Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mahirap na "reporma" ng rehimeng US-Macapagal Arroyo

 Read this article in English

Mumurahing gimik at mapagkunwaring makamahirap ang palabas ni Macapagal-Arroyo sa kanyang state of the nation address (SONA) sa pagbubukas ng ika-12 Kongreso nitong Hulyo 23. Nilaktawan niya ang paglalarawan ng kritikal na kalagayan ng bansa at naglahad na lamang ng programa ng kanyang gubyerno -- mga programang nakalutang sa hangin at ginayakan ng islogang "paglaban sa kahirapan".

Ang balangkas ng bagong programa ng rehimeng Macapagal-Arroyo ay hinugot lamang sa tadyang ng bangkaroteng Medium Term Development Program (MTPDP) o "Philippines 2000" ng rehimeng Ramos at "Angat Pinoy 2004" na bersyon nito ng rehimeng Estrada. Ang islogang "paglaban sa kahirapan" naman ay kinopya mula sa napatalsik na rehimen.

Walang ibang esensyal na nilalaman at sinunod na balangkas ang bagong-bihis na MTPDP ng rehimen kundi ang imperyalistang "globalisasyon". Pagpapatuloy lamang ito ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa dati nang umiiral na malakolonyal at malapyudal na mga sanhi ng kahirapan, pagkaatrasado at kaapihan ng mamamayang Pilipino. Pinalabukan lamang ito ngayon ng maraming palamuti na nag-aanyong pagkalinga sa mahihirap.

Apat ang sangkap ng naturang programa: (1) pagnenegosyo upang dumami ang trabaho; (2) modernisasyon ng agrikultura; (3) pagkalinga sa mga nagigipit na sektor ng lipunan; at (4) katarungan sa gubyerno.

"Pagnenegosyo upang dumami ang trabaho"

Para kay Macapagal-Arroyo, ang kalutasan sa malawakang disempleyo at kahirapan sa bansa ay nakasalalay sa patuloy at higit pang pagtataguyod sa imperyalistang "globalisasyon". Nagbubulag-bulagan siya sa mas malaganap, mas matimbang at mas mapait pang realidad ng pagsasamantala, pang-aapi at pagpapahirap na idinudulot nito sa mamamayan, laluna sa masang anakpawis.

Sentral sa lahat ng mga "repormang" ipinangangalandakan ng rehimen ang ibayo pang pagpapatupad ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon ng natitira pang mga estratehikong industriya at public utilities sa bansa.

Ang pagsasabatas ng Power Reform Act ang unang-unang salyada ng rehimen sa pagpapatupad nito. Magbubunga lamang ito ng ibayong dominasyon ng mga dayuhang monopolyo kapitalista at higit na pagpapalakas ng mga kakutsaba nilang mga lokal na monopolyo sa serbisyo sa kuryente at pagkakamal ng mga ito ng sobra-sobrang tubo. Lahat ng ito'y sa kapinsalaan ng mga konsumer ng kuryente at mamamayan sa bansa (para sa mas malawig na pagtalakay sa Power Reform Act, tingnan ang praymer na inihanda ng Kawanihan sa Impormasyon hinggil dito).

Tampok din ang isyung pribatisasyon ng Social Security System (SSS), ang ahensya ng gubyerno na nangangasiwa sa seguro (pagpapalago ng mga impok at nagtitiyak mula rito ng mga benepisyo) ng mga empleyado at manggagawa sa pribadong sektor Ilalagay sa kamay ng mga pribadong dayuhan at lokal na kumpanya ang mahigit P174 bilyong pondo sa seguro ng 23 milyong myembro ng SSS.

