Mga anti-manggagawang desisyon ng Korte Suprema
Tahasang anti-manggagawa ang mga nagdaang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng mga kaso sa paggawa. Pagpapatibay ang mga ito sa ligal na batayan ng panunupil sa kilusang paggawa.
Sa mga desisyong ito, binigyang kaluwagan ang mga kapitalista na magtanggal ng mga manggagawa, magbuwag ng mga unyon at magkait ng karampatang mga benepisyo. Sa ngalan ng "non-interference"(di pakikialam), iginiit ng korte na "walang pakialam" ang estado sa mga purong pangnegosyong desisyon ng mga kapitalista, anuman ang epekto ng mga ito sa karapatan at kagalingan ng mga manggagawa.
Pagsuspinde sa karapatan sa collective bargaining, ginawang ligal
Ayon sa Korte Suprema, may mga pagkakataong maaaring isuspinde ang karapatan ng unyon sa collective bargaining. Binaklas ng deklarasyong ito ang karapatan ng mga unyon sa pana-panahong negosasyon o pagrepaso ng collective bargaining agreement (CBA).
Nitong Enero 23, pinaburan ng Korte Suprema ang kapitalista sa kaso ng mga manggagawa laban sa Philippine Airlines. Hiniling ng unyon na ideklarang iligal ang 10-taong moratoryum sa CBA. Sa desisyong inihanda ni dating labor secretary at ngayo'y Justice Leonardo Quisumbing, idineklara ng korte na ligal ang moratoryum sa CBA ng Philippine Airlines (PAL) dahil nakasaad ito umano sa isang "eksklusibong" kasunduan sa pagitan ng kumpanya at ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA).
Sa loob ng 10 taon, sa gayon, walang karapatang humiling ng renegosasyon ng CBA ang mga manggagawa sa PAL at wala rin silang karapatang magpalit ng unyon (dahil ang PALEA ang nakipagtawaran sa kumpanya). Ginawang batayan ng Korte Suprema ang mga "problemang pinansyal" ng PAL sa pag-apruba sa moratoryum. Sa kabilang banda, hindi nito kinilala na brinaso at sinuhulan ni Lucio Tan, may-ari ng PAL, ang ilang lider ng PALEA para sang-ayunan ang CBA.
Arbitraryong pagtatanggal ng mga manggagawa, binasbasan
Itinaguyod at pinagtibay ng Korte Suprema ang kalakaran ng mga monopolyong korporasyon na arbitraryong magtanggal ng mga manggagawa sa dalawang magkasunod na desisyon noong nakaraang taon.
Sa kaso ng Dole Philippines, binaligtad ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) na pabalikin sa trabaho ang 3,000 sinisanteng manggagawa dahil, ayon sa NLRC, iligal ang pagtatanggal sa kanila sa ngalan ng "cost cutting" (pagtitipid). Ayon sa desisyon ng Korte Suprema, nasa katwiran ang pagtanggal ng mga manggagawa sa Dole dahil may karapatan ang kumpanyang magsagawa ng mga hakbang-pagtitipid "kahit hindi pa ito nalulugi". Ibig sabihin, kahit kailan at kahit wala nang sabi-sabi. Sapat nang sabihin ng kumpanya na kailangan nitong magtipid.
Sa San Miguel Corporation, pinaburan ng Korte Suprema ang karapatan ng kapitalista na tanggalin ang isang regular na empleyado bunga ng paggamit ng bagong mga makinarya. Nagbulag-bulagan ito sa tunay na nangyayaring kabi-kabilang idinedeklarang redundant (di na kinakailangan) ang pusisyon ng isang regular na empleyado para lamang mapalitan ito ng kontraktwal. Masahol pa, dinesisyunan ng korte na maaaring ituring ng kumpanya na redundant ang isang pusisyon upang tanggalin sa trabaho ang mga manggagawang "undesirable" (di kanais-nais) at "worst performers" (pinakamasasama ang trabaho). Isa itong pagbabasbas sa karaniwang ginagawang pagbabansag ng ganito sa mga militante at palabang lider at myembro ng unyon na gusto nilang patalsikin.
Boykot sa obertaym, work slowdowns at work stoppages, ginawang iligal
Maging ang karapatan ng mga manggagawa na magprotesta at magsagawa ng sama-samang pagkilos para sa kanilang kagalingan ay inatake na rin ng Korte Suprema. Ang boykot sa obertaym, work slowdowns at work stoppages bilang paraan ng sama-samang pagkilos ay itinuring ng korte na iligal na welga. Hinahanapan ng korte ng strike notice at strike vote kahit hindi pa aktwal na welga ang ganitong mga pagkilos. Tinawag ng korte na "strike in installment" (welgang hulugan) at itinuturing na "tahasang pananabotahe" ang mga ito.
Noong Disyembre 19, 2001, binasbasan ng Korte Suprema ang sapilitang pagpa-obertaym sa mga manggagawa ng Interphil Laboratories. Idineklara nitong iligal ang pagboykot ng mga manggagawa sa iniskedyul na obertaym. Hinugot ng Korte Suprema ang katwiran sa desisyon nito mula sa probisyong nakasaad sa CBA ng unyon at kumpanya, na "karapatan ng kumpanya ang pag-iiskedyul ng mga oras sa paggawa at tanging ang kumpanya lamang ang makapagbabago nito". Kasabay nito, pinahintulutan ng Korte Suprema ang pagtanggal sa mga lider-unyon dahil nilabag umano nila ang naturang CBA.
Sa mas nauna pang kaso, idineklara ng Korte Suprema na iligal ang ginawang work slowdown ng mga manggagawa sa San Miguel Corp.(SMC) dahil tahasan itong ipinagbabawal sa kanilang CBA. Ayon pa sa korte, kahit walang nakasaad na probisyon sa CBA o saan mang batas, iligal sa esensya ang work slowdown at gayundin ang work stoppage: Ito'y dahil daw sa nagtatrabaho ang mga manggagawa ayon sa "sarili nilang pagpapasya at hindi ayon sa itinakdang oras at kumpas ng kapitalista". Habang nililitis ang kaso, unti-unti nang pinagtatanggal ng SMC ang mga lider-unyon ng Ilaw at Buklod ng mga Manggagawa. Sa halip na pigilin ito, pinuri pa ng Korte Suprema ang SMC dahil sa "generous" (mapagbigay) na alok nitong "separation package" (kabayaran sa pag-alis) sa mga tinanggal na manggagawa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|