Tigil-pasada
Matagumpay na naipakita sa pambansang tigil-pasada noong Nobyembre 25 ang matatag na pagkakaisa at lakas ng mga sektor sa paggawa at transportasyon bilang pampulitikang pwersa na patuloy na humahamon sa mapang-aping gubyerno at naghaharing sistema. Maging mga dilawan at iba pang grupo sa transportasyon na hindi dati sumasama sa tigil-pasada ay nakiisa sa malawakang pagkilos.
Naparalisa ng tigil-pasada na pinangunahan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at Kilusang Mayo Uno (KMU) ang 90-95% ng transportasyon sa Metro Manila at mga pangunahing lunsod at prubinsya sa bansa at napilitan ding magbigay ng bahagyang diskwento ang mga pangunahing kumpanya ng langis.
Bunsod nito, idineklara ng PISTON na patuloy nitong igigiit ang signipikanteng rolbak sa presyo ng langis at ang pagbasura sa oil deregulation law. Binatikos ng PISTON ang 50 sentimong diskwento sa presyo ng langis na inaprubahan ng Caltex, Shell at Petron dahil katiting lamang ito kung ikukumpara sa kanilang superganansya sa nakaraang pitong taon bunga ng deregulasyon sa industriya ng langis. Di magtatagal at maglalaho rin ang epekto ng diskwentong ito dahil muling magtataas ng presyo ng kanilang mga produkto ang mga dambuhalang kumpanya ng langis.
Sa Metro Manila. Bukod sa PISTON, sumama sa welga ang mga pangunahing organisasyong pantransportasyon tulad ng PCDO-ACTO, FEJODAP at Integrated Metro Bus Operators Association (IMBOA) at maging mga drayber ng mga FX na taksi. Bago magtanghali ng Nobyembre 25 ay umabot na sa 90% ng mga pampublikong sasakyan ang huminto sa pagbyahe.
Sa Central Luzon. Iniulat ng PISTON na 100% paralisado ang pampublikong transportasyon sa Bulacan, 80% sa Nueva Ecija, 70% sa Tarlac at 98% sa Pampanga. Sa Bataan, Zambales at Aurora, 100% ang paralisis.
Sa Pangasinan, 18 grupo ng transportasyon ang sumali sa welga, pati ang mga hindi kasapi ng PISTON.
Sa Northern Luzon. Pinaralisa ng PISTON-Baguio ang tatlong mayor na ruta sa Baguio City mula ala-7 ng umaga hanggang tanghali. Sumama rin sa welga ang mga dyip na bumibyahe patungong Benguet.
Sa Southern Luzon. Pinangunahan ng Southern Tagalog Transport Sector Organization (STARTER) ang welga sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, kung saan 99% ng mga pampublikong sasakyan ang lumahok sa kilos protesta.
Sa Bicol, 99% ng transportasyon sa Camarines Norte ang paralisado samantalang 95% ng mga dyip at traysikel at 100% ng mga bus at van sa Albay at 99% sa Sorsogon ang hindi pumasada.
Sa Visayas. Dalawang araw na pinaralisa ng PISTON-Panay ang pampublikong transportasyon at negosyo sa Iloilo City at mga prubinsya ng Iloilo, Aklan at Antique noong Nobyembre 24 at 25. Sa Iloilo City, huminto sa pagbyahe ang 4,000 na dyip at traysikel. Sumali rin sa welga ang mga dyip, traysikel at mga ferryboat sa kalapit na isla ng Guimaras.
Sa Cebu, napilay ang tatlong pangunahing ruta ng transportasyon sa mga syudad ng Mandaue, Lapu-Lapu at Talisay. Pinamunuan ang welga ng Nagkahiusang Drayber sa Sugbo (NADSU).
Sa Negros Occidental, naglunsad ng rali ang mga kasapi ng United Negros Drivers Operators Center (UNDOC) sa Bacolod City.
Sa Mindanao. Sa Davao City, 94% ng transportasyon ang paralisado nang umabot lamang sa 500 sa mahigit 9,000 na dyip ang pumasada. Pinamunuan ang kilos protesta ng Transmission-PISTON at KMU.
Sa South Cotabato, Sarangani at General Santos City, 90% ang paralisis ng transportasyon nang karamihan sa 8,000 na traysikel at 3,000 dyip ay huminto sa pagbyahe bago magtanghali.
Pagtutuwid: Iniulat sa isyung Nobyembre 21 ng AB na dalawang sundalo ng 41st IB ang napatay sa ambus ng BHB sa Danglas, Abra noong Nobyembre 12. Ayon sa pinakahuling ulat koresponsal, apat na sundalo ang napatay at dalawa ang nasugatan sa pananambang.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|