Sa loob ng tatlo hanggang apat na taon, ang pangunahing pinapangarap ng rehimen na aangklahan ng malaking pag-igpaw ng ekonomya ay ang pag-unlad ng information and communications technology (ICT o teknolohiya sa kompyuter at telekomunikasyon) sa bansa. Ngunit, sa isa o dalawang maliit na aspeto lamang - sa paglaganap ng paggamit ng cellphone at ng mga piniratang compact disk - at wala pa sa pinakamahahalagang aspeto nagkaroon ng malaking pag-unlad ang industriya ng ICT sa bansa. Dahil sa ibayong paglaganap ng mga ito sa bansa, ilan sa pinakamalalaking importasyon ngayon ng bansa ay mga cellphone, mga kagamitan para sa telekomunikasyon at mga kaakibat na materyal at kagamitang elektronik at elektrikal. Malaking bahagi (13.3%) rin ng bahagyang inilaki ng kita ng bansa sa loob ng kalahating taon ay mula sa pagseserbisyo ng mga cellphone at reproduksyon ng mga compact disk. Sa unang anim na buwan ng taon, umabot nang P27.7 bilyon ang pinagsamang kita ng Globe at Smart, 85% na mas malaki kaysa kinita nila sa parehong panahon sa nakaraang taon. Halos P48 bilyon o 55% ng kabuuang bagong puhunang inaprubahan ng Board of Investments (BOI) sa unang hati ng taon ay para sa pagpapalawak ng saklaw ng mga kumpanya sa telekomunikasyon. Napakalaki ng naibabaling mula sa kapasidad at rekurso sa produksyon ng bansa sa pagkakamit ng Pilipinas ng taguring "text capital of the world" o "pandaigdigang sentro ng text". Ngunit, ang pagte-text sa cellphone at panonood at pakikinig sa mga piniratang pelikula at musika sa compact disk ay di saligan sa pamumuhay ng malawak na masa at hindi rin maaasahang magbubunsod ng tunay na pagsulong ng ekonomya sa bansa.

Ang hinahangad pa sana ng rehimen na mapauunlad na bahagi ng ICT ay ang larangan ng computer software development (paglikha ng mga program para sa computer) at data management (pagsasaayos ng mga datos). Malayong mangyari ang layunin ng rehimen na maipalaganap ang paggamit ng kompyuter at telekomunikasyon sa buong bansa, at laluna na gawing sentro ng serbisyong pang-internet sa Asia ang Pilipinas. Hadlang dito ang kasalukuyang makitid na latag at abot ng interkoneksyon ng mga linya, pasilidad at paggamit ng kompyuter, internet at telekomunikasyon sa buong bansa laluna sa kanayunan at ang di episyenteng pamamahala at pagpapaunlad ng gamit dito ng gubyerno. Napakaliit na porsyento ng populasyon (8.3%) ang may cellphone at 4.1% lamang ang may teleponong landline. Wala pang 1% ang may kompyuter at higit na maliit pa rito ang umuugnay sa internet. Mas pundamental pang hadlang dito ang malalang katiwalian sa gubyerno, ang mababang pasweldo sa mga empleyado at ang pangingibang-bayan ng mas maraming propesyunal para maghanap ng mas mataas na sweldo.

Sentral sa lahat ng mga "repormang" ipinangangalandakan ng rehimen ang ibayo pang pagpapatupad ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon ng natitira pang mga estratehikong industriya at public utilities sa bansa.

Sa panahon ding ito na dumadausdos ang industriya ng ICT sa daigdig, laluna sa US at maging sa mga tinataguriang "tigreng ekonomya" (o bagong industriyalisadong ekonomya) tulad ng Singapore at Taiwan, mahirap asahan na mag-isa at walang-batayang makabubwelo ngayon ang industriya ng ICT sa bansa.

Ang pangunahin pang aangklahan ng rehimen upang mapaunlad ang industriya ng ICT sa bansa at imprastruktura para rito ay ang pag-akit ng dayuhang puhunan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng lubusang deregulasyon at pribatisasyon ng naturang industriya sa bansa.

Pangarap na lamang ang balak ng rehimen na pasiglahin ang mga midyum at maliliit na empresa. Hindi ito magagawa hanggang umiiral ang malalaking sagabal sa pagtatayo ng pambansang industriya: ang dominasyon at panggigipit ng imperyalismo sa pambansang ekonomya, ang pangingibabaw ng neokolonyal na kalakalan at kawalan ng anumang makatotohanang programa para sa pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon, ang pagkaatrasado ng malawak na kanayunan, ang kabulukan at mga katiwalian sa gubyerno, at ang patakaran ng mababang pasahod sa mga manggagawa.

