Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sumisidhing pang-aapi sa uring manggagawa sa Europe

 Read this article in English

Sa nakaraang limang taon, naging mabagal ang paglago ng mga ekonomya ng Britain, France at Germany sa partikular at ng European Union sa pangkalahatan.

Matingkad ang ganitong kabagalan sa harap ng ipinagmamalaking "walang kaparis" na paglago na tinamasa ng United States sa panahon ding ito. Habang nasa 4.2% ang tantos ng paglaki ng gross domestic product ng US, hanggang 2% lamang ang inaabot ng Europe. Nasa 9% ang tantos ng disempleyo sa Europe, mahigit doble ng sa US (4%). Sa 50 pinakamalalaking kumpanya sa mataas na teknolohiya, apat lamang ang Europeo, habang 36 ay Amerikano. Tumaas nang 2.4% ang produktubidad ng paggawa sa US, samantalang 1.3% lamang sa Europe. Noong 1999, mahigit 15 milyong mamamayan sa Europe ang walang trabaho. Pinakamarami rito ay nasa Germany (3.8 milyon), France (2.8 milyon) at Britain (1.7 milyon).

Nitong huli, lalong naging madilim ang tunguhin ng buong Europe. Kung hindi dahil sa pagbebenta ng lisensya para sa bagong teknolohiya sa cellphone na nagbigay ng 0.3% sarplas sa gross domestic product sa taong 2000, magtatala ito ng 0.8% depisito. Nagtala ng 1.9% pagbaba ang produksyong industriyal laluna sa produksyon ng mga produktong pangkonsumo.

Dagdag dito, hindi makaalpas ang euro, ang pinag-isang salapi ng mga bansa sa Europe, sa napakababang halaga nito kumpara sa dolyar. Nasa 20% ito ngayon ng orihinal na halaga. Sa huling kwarto ng 2000, lumobo hanggang 13.3 bilyong euro (mula 7.9 bilyon sa ikatlong kwarto) ang depisit sa current account. Ibig sabihin nito, mas malaking kapital mula sa kalakalan, remitans at mga transaksyon sa bangko ang lumabas kaysa pumasok sa buong Europe. Sa unang kwarto ng 2001, tumaas ang implasyon sa 2.6% mula 1.9% noong nakaraang taon.

Winawasak ng mga repormang ito ang kabuhayan ng mga manggagawa.

Kinaiinggitan ng malaking burgesya sa Europe ang imperyalismong US sa pangunguna sa larangan ng mataas na teknolohiya at sa kakayahan nitong higit na isagad ang tubo sa pamamagitan ng "pleksibleng" paggawa na kinatatangian ng malawakang tanggalan ng mga manggagawa at kontraktwalisasyon, pagpako ng sahod sa pinakaminimum at pagbawi sa mga tinatamasang benepisyo ng uring manggagawa.

Ang matumal na paglago ng kanilang mga ekonomya ay isinisisi ng mga imperyalistang gubyerno sa Europe, kakoro ang malalaking kapitalista at mga propagandista nila, sa mga "maka-manggagawang" batas na pamana ng mga nagdaang sosyal-demokratikong rehimen. Nais nilang bigyang-daan ang "pleksibilisasyon" ng paggawa sa pamamagitan ng lubusang pagbabasura sa mga batas na nagtatakda ng mga panlipunang seguridad sa mga manggagawa kabilang ang subsidyo ng estado sa mga walang trabaho. Ang mga ito umano�y humahantong sa katamaran at kakuparan ng mga manggagawa, at nag-aalis ng "insentibo" sa mga walang trabaho na maghanap ng trabaho.

Dulot nito, nagpatupad sa nakaraang tatlong taon ang mga reaksyunaryong gubyerno ng pinakamasasahol na reporma sa Europe sa larangan ng paggawa upang gawin itong "mas produktibo". Isang karaniwang reporma ang pagpapatupad ng mas mahaba at pleksibleng oras ng paggawa. Maraming kumpanya ang pinayagang patindihin ang trabaho sa pamamagitan ng pagpataw ng mas matataas na kota.

Ipinalaganap din ang praktika ng pagbibigay ng mas maraming trabaho sa iisa o ilang manggagawa at ang paggamit ng mga part-time at kontraktwal. Sa nakaraang tatlong taon, karamihan sa apat na milyong bagong trabaho ay part-time at kontraktwal. Sa France at Germany, lahat o halos lahat ng mga bagong trabaho mula 1994-99 ay kontraktwal. Kaakibat ng mga "pleksibilidad" na ito ang kawalan ng seguridad sa trabaho, mas mababang sahod at relatibong mas masamang kundisyon sa paggawa.

