BALITA
Ika-30 anibersaryo ng NDFP, ginunita
Eksaktong 30 taon noong Abril 24 nang mabuo ang 10-Puntong Programa ng National Democratic Front (NDF), na siyang naghudyat sa kapanganakan ng rebolusyonaryong alyansa. Ginunita ito ng mga kasama at alyado sa Pilipinas at Europe sa pamamagitan ng isang raling iglap noong Abril 23 sa Maynila, porum at photo exhibit noong Abril 24 sa University of the Philippines-Diliman, at salusalo sa Utrecht, The Netherlands.
Mahigit 60 kasapi ng mga lihim na rebolusyonaryong organisasyong masa ang sumama sa raling iglap sa Avenida. Habang nagmamartsa, iwinagayway ang mga bandila ng NDFP, Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB), Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP), Christians for National Liberation (CNL), Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU), Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KGM), Kabataang Makabayan (KM), Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) at Makabayang Kawaning Pilipino (MKP).
Kinatampukan naman ang porum sa UP ng pagtawag sa telepono ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, upang batiin ang mga kasama sa anibersaryo ng NDFP. Dumadagundong na palakpakan ang ibinigay ng mahigit 300 dumalo sa porum kay Ka Roger. Sa kanyang pahayag, inilarawan ni Ka Roger ang NDFP bilang isang "di magigibang moog ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino."
Binasa rin sa pagtitipon ang pahayag ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng NDFP, mga alyadong organisasyon nito, at nila kasamang Jose Ma. Sison at Luis Jalandoni.
Samantala, ipinakita sa isang photo exhibit kung ano ang mga layunin ng NDFP at ang iba't ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain, magmula sa gawaing militar hanggang sa gawaing internasyunal at diplomasya. Nagpalabas din ng isang presentasyong multimedia ukol sa 12-Puntong Programa ng NDFP.
Ika-185 kaarawan ni Karl Marx, ipinagbunyi
"Kung walang rebolusyonaryong teorya, walang rebolusyonaryong kilusan," ang pagbati ni Prof. Jose Ma. Sison sa mga nagtipong kabataan at guro nitong Mayo 5 sa pagdiriwang ng ika-185 anibersaryo ng kapanganakan ng dakilang komunistang guro na si Karl Marx.
"Ang pinakamahalagang instrumento para sa isang rebolusyonaryong kilusan upang magkaroon ito ng matatag na pundasyon ay mga kadreng may kumprehensibo at malalim na kaalaman sa rebolusyonaryong ideolohiya ng uring proletaryo�," ayon pa kay Prof. Sison. Aniya, ang tuluy-tuloy na pag-aaral ng Marxismo-Leninismo ang huhubog sa mga aktibista upang maging ganap na mga kadre.
Dagdag pa ni Sison, "marapat buuin ang mga sirkulo ng pag-aaral at paramihin ang mga kadreng may matatag na kaalaman sa Marxismo-Leninismo." Sa ganitong paraan, matitiyak ang konsolidasyon ng malapad na kilusang masa tungo sa tamang direksyon ng rebolusyon.
Demonstrasyong anti-US sa Iraq, pinagbabaril ng mga tropang Amerikano
Nitong Mayo 2, idineklara ni US President Bush na "tapos na ang gera" sa Iraq at, salamat umano sa mga tropang Amerikano, "ikinatutuwa ng mamamayan ang panunumbalik ng kapayapaan at demokrasya" roon. Malayung-malayo ito sa totoong nangyayari. Namamayani sa Iraq ngayon ang kaguluhan at krisis sa kabuhayan. Walang tubig, kuryente at pagkain sa mga syudad, laganap ang kriminalidad at kawalan ng batas, at nagbabadyang sumiklab ang madugong kumprontasyon ng mga naiwang tropang Amerikano at mamamayang Iraqi na galit sa pananakop ng US.
Aabot sa 13 Iraqi, kabilang ang ilang batang pito hanggang 10 taong gulang, ang namatay at ilampu ang nasugatan nang pagbabarilin ng mga tropang Amerikano ang mga demonstrasyon noong Abril 28 at 30 sa bayan ng Falluja. Iginigiit ng mga demonstrador ang pag-alis ng mga tropang Amerikano mula sa isang paaralan na ginagamit na baraks ng mga sundalo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamitan ng mga tropang Amerikano ng dahas ang mga demonstrasyon. Noong maagang bahagi ng Abril, mahigit 10 Iraqing nagrali sa Mosul ang pinatay ng mga tropang Amerikano.
Habang patuloy na lumalawak ang mga demonstrasyon laban sa US sa iba't ibang bayan sa Iraq, hindi mapapanatag ang okupasyon ng US sa bansa. Tapos na raw ang gera, pero aabot sa tatlo hanggang apat na libong karagdagang tropang Amerikano ang balak pang italaga sa Baghdad.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|