"Modernisasyon ng Agrikultura"

Napakatayog din ng pangarap ng rehimen na makalilikha ito ng isang milyong bagong trabaho sa agrikultura at pangingisda sa loob ng isang taon sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng Agricultural and Fisheries Modernization Act (AFMA). Ang AFMA, na isinabatas noong 1997, ay agresibong humihikayat sa pagpasok ng dayuhang kapital sa agribisnes at nagdiriin sa produksyon ng mga tanim na pang-eksport, tulad ng asparagus at mga bulaklak, sa halip na palay at mais na pangkonsumo. Sa halip na tulungan ang papabagsak na agrikultura sa niyog, kung saan umaasa ang mahigit 25 milyong mamamayan, sang-ayon sa programa sa pagpapatupad ng AFMA, nagpapapasok pa ang rehimen ng mga mamumuhunan mula sa Malaysia at paglalaanan sila ng 160,000 ektaryang lupain para gawing mga plantasyon ng palm. Ang langis ng palm ay kakumpitensya ng langis ng niyog sa pandaigdigang pamilihan. Dulot nito, mawawalan ng trabaho ang daan-daang libong magsasaka at manggagawa sa agrikultura ng niyog.

Sa ilalim ng AFMA, ibinubwelo ang malawakang pagpapalit-gamit sa lupang agrikultural. Lalo lamang nitong winawasak ang kakayahan sa lokal na produksyon ng pagkain at ginagawang palaasa ang bansa sa pag-aangkat ng bigas, mais at iba pang pagkain. Isang taon pagkatapos maisabatas ang AFMA, bumagsak ang produksyon ng palay sa pinakamababang antas nito mula 1987. Ang produksyon ng mais ay bumagsak din sa pinakamababang antas nito mula 1984. Hindi trabaho ang nililikha ng AFMA kundi ibayong paglawak ng disempleyo at gutom sa kanayunan.

Pangunahin pang sagabal sa pagpapaunlad ng agrikultura at malawakang paglikha ng hanapbuhay sa kanayunan ang mahigit dantaon na at di nalulutas na problema sa pyudal at malapyudal na relasyon sa agrikultura at ang lumalaking kawalan ng nakararaming magsasaka ng lupang mapagtatamnan.

Sa lala ng katiwalian sa gubyerno, wala rin namang maaasahang malaking ibubunga ang kahit gaanong kalaking badyet para sa agrikultura at pangingisda. Sa taas pa lamang ay nasasaid na ito dulot ng korapsyon at gapatak na lamang ang umaabot sa aktwal na implementasyon ng mga proyekto.

Bukod sa mga ito, mas saligan at pangunahin pang sagabal sa pagpapaunlad ng agrikultura at malawakang paglikha ng hanapbuhay sa kanayunan ang mahigit dantaon na at di nalulutas na problema sa pyudal at malapyudal na relasyon sa agrikultura at ang lumalaking kawalan ng nakararaming magsasaka ng lupang mapagtatamnan. Anumang programa para sa pagpapaunlad ng agrikultura na hindi nakaangkla sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa ay walang pupuntahan.

Matagal nang nasagad ang mga prontera sa bansa, kaya kaduda-duda ang pangako ni Macapagal-Arroyo na pamamahagi ng 100,000 ektarya ng publikong lupain taun-taon. Ang marami rito ay magiging palabas na lamang na pamamahagi sa mga pambansang minorya at setler na dati na rin namang nagmamay-ari, naninirahan at nagsasaka sa mga "ipamamahaging" lupain. Sa aktwal ay pribado na ang mga ito ngunit wala pa lamang titulo kaya tinatawag pang "publikong lupain" para lamang may maiulat na naipamahagi. Ang pagbubukas ng mga bagong lupain mula sa napakanipis nang kagubatan at pinagbubuhatan ng tubig ay makasisira lamang sa kalikasan.