Nakapako sa minimum ang sahod. Sa malalaking bansa (Britain, Germany at France), umaabot ang minimum sa 800-900 euro. (Katumbas ng 1010 euro ang minimum na sahod sa US.) Sa mas nahuhuling bayan sa EU, umaabot lamang ito ng 390 euro. Nirerepresenta ng mga ito ang 34% hanggang 54% ng karaniwang sinasahod ng isang Europeong manggagawa. Kung hindi dahil sa tuluy-tuloy na pakikipagtawaran ng mga unyon at mga manggagawa, hindi madaragdagan ang kanilang sahod. Gayunpaman, hindi pa rin natutugunan ng karaniwang sahod ang halaga ng kanilang arawang pangangailangan alinsunod sa pamantayan ng kabuhayan sa kani-kanilang mga bansa.

Lalong lumalala ang mga kundisyon sa paggawa. Dumaraming manggagawa ang nagkakasakit at naaaksidente sa lugar ng trabaho dulot ng matinding pleksibilisasyon sa paggawa. Dagdag dito, mahigit 15 milyong manggagawa ang nag-ulat ng mga insidente ng karahasan, sekswal na pang-aabuso at pananakot sa kani-kanilang pagawaan.

Ang kalupitang dulot ng mga repormang ito ang nagtutulak sa mga manggagawa upang paigtingin ang kanilang mga pakikibaka para sa sahod at karapatan.

Paliit nang paliit ang tinatamasang benepisyo ng mga manggagawa. Pinayagan ang mga korporasyon na makalibre sa pagbabayad para sa social security. Kasabay nito, ibinababa ng mga gubyerno ang kinukulektang buwis upang takasan ang obligasyong magbigay ng mga benepisyo. Tuluy-tuloy na binabawasan ang pondong nakalaan sa social welfare na kumakalinga sa mga walang trabaho at retirado. Itinutulak nitong magtrabaho ang mga "di-aktibo"(mga hindi naghahanap ng trabaho ngunit nangangailangan), may kapansanan, yaong mga maagang nagretiro at mga nag-iisang magulang. Signipikanteng ibinaba ang kompensasyon sa pagkakasakit at subsidyo sa pagbabakasyon.

Pasimuno sa ibayong pagpapahirap sa mga manggagawa ang malalaking burgesya sa France. Sa Britain, hindi na binibigyan ng subsidyo ang sinumang tumatangging pumaloob sa mga pagsasanay ng gubyerno. Sa gayon, mahigit kalahating milyong manggagawa ang tinanggalan ng subsidyo at hindi na ibinilang sa upisyal na estadistika ng mga walang trabaho. Sa Germany, balak ng gubyerno na buwagin na ang sistemang pensyon ng estado at sa halip ay ipasa ang responsibilidad sa mga pribadong kumpanya.

Winawasak ng mga repormang ito ang kabuhayan ng mga manggagawa. Habang binibigyang-laya ang mga korporasyon na magkamal ng dambuhalang kita, ginigipit nito ang mga manggagawa at nilalapastangan ang kanilang mga karapatan.

Ang kalupitang dulot ng mga repormang ito ang nagtutulak sa mga manggagawa upang paigtingin ang kanilang mga pakikibaka para sa sahod at karapatan. Sa buong Europe, tuluy-tuloy silang naglulunsad ng mga pagkilos upang batikusin at labanan ang sarisaring pakana ng kani-kanilang mga gubyerno. Dagdag dito, pinangungunahan ng mga manggagawa ang paglaban sa iba pang pabigat na mga batas at patakaran.

Sadyang napakataba ng lupa upang umusbong ang tunay na partido ng mga manggagawa sa mga bansa ng Europe -- isang partido na hindi lamang ipaglalaban ang kanilang kagyat na mga pangangailangan kundi magsusulong ng makasaysayang papel ng mga manggagawa sa pagbabago ng lipunang kanilang ginagalawan.

 


Previous articleBack to topNext article

Marso 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Banta sa usapang pangkapayapaan ang pamamamyagpag ng mga militarista sa loob ng rehimeng Macapagal-Arroyo

Bagong hirang na kalihim ng depensa:
Gen. Angelo Reyes: Pusakal na pasista

Ang militarismong pumatay kay P/CInsp. Abelardo Martin at ang nagpapatuloy na pasismo ng estado
Lumalalang pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihang anakpawis
Sumisidhing pang-aapi sa uring manggagawa sa Europe
Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.