sina Sakib Esmail, Mohmin Abdul at Rasul Hasim. Samantala, dinukot din mula sa Lapasan, Cagayan de Oro City noong Agosto 19 si Hadji Yunos Esmail, kapatid ni Sakib Esmail.
Nanawagan ang NDF-WMR sa lahat ng patriyotiko at progresibong pwersa sa Mindanao na ilantad at tutulan ang patuloy na pagdukot at pagsalbeyds ng mga karaniwan at inosenteng sibilyang Moro sa ngalan ng "gera laban sa terorismo" na itinutulak ng rehimeng US-Arroyo.
Pagbasura sa GATT, iginiit ng Anakpawis
NANAWAGAN sa Senado kamakailan ang grupong Anakpawis na ibasura ang General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) na isinulong ni Pres. Gloria Arroyo noong senador pa siya at pinagtibay ng senado noong 1994.
Inihayag ito ni Rafael "Ka Paeng" Mariano, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Anakpawis sa isang porum sa Quezon City nitong Agosto 22.
Aniya, sa walong taong pagpapaloob sa balangkas ng GATT at World Trade Organization (WTO), walang natamo ang bansa kundi ibayong kahirapan. Ilang milyon ang nawalan ng hanapbuhay, lumobo ang depisit sa kalakalan tungong $5.2 bilyon at maraming magsasaka ang nalugi dahil sa pagbaha ng mga murang imported na produktong agrikultural.
Ang pagbasura sa GATT, ayon naman kay Carmen "Lola Mameng" Deunida, bise presidente ng Anakpawis, ay unang hakbang upang makaalis ang bansa sa WTO na pinaghaharian ng mga imperyalista sa pangunguna ng US.
Kautusan laban sa ampalaya, tinuligsa
SINALUBONG ng galit at paglaban ang kautusan kamakailan ng Department of Health (DOH) na itigil ng mga doktor at mga manggagawa sa sektor ng kalusugan ang pagbibigay ng mga gamot na nagmula sa ampalaya bilang dagdag na gamot sa sakit na diabetes.
Ayon sa mga doktor at manggagawa sa kalusugan, palalalain lamang nito ang sitwasyon ng maraming may diabetes na umaasa sa gayong mga gamot dahil wala silang kakayahang bumili ng mga mamahaling gamot na gawa ng mga dambuhalang kumpanya.
Pinatunayan ng maraming pasyente at maging ng mga doktor ang positibong epekto ng ampalaya sa kalusugan ng mga may diabetes.
Ayon sa mga doktor, maniobra ng mga dayuhang kumpanya ng gamot ang nasa likod ng kautusan ng DOH. Nais maliitin o isaisantabi ng mga ito ang mga lokal na halamang gamot dahil nababawasan ang kanilang benta at kita sa bansa. Noong 2002, umabot sa P800 milyon ang halaga ng naibentang halamang gamot.
Gen. Reyes, nagbitiw sa pwesto
Nagbitiw si Gen. Angelo Reyes bilang Secretary of National Defense noong Agosto 28. Dalawang araw bago ito, buong yabang niyang sinabi na hindi siya bababa sa pwesto.
Kilalang handler ni Pres. Arroyo si Gen. Reyes sa pagpapatupad ng todo-gera laban sa rebolusyonaryong kilusan at mga patakaran ng imperyalismong US tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA), Mutual Logistics Support Agreement (MLSA), Balikatan Exercises, at iba pa.
Pangalawang upisyal na ng gubyernong Arroyo si Gen. Reyes na nagbitiw mula nang pumutok ang nabigong pag-aaklas ng 300 nakababatang upisyal at sundalo noong Hulyo 27. Unang nagbitiw si Gen. Victor Corpus, hepe ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.
Ang pagbibitiw ni Reyes ay desperadong hakbang upang pahupain ang matitinding atakeng inaani ng administrasyong Arroyo. Nais din niyang makaligtas sa mga akusasyon na siya at si Gen. Corpus ang utak ng mga pambobomba sa Mindanao, at sa pagkakasangkot niya sa iba't ibang katiwalian.
Armadong labanan sa Nepal, muling pumutok
MULING sumiklab ang armadong pakikibakang pinamumunuan ng Communist Party of Nepal (Maoist) [CPN(M)] nang bumagsak nitong Agosto 27 ang usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng monarkiya ng Nepal.
Nitong Agosto 31, sinalakay ng People's Liberation Army (PLA) ang isang istasyon ng pulisya sa Chapiya, 300 kilometro sa kanluran ng kabiserang Kathmandu. Apat na pulis ang napatay at nakasamsam ang mga gerilya ng mga armas at bala. Dalawa pang taktikal na opensiba ang inilunsad ng PLA sa ibang mga lugar noong araw ding iyon.
Pitong buwan ding humarap sa negosasyong pangkapayapaan ang CPN(M). Subalit matigas na tumanggi ang reaksyunaryong gubyerno ng Nepal na tanggalin ang CPN(M) at mga organisasyong pinamumunuan nito sa talaan ng mga "terorista." Binatikos din ng CPN(M) ang panghihimasok ng US sa prosesong pangkapayapaan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|