Dahil wala namang ginagawa ang rehimen para basagin ang kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika ng mga panginoong maylupa, nananatiling pangako ang sinasabi ng rehimen na mamamahagi ito ng 100,000 ektarya ng pribadong lupain taun-taon. Napakaliit na nga nito kumpara sa 10.3 milyong ektaryang dapat saklawin ng reporma sa lupa, kung saan 7.66 milyon ay pribadong pag-aari ng mga panginoong maylupa. Hanggang ngayon, mga 3% pa lamang ng huli ang aktwal na nasaklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ang malawakang pagpapatuloy ng industriyal, komersyal, pang-turismo at residensyal na pagpapalit-gamit ng mga lupaing agrikultural ay hindi rin tumutugma sa pinalalabas ng rehimen na seryoso ito sa reporma sa lupa, laluna't nasaklaw na ang mga ito ng CARP.

Ipinagwawalambahala ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang mabigat na suliranin ng mga magsasaka at mamamayan sa pagbaha ng mga imported na agrikultural at iba pang produkto sa bansa, dulot ng "globalisasyon" at mga di-pantay na kasunduang pinasok ng gubyerno tulad ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT o Pangkalahatang Kasunduan sa Taripa at Kalakal) at World Trade Organization (WTO o Pandaigdigang Organisasyon sa Kalakal). Sa loob ng panunungkulan ni Macapagal-Arroyo, higit pang lalaki ang suliraning ito, laluna pagdating ng 2004-05 kung kailan ganap nang ipatutupad ang mga komitment ng Pilipinas sa GATT-WTO.

"Pagkalinga sa mga nagigipit na sektor ng lipunan"

Ani Macapagal-Arroyo, kinikilala niya ang karaingan ng madla laban sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at mababang sahod. Ngunit pabalat-bunga lamang ang pagkilala niya sa kalagayan ng mga manggagawa na nagigipit dulot ng mababang sahod. Wala siyang ginawa kundi ang sabihing umaasa siyang "magpapasya ang Kongreso o ang wage board sa nararapat na sweldo". Ang panawagan niya sa mga negosyante na boluntaryong mag-abono ng pansamantalang Emergency Cost of Living Allowance (ECOLA) na aawasin din naman mula sa anumang itataas ng sahod ng mga manggagawa, gayundin ang paghahain ng mga barat na kapalit, ay pawang mga palatandaang hindi siya interesadong madagdagan ang sahod ng mga manggagawa. Sa kabilang banda, mabilis at kabi-kabila ang pagbibigay niya ng mga umento sa mga pwersa ang AFP at PNP.

Binabantayan din daw ng rehimen ang presyo ng langis. Ngunit naging inutil lamang ang rehimen sa harap ng dalawang ulit na malaking pagtataas ng presyo ng langis sa loob ng kanyang maigsi pang panunungkulan.

Ang gubyerno ay magbebenta rin daw sa mga pinakamaralita ng mas murang bigas sa pamamagitan ng "Tindahan ni Gloria Labandera" Kopya na naman lamang ito sa pakana ng "Erap Rolling Stores" ng nakaraang rehimen. Ngunit ang pagpili ng mga mabebenipisyuhan at mabibigyan ng passbook para mabentahan ng murang bigas ay daraan muna sa mga pulitikong nasa panig ng administrasyon. Magsisilbing instrumento ang ganito para sa kanilang bulok na pamumulitika. Masahol pa, isa lamang itong pakana upang ikubli ang pag-aalis mula sa National Food Authority ng tuwirang pagbebenta ng bigas sa publiko at paghahanda para sa tuluyang pagsasapribado ng NFA at liberalisasyon ng importasyon ng bigas.

Mabibigyan din daw ng karapatang bumili ng sariling tirahan ang hanggang 150,000 maralitang pamilya taun-taon. Pero wala naman itong inilatag na paraan kung paano mababayaran ang ipagbibiling tirahan sa mga maralitang lunsod na wala namang trabaho. Ang mas saligan pang suliraning kailangang solusyunan sa bahagi ng milyun-milyong maralitang lunsod ay ang problema ng malawakang kawalan ng trabaho.

