![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
![]() Lalong sumisiklab ang galit ng mamamayan sa sunud-sunod na mga hakbang at patakaran ni Gloria Macapagal-Arroyo na walang anumang pagsasaalang-alang sa kanilang kagalingan. Dahil sa ibayong pahirap na dala ng mga ito, si Arroyo na mismo ang nag-uudyok sa mamamayan na kumilos upang patalsikin siya sa poder. Pinakagalit sa rehimeng Arroyo ang mga manggagawa at magsasaka. Malaki rin ang galit dito ng mga nasa panggitnang saray ng lipunan tulad ng mga estudyante, guro, kawani ng gubyerno at propesyunal dahil sa malawakang korapsyon ng rehimeng Arroyo at dahil hindi na sila makaagapay sa tindi ng krisis panlipunan. Matindi ang takot ni Arroyo sa pagbubuo ng malawak na nagkakaisang prente na maninindigan laban sa kanyang rehimen. Kaya walang patid ang pagsisikap niyang hatiin ang oposisyong pulitikal sa pamamagitan ng mga lihim na pakikipagkasundo at pag-aalok ng mga pwesto sa burukrasya. Nahihirapang magkaisa ang watak-watak na paksyong anti-Arroyo dahil na rin sa hinala ng isa't isa na lihim na nakikipag-areglo sa Malakanyang ang kanilang mga kapwa reaksyunaryong oposisyunista. Lubusan ding inaalagaan ni Arroyo ang mga heneral sa AFP at PNP kaya tiwala siyang ang katapatan ng mga ito ay makauudlot sa anumang tangkang pag-aalsa o kudeta. Hindi magmumula sa elitistang oposisyong anti-Arroyo ang pwersa at pamumunong kinakailangan para patalsikin ang rehimen. Ang malawak na alyansang magpapatalsik kay Arroyo ay uusbong, hindi mula sa pagsisikap ng mga elitistang pulitiko, kundi mula sa pagbulwak ng malawak na kilusang protesta ng mamamayan. Ang malawak na hanay ng mga pwersang anti-Arroyo ay mapapag-isa sa pamamagitan lamang ng pagsisikap ng mga organisasyong masang pambansa-demokrata na nasa gulugod ng kilusang protestang anti-Arroyo. Sila ang pinakamilitante at pinakamatatag sa paglaban sa tiwali, anti-mamamayan at papet na rehimeng Arroyo. Mayroon silang malawak na impluwensya at taglay nila ang kakayahang pagkaisahin ang iba't ibang sektor, grupo at partido tungo sa pagbubuo ng malawak na alyansang anti-Arroyo. Napakalalalim ng batayan para magbuklod ang mamamayan sa isang malawak na prenteng anti-Arroyo at maglunsad ng makapangyarihang daluyong ng protesta na magpapatalsik sa rehimen. Nitong Enero, panibagong serye ng mga pahirap ang hatid ng rehimeng Arroyo sa mamamayan na ibayo nilang ikinagagalit: Iniutos ng rehimen sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment ang pagtatanggal sa trabaho ng 35 lider ng Central Azucarera de Tarlac (CAT) Labor Union alinsunod sa kagustuhan ng pamilyang Cojuangco na durugin ang unyon at maglunsad ng ganting-salakay sa mga welgista. Napatunayang hungkag ang postura ng rehimen bilang tagapamagitan nang gamitin nito ang buong bigat ng mga anti-manggagawang batas upang ideklarang iligal ang welga. Ibinasura rin nito ang mahigpit na kahilingan ng mga manggagawa para sa `100 pagtaas sa arawang sahod at sa halip ay nag-utos ng nakaiinsultong `12 dagdag sa sahod. Lalo nitong pag-aalabin ang damdamin ng mga manggagawa ng CAT upang ipagpatuloy ang kanilang welga. Makaaani rin sila ng mas malawak na simpatya at suporta para sa kanilang pakikibaka. Lubos na itinutulak ng rehimeng Arroyo ang 20% pagtataas sa value added tax (VAT), bukod sa iba pang anti-mamamayang hakbangin sa pagbubuwis bilang pagsunod sa mga dikta ng International Monetary Fund at iba pang dayuhang pinagkakautangan. Magreresulta lamang ito ng ibayong pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Samantala, patuloy na binibigyang-prayoridad ng gubyerno ang gastos-militar at pagbabayad ng pasaning utang�bagay na magdudulot ng lalong pagkabulok ng mga serbisyong publiko. Kasabay nito'y hinaharang ang pagpapasa sa `125 dagdag na sahod. Malinaw na itinataguyod ng rehimeng Arroyo ang interes ng mga dayuhang malalaking kapitalista sa kapahamakan ng mamamayang Pilipino.
Nilalayon ng gubyernong Arroyo na hatiin ang mamamayang Pilipino at Moro sa pamamagitan ng sadyang pag-uudyok ng diskriminasyon sa relihiyon, kultura at pulitika laban sa mga Moro. Subalit hindi mapigilan ni Arroyo ang humihigpit na pagkakaisa ng mamamayang Pilipino at Moro na kapwa nakakikita sa pangangailangang harapin ang komun na kaaway�ang mapang-aping gubyernong Arroyo. Ang sunud-sunod na anti-mamamayang mga hakbanging ito ay dagdag lamang sa humahabang listahan ng mga krimen ng rehimeng Arroyo laban sa mamamayang Pilipino. Walang awat ang pagtataas sa presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin, mas malala ang burukratikong korapsyon mula sa matataas na upisyal-militar hanggang sa angkang Arroyo, binabawasan ang gastusing panlipunan at hinahayaang mangabulok ang mga serbisyong panlipunan, ipinapako sa napakababang antas ang sahod at sweldo, ipinagkakait ang tunay na reporma sa lupa, mas matindi ang militarismo at walang katulad ang pagsidhi ng mga paglabag sa karapatang-tao. Hinog na hinog na ang kalagayan upang mabigyang-direksyon ang malawakang galit ng mamamayan. Responsibilidad ng mga pambansa-demokratikong pwersa na pamunuan ang pakikipaglaban ng sambayanang Pilipino at pagkaisahin ang pinakamalawak na posibleng hanay ng mga pwersa para patalsikin ang kinamumuhiang rehimeng Arroyo. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|