![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Sa State of the Nation Address ni Gloria Arroyo noong nakaraang Hunyo, isa sa kanyang suntok sa buwang mga pangako ang islogang "edukasyon para sa lahat"�isang kamuhi-muhing pagtatangka na pahupain ang namumuong disgusto ng kabataan laban sa kanyang bulok at papet na rehimen. Wala itong balak o interes na baguhin ang komersyalisado, kolonyal at mapanupil na edukasyong malaon nang pinalalaganap sa bansa. Napakamahal na edukasyon. Ayon sa pag-aaral ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), aabot sa P10,000 kada taon ang ginagastos ng isang pamilya para sa pag-aaral ng isang anak sa pampublikong paaralang elementarya o segundarya para sa iba't ibang gastusing pang-edukasyon. Higit na mas mahal ang edukasyong kolehiyo. Sa minimum, aabot sa P3,100 kada taon ang matrikula sa isang state college/university. Ngunit mangangailangan ang isang estudyante ng P6,900 kada buwan (P34,500 kada semestre) para sa iba pang mga gastusin. Dala ng taunang pagliit ng badyet para sa edukasyon, taun-taon ay lumalaki ang matrikula sa mga pampublikong paaralan. Katunayan, simula 1998 ay mas malaki pa ang itinaas ng matrikula ng mga pampublikong kolehiyo at unibersidad kumpara sa mga pribadong paaralan. Kung napakamahal na ng mga pampublikong paaralan, abot-langit naman ang matrikula ng mga pribadong paaralan. Sa mga paaralang ito, kailangang magbayad ng P22,200 para sa matrikula at iba pang bayarin kada semestre. Parang holdap naman ang P65,000 kada semestre na matrikula sa mga eksklusibong paaralan. Sa nakaraang limang taon, tumaas ang matrikula nang kabuuang 65% habang ang mga karaniwang miscellaneous fees ay tumaas nang 140%. Tiba-tiba kung kumita ang mga pribadong paaralan. Aabot sa 952 mga kolehiyo at unibersidad ay mga stock corporations o kusang itinayo para sa layuning kumita. Ang pinakamalalaki sa mga ito na pinangangasiwaan ng pinakamalalaking negosyante ay kabilang sa Top 1000 corporations ng bansa. Kabilang dito ang University of the East ni Lucio Tan, Mapua Insitute of Technology ni Alfonso Yuchengco, Asia Pacific College ni Henry Sy at Centro Escolar University ni Emilio Yap. Noong 2003, siyam na pribadong paaralan, na may pinagsamang kita na P1.13 bilyon, ang kabilang sa Top 1000 corporations. Malaon nang binigyang-laya ng reaksyunaryong gubyerno ang mga pribadong paaralan na walang pakundangang magtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Maiuugat pa ito sa Education Act na ipinasa ng diktadurang Marcos noong 1982. Nitong 1997, ipinasa ang Higher Education Modernization Act (HEMA) kung saan binigyang-kapangyarihan ang Board of Regents ng mga pampublikong paaralan na magtaas ng mga bayarin. Katulad ng mga naunang reaksyunaryong rehimen, walang intensyon ang rehimeng Arroyo na maglaan ng sapat na pondo para sa edukasyon. Sa pambansang badyet noong 2003, P130 bilyon o 30% lamang ng GDP ang inilaan nito para sa edukasyon�kalahati sa inirerekomendang porsyento kahit ng United Nations. Kung masusunod ang rehimen, ipatutupad na lamang nito muli ang badyet ng 2003 para sa susunod na taon. Batay sa pinakahuling pagtaas ng mga bilihin at pagbagsak ng halaga ng piso, aabot lamang sa P74 bilyon ang tunay na halaga ng P130 bilyong badyet sa edukasyon. Aabot lamang sa P9.51 bilyon ang tunay na halaga ng P16.69 bilyong alokasyon para sa 111 pampublikong unibersidad at kolehiyo. Edukasyon para sa dayuhang interes. Nananatiling nakabalangkas sa mga interes ng imperyalismo at mga korporasyon nito ang mga mayor na patakaran sa edukasyon ng reaksyunaryong estado. Sa pamamagitan ng mga paaralan, naididikdik sa kamalayan ng mga batang Pilipino ang kaisipan at pananaw na nagbibigay-katwiran sa kasalukuyang malapyudal at malakolonyal na sistemang panlipunan. Ang mga paaralan ang naghahanda sa ilan sa kanila upang mangasiwa sa reaksyunaryo at papet na gubyerno habang ang iba ay sinasanay upang magsilbing mga manedyer at teknokrata ng mga monopolyong korporasyon. Ang mas nakararami ay sinasanay bilang sunud-sunurang mga manggagawa na handang tumanggap ng napakaliit na sahod.
Nagkumahog noon ang rehimeng Arroyo na agad ipatupad ang RBEC dahil kundisyon ito ng IMF-WB sa hinihinging utang ng rehimen para sa edukasyon. Walang kakurap-kurap ding iniutos ni Arroyo ang paggamit ng Ingles bilang midyum sa instruksyon sa mga paaralan. Noon, maging sa ngayon, kinikilala ng mga imperyalistang institusyon ang kahalagahan ng edukasyong primarya sa pagpapaunlad ng kinakailangang mga manggagawa sa hinaharap. Para sa hayskul at kolehiyo, nagdidiin ang mga imperyalistang institusyon sa edukasyong bokasyonal-teknikal upang tiyakin na mayroong sapat na bilang ng mga semi-skilled workers para sa mga monopolyong korporasyon. Sa balangkas ng labor export policy ng reaksyunaryong gubyerno, dinidireksyunan ang edukasyon at pagsasanay ng mga kabataang Pilipino upang diumanoy maging "globally competitive" ang mga ito. Idinidiin ito ng mga ahensyang pang-edukasyon upang epektibo nilang mailako at maibenta ang lakas paggawa ng kabataan sa ibang bansa. Hindi kataka-taka, lalupa't ang mga remitans na lamang ng overseas contract workers ang nagpapalutang sa bangkaroteng ekonomya ng bansa. Isang kongkretong halimbawa ng pagdidiin ng edukasyon para sa dayuhang pangangailangan ang pagtutulak at pagsuporta sa mga eskwelahan upang magbigay ng kursong nursing at caregiver training programs matapos magbukas ang US, Canada at UK para sa naturang mga manggagawa. Sa loob lamang ng isang taon, aabot sa 758 ang mga eskwelahang itinayo upang magbigay ng caregiver training. Sa 54,644 gradweyt ng mga ito, 18,878 na ang agad na lumabas ng bansa. Gayundin, itinatayo ngayon ang mga call center training schools upang tugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga dayuhang monopolyong korporasyon para rito. Ang "industriya" ng call center na lamang ang tanging sektor ng ekonomya na lumilikha ng bagong empleyo sa ngayon. Gayunpaman, ang mga kumpanyang ito ay lubhang mapagsamantala lalupa't itinatag ang mga ito ng mga monopolyong korporasyon upang makapagtipid ng gastos sa negosyo sa kani-kanilang mga bansa. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|