Muling binubuhay ni Macapagal-Arroyo ang Emergency Employment Program (EEP) na unang inilunsad noong panahon ng kanyang ama, si dating Pangulong Diosdado Macapagal. Kinopya ito ng huli sa New Deal (Bagong Kaayusan) ni Presidente Franklin D. Roosevelt bilang sagot diumano sa matinding depresyon sa US noong dekada 1930-40. Pinapangarap ni Macapagal-Arroyo na lilikha ang kanyang EEP ng empleyo para sa 20,000 katao taun-taon sa pamamagitan ng pagpapagawa ng kung anu-ano para lamang masabing may trabaho sila at may kaunting maiuuwing sahod. Kalokohan ito dahil hindi tunay na kinakailangan at produktibo kundi mga gawa-gawang trabaho lamang ang ipagagawa sa kanila. Noon pa mang panahon ni Diosdado Macapagal, naging katatawanan at umani lamang ng kabiguan at maraming batikos ang EEP.

Sa maraming ipinangako ni Macapagal-Arroyo sa mga maralita ng kanayunan at lunsod, sinikap niyang palabasing dito na pangunahing bumaling ang prayoridad ng rehimen. Subalit, walang tunay na nabago sa pagkatagibang ng mga prayoridad nito: gaya ng mga sinundan nito, hindi isinasaisantabi ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo ang Automatic Debt Appropriations Act na patuloy na naglalaan ng pinakamalaking tipak - 40% ng pambansang badyet - para bayaran ang utang panlabas, na umabot na ngayon sa $53 bilyon. Dahil nasa pangunahing prayoridad pa rin ng rehimen ang mapanupil at di-produktibong AFP at PNP, nilakihan pa ang badyet ng mga ito para sa modernisasyon, pagtataas ng sweldo ng mga upisyal, kawal at pulis, pagpaparami ng CAFGU at iba pa.

"Katarungan sa gubyerno"

Manawagan man nang manawagan si Macapagal-Arroyo ng moralidad sa gubyerno, wala siyang magagawa para mapagpasyang maiwaksi ang katiwalian dito, laluna sa matataas na antas ng burukrasya. Ito'y hanggat hindi mapagpasyang maiwawaksi at radikal na mapapalitan ang umiiral na reaksyunaryo at bulok na estado. Ang kabulukan sa estado ay itinatakda ng kinapapalooban nitong malakolonyal, malapyudal at burukrata-kapitalistang sistema ng paggugubyerno at pulitika sa bansa. Nananatili itong kliyenteng estado ng US, pinamumunuan ng mga uring malaking panginoong maylupa at kumprador burgesya at nagsisilbi lamang bilang palabigasan ng mga naghaharing uri at mga tauhan nila. Sa mga diskurso, papel at pagpapakitang-tao lamang ang paninilbihan nito sa interes ng mamamayang Pilipino. Nagmamalinis si Macapagal-Arroyo, dahil ang matinding galit ng mamamayan sa garapal na katiwalian at pandarambong ang nagpabagsak sa pinalitan niyang pangulo. Nakita niya kung gaano rumagasa ang kilusang masa laban sa malalang katiwalian sa gubyerno at batid niyang maaaring maituon din ito sa kanyang rehimen kapag mailantad din ang pagpapatuloy ang malalang korapsyon hanggang sa kasalukuyan.

Nakita ni Macapagal-Arroyo kung gaano rumagasa ang kilusang masa laban sa malalang katiwalian sa gubyerno at batid niyang maaaring maituon din ito sa kanyang rehimen kapag mailantad din ang pagpapatuloy ang malalang korapsyon hanggang sa kasalukuyan.

Ngunit maaga pa'y may sumisingaw na ring mga kaso ng korapsyon sa palasyo. Si Miguel Arroyo, asawa ng pangulo, at mga malalapit sa kanya ang ngayo'y pangunahing nasasangkot sa mga kontrobersya. Pangita ang kanyang kamay sa ilang pagkakahirang sa mayayamang pusisylon sa gubyerno ng malalapit niyang kaibigan at kasosyo sa negosyo. Halimbawa nito ang pagkakahirang kay Pantaleon Alvarez bilang kalihim ng DENR at dalawa pang malalapit niyang kaibigan bilang vice-chairman / general manager at media consultant sa Philippine Charity Sweepstakes Office.

Nasangkot din ang kalihim ng Department of Justice na si Hernando Perez sa paspasang pagbibigay sa Impsa Engineering Ltd., isang kumpanyang Argentine, ng halagang $450 bilyong proyektong pang-enerhiya sa Caliraya-Botocan-Kalayaan Power Complex at sa di nito pagdaan sa pagsusubasta bago inaprubahan. Ito ang unang-unang proyektong inaprubahan ng rehimen, wala pang isang linggo pagkaluklok nito.

Pilit na binibigyang-matwid ni Macapagal-Arroyo ang kanyang tunguhing makipagkasundo at magbigay-daan sa iba't ibang hinihinging pribilehiyong pang-VIP at kapritso ng mga Estrada kaakibat ng pag-uusig at paglilitis sa kanila. Ito'y pagiging sensitibo lamang, aniya, sa damdamin ng mga patuloy na sumusuporta kay Estrada. Sa katunayan, nangangamba siyang mayamot sa kanya ang pamunuan ng Iglesia Ni Cristo at ang El Shaddai, na kapwa sumusuporta kay Estrada. Malinaw na natatawaran ang pagtataguyod ng rehimen sa puspusang pag-uusig at mabilisang paglilitis sa mga Estrada. Ang tanging pumipigil sa pagbibigay ng maraming kunsesyon at kumpromiso at nagtutulak sa puspusang pag-uusig sa mga Estrada ay ang masugid at militanteng pagbabantay ng mga progresibo at demokratikong organisasyon.

Kaugnay nito, kailangan pa ring ipursige ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo ang mga kaso laban sa mga Marcos at ang kagyat na pagbawi at pagbalik sa mamamayan ng mga nakaw na yaman ng mga Marcos. Gayundin ang imdemnipikasyong dapat matanggap ng mga 10,000 dating bilanggong pulitikal ng diktadurang Marcos, bunga ng napanalunan nilang kaso laban sa diktadura.

Bago ang muling-pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP, dapat pinakawalan na ng rehimen ang lahat ng mga bilanggong pulitikal. Subalit, mahigit dalawang daan pa rin sa kanila ang nakakulong at mas dumami pa sila sa loob ng unang anim na buwan ng rehimen.

Sa unang limang buwan pa lamang ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo, may naitalang mayor na 50 insidente ng paglabag nito sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Kabilang sa mga nabiktima rito ang 322 indibidwal (61 kababaihan at 27 menor de edad); 103 pamilya; at 50 komunidad. Hindi pa kabilang rito ang mga mamamayang Moro na inaresto nang walang mandamyento sa Basilan at sa mga komunidad ng mga Moro sa Metro Manila, bunsod ng kabiguan ng AFP at PNP na sugpuin ang bandidong Abu Sayyaf.

Ibayong tumitingkad ang militarismo at pagkapapet ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Libu-libong mamamayan ang binibiktima ng kontrarebolusyonaryong digma at paglabag sa karapatang-tao ng rehimen.

Kasunod ng pagsosona ng mga komunidad ng mga maralita ng lunsod noong unang linggo ng Mayo, sinona naman ang mga komunidad ng mga Moro sa Basilan at Metro Manila at nagsagawa ng mga pang-aaresto at mga pang-aabuso sa mamamayan. Ginamit ng rehimen ang deklarasyon nitong may "state of lawlessness" upang maglunsad ng todong-gera, magpalikas ng mga sibilyang populasyon, maghalughog ng mga tahanan at mang-aresto kahit walang mandamyento. Pagkatapos na pagkatapos ng matagumpay na pagpapapalaya sa Prisoner of War (POW) ng Bagong Hukbong Bayan na si Maj. Noel Buan ng Army, inoperasyon at sinalakay ng AFP at PNP ang malalawak na bahagi ng Mindoro, kung saan si Major Buan ay matagal na ibinimbin at pinalaya. Naglunsad din ang AFP ng mababangis na operasyong militar sa Central Luzon upang hawanin ang lugar para sa katiwasayan ng mga tropang US na kalahok sa Balikatan 2001 (noong Mayo) at CARAT 2001 (noong Hunyo), bilang bahagi ng pagpapatupad ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng US at Pilipinas.

Sa pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP, muling pinagtibay ng magkabilang panig ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Ngunit wala pang ginagawa ang rehimeng US-Macapagal-Arroyo upang panghawakan at palaganapin ito sa mga sandatahang pwersa nito. Sa halip, ibayong tumitingkad ang militarismo at pagkapapet ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Libu-libong mamamayan ang binibiktima ng kontra-rebolusyonaryong digma at paglabag sa karapatang-tao ng rehimen.

Ang paglaban ng AFP sa Abu Sayyaf ay palaging bigo dahil may pakikipagsabwatan sa kanila ang ilang namumunong opisyal ng militar, pangunahin na ang mismong mga pinahaharap para labanan ang Abu Sayyaf (tulad ng kumander ng 1st Infantry Division na si Brig. Gen. Romeo Dominguez, kumander ng 1st Tabak Division na si Col. Narcise, kumander ng 18th IB na si Maj. Eliseo Campued at dalawa pang kapitan sa ilalim ni Colonel Narcise). Sa mula't mula pa lamang, ang pagtatayo ng Abu Sayyaf ay isang proyekto ng AFP para hatiin ang mga pwersang rebolusyonaryong Bangsamoro. Magkagayunpaman, ginagamit ng rehimen, laluna ng mga militarista sa loob nito, ang pagkakataon ng pakikipaglaban ng mga pwersa ng AFP sa bandidong Abu Sayyaf upang muling subukang itulak ang mga itinatangi nilang militarista at pasistang panukala. Kabilang sa mga ito ang mga panukalang pag-iinstitusyonalisa ng sistemang National ID, pagpaparami ng mga CAFGU at paglelehitimo sa mga vigilante. Muli na namang itinutulak ang mga ito ng mga militarista sa rehimen hindi na lamang para sugpuin ang kriminal na Abu Sayyaf, kundi at laluna, para gamitin laban sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan. Gayunman, tuwi-tuwina'y nabibigo ito bunga ng pagbatikos at paglaban ng mga demokratikong pwersa at mamamayan.

Gusto ng GRP na himukin ang suporta ng publiko sa kampanya ng papapasuko sa mga rebolusyonaryong armadong pwersa at ihanda ang isip ng publiko sa paglulunsad ng GRP ng puspusang gera laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Ang lahat ng ito'y palatandaan ng patuloy na pamamayani ng mga militarista sa loob ng rehimen at ng papalaking pagkiling ng rehimen sa solusyong militar.

Kaya naman sobra-sobra ang ginagawa ni Macapagal-Arroyo na panunuyo sa reaksyunaryong militar at pulisya. Naglagay siya ng maraming retiradong heneral ng AFP at PNP sa kanyang gabinete at iba pang matataas na upisina ng gubyerno. Sunud-sunod ang bukas-palad na pagbibigay niya ng mga benepisyo sa mga upisyal, kawal at pulis. Ginawa niyang P10 bilyon ang dating P4.6 bilyon na budget para sa modernisasyon ng AFP. Itinaas din niya ang kumpensasyon para sa mga kawal na namatay o nasugatan sa labanan. Ginawa rin niyang prayoridad ang ipinadala niya sa kongreso na panukalang batas para itaas ang sweldo ng mga elemento ng AFP at PNP.

Sa gitna ng lahat ng ito, naghahanda ang mga militar na tagapayo niya ng panibagong bihis sa Oplan Makabayan, na sasalamin sa militaristang oryentasyon ng gubyerno at ng sandatahang pwersa nito sa pagharap sa usapin ng gera at kapayapaan sa halip na harapin ang mga sosyo-ekonomiko at pampulitikang ugat ng armadong tunggalian. Nasasalamin ito sa kautusan ng pangulo at ng DND sa lahat ng mga yunit ng AFP na maglunsad ng mga atake sa BHB upang pahinain ang pusisyon ng NDFP sa pakikipag-usapang pangkapayapaan nito sa GRP. Mabagal ang pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Nabalam pa ito lalo dahil sa di makatwirang reaksyon ng GRP panel sa makatarungang pagparusa ng BHB sa pasistang si Col. Rodolfo Aguinaldo. Sa tulong ng mga anti-komunistang sosyal demokrata, naglulunsad ngayon ang GRP ng isang "opensibang pangkapayapaan" sa iba't ibang rehiyon at lokalidad sa bansa. Pero, hindi ito para payabungin ang kundisyon para sa kapayapaan, kundi ang kabaligtaran nito. Gusto ng GRP na himukin ang suporta ng publiko sa kampanya ng pagpapasuko sa mga rebolusyonaryong armadong pwersa at ihanda ang isip ng publiko sa paglulunsad ng GRP ng puspusang gera laban sa rebolusyonaryong kilusan.

"Gawing adyenda ng bansa ang mga saligang suliranin at mga pambansa-demokratikong kalutasan sa mga ito"

Aanim na buwan pa lamang ang rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Pero, higit na nitong inilubog ang bansa sa mas malalim nang krisis pangkabuhayan at pampulitika. Hindi na kailangang hintayin pang mabigo ang mga bulaang pangako ng rehimen bago natin ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mamamayang programa nito.

Pangunahin sa mga "solusyong" higit pang magpapalala sa problema ang walang rendang pagbubukas ng ekonomya para sa higit na pangaabuso ng malalaking dayuhang monopolyo at lokal na komprador kapitalista sa ilalim ng programang "globalisasyon".

Hindi malulutas ng mga palamuti at panakip-butas lamang ang problema ng kahirapan sa bansa. Hindi ito malulutas nang hindi mapagpasyang nireresolbahan sa pinakaugat ang mahigit daantaon nang umiiral at lalong papatinding mga saligang suliranin sa bansa sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Lalong hindi makalulutas sa problema ang mga "solusyon" na higit pa ngang nagpapalala rito, tulad ng pagkakandarapa ng rehimen para suhayan pa ang mismong mga sanhi ng problema. Pangunahin dito ang walang rendang pagbubukas ng ekonomya para sa higit na pang-aabuso ng malalaking dayuhang monopolyo at lokal na komprador kapitalista sa ilalim ng programang "globalisasyon".

Mahigpit na kinakailangan at napapanahon ngayong palaganapin at pagsikapang gawing adyenda ng bansa ang mga saligang problema ng mamamayan bilang siyang pinagmumulan ng matinding kahirapan sa bansa, patampukin at igiit ang mga ito pangunahin na sa pamamagitan ng mga pagkilos sa lansangan, pagsusulong ng mga antipyudal na pakikibaka at iba pang pakikibakang masa, pagsusulong ng armadong pakikibaka, pagdaraos ng mga pampublikong talakayan at malawakang propaganda; gayundin sa pamamagitan ng pagkilos sa parlamento at pagsasalang ng mga ito sa usapang pangkapayaapaan. Kailangan nating masugid na maiharap ang mga estratehikong usapin tungkol sa mga isyung panlipunan, kasabay ng puspusan pa ring pagharap at paglaban natin sa taktikal na balangkas sa bawat pakana ng rehimen. Kasabay ng mga pakikibaka natin para sa mga kagyat na panimulang lunas at benepisyo para sa mamamayan, kailangang malinaw na maihapag natin at maituro sa mamamayan na ang mga pangmatagalang solusyon ay nasa balangkas ng walang iba kundi ng programa para sa pambansa-demokratikong rebolusyon ng bayan.

 


 Back to topNext article

Agosto 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mahirap na "reporma" ng rehimeng US-Macapagal Arroyo
Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Patuloy na paglala ng krisis pang-ekonomya sa bansa

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Matinding tama ng krisis sa mamamayan

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Mga kagyat na kahilingan ng mamamayan

Pribatisasyon ng Social Security System, patuloy na nilalabanan
Mula sa koresponsal: Mga operasyong militar sa Kabikulan, kinundena
Mga balita ng pakikibaka
Kasamang Antonio Zumel, pinarangalan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.