Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

US Armed Forces, nakaunipormeng halimaw

 Read this article in English

Parang hayop ang pagtrato ng mga tropa ng US Armed Forces sa mga bilanggo ng Abu Ghraib Prison sa Iraq. Sa base militar nito sa Guantanamo, Cuba, itinayo ng US ang Camp Xray, internasyunal na bilangguan para sa inaakusan nitong mga �terorista.� Mahigit nang dalawang taong nakabimbin doon ang mahigit 600 preso mula sa may 40 bansa kahit walang malinaw na kasong nakasampa sa kanila.

Bahagi ng tungkulin ng mga sundalong Amerikano na nakadestino sa mga bilangguang ito ang pagtortyur sa mga bilanggo upang makapiga ng mahahalagang impormasyon. Binigyang-laya sila ng nakatataas na upisyal na "gawin ang anumang nararapat" habang nagbubulag-bulagan sa mga kahayupang ipinapataw sa mga bilanggo. Ang mga bilanggo ay paulit-ulit na sinusuntok, sinisipa, sinasampal, pwersahang tinuturukan ng droga, pinagkakaitan ng tulog, tinututukan ng baril at sinasakluban sa ulo. Bahagi rin ng tortyur ang malakas na pagpapatugtog, matagalang pagpapaiskwat sa mga bilanggo at pagkandado sa kanila nang hubad sa mga selda.

Masahol pa, walang kapararakang isiniwalat ng mga sundalo ang kanilang kahayupan. Mismong ang mga sundalong ito ang naglagay ng mga larawan sa internet upang maghambog sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak.

Nariyan ang mga larawan ng isang bagong-dakip na Iraqi na tinatadyakan ng isang sundalong Amerikano at pinaiihian pa sa iba. Sinakluban sa ulo, pinaghubad at pinagpatung-patong ala-pyramid ang isa pang grupo ng mga bilanggong Iraqi. May mga larawan ding nagpapakitang inuupuan ng ilang tropa ng US Navy SEALS ang mga hubad at pinagmaskarang bilanggong Iraqi, kinukulata ng baril ang duguang ulo at umaapak nang nakabota sa dibdib ng mga ito. Nalantad sa mga bidyo ang sekswal na pang-aabuso sa buu-buong mga grupo at pag-utos sa isang babaeng bilanggo na ipakita ang kanyang dibdib.

Kahindik-hindik ang iba pang detalyeng lumabas sa sinumpaang mga salaysay ng iba pang sundalo. Madalas, pinapasakan ng nakasinding sigarilyo ang tainga ng mga bilanggo. Itinatali sila sa poste, binabaril ng mga balang goma at ibinibilad sa araw hanggang himatayin. Ayon sa mga ulat na nakalap ng American Civil Liberties Union, kinakadenahan ang mga paa't kamay at pinababaluktot ang mga bilanggo nang mula 18 hanggang 24 oras. May mga pagkakataong niririndi sila ng napakalakas na tugtog at sinisilaw ng puting ilaw. Nasaksihan ng isang ahente ng Federal Bureau of Investigation ang pagsakal, paglatigo at pagkulong ng mga bilanggo sa magiginaw na selda. Kinuryente naman ng isang US Marine ang isang bilanggo gamit ang kurdon ng electric transformer.

Tuwirang nilalapastangan ang pananampalatayang Islam para ibayong hiyain at pahirapan ang mga bilanggo. Ayon sa mga testimonya, habang naghahalakhakan at sumisipol, pinwersa ng mga sundalo ang isang bilanggong Muslim na kumain ng karneng baboy, uminom ng alak at magpasalamat kay Hesukristo na siya'y buhay pa. Itinatapon ang Koran (banal na libro ng mga Muslim) ng mga bilanggo sa kubeta at pinipilit silang talikuran ang kanilang pananampalataya. Pinasimunuan pa ng isang heneral ang pagpapaahit ng mga balbas (na ipinagbabawal sa isang sekta ng mga Muslim). Ang bandila ng Israel, simbolo ng mga Hudyo, ay ibinabalot sa katawan ng mga bilanggo.

Kinumpirma rin ng International Committee of the Red Cross na sadyang gumagamit ang US Military ng sikolohikal at pisikal na tortyur sa mga bilanggo nito sa iba't ibang lugar. Sa tindi ng tortyur, madalas na napupwersa ang mga bilanggo na umamin sa mga bintang sa kanila (na kadalasa'y tungkol sa pagkakasangkot nila umano sa al Qaeda) kahit sila ay inosente. Marami sa mga inabusong bilanggo ay namatay.

Sa tangkang ipagkailang sistematiko ang pagmamaltrato sa mga sibilyan at bilanggo, naghuhugas-kamay ang gubyernong Bush at ibinibintang ang mga krimen sa maliit na grupo ng mga sundalo. Nabura na sa mga ulat ang pangalan ng mga heneral at iba pang upisyal na sangkot sa mga kaso. Ang camp commander ng Camp Xray, si Maj. Gen. Geoffrey Miller, ay hindi naparusahan at sa halip ay tahimik lamang na inilipat ng tungkulin.

Bago pa man naisiwalat ang mga kaso ng pang-aabuso, lihim na itinatag ni Bush ang isang iligal na pangkat ng mga espesyal na operatiba. Tungkulin nito na dakpin o patayin ang mga matutukoy na myembro ng al Qaeda saanmang dako ng mundo. Hindi ito sumusunod sa mga internasyunal na batas. Kabilang sa "special-access programme" na ito ang pagtatayo ng mga lihim na sentro ng interogasyon kung saan pinahihintulutan ang malupit na pagtrato sa mga bilanggo.

Isa sa pinakahuling paraan upang pwersahang paluhurin ang mamamayang Iraqi ang paglusob at pagwasak ng mga tropang US sa Falluja, balwarte ng mga mandirigmang Iraqi. Sa tinaguriang ikalawang "shock and awe attack" (nakabibigla at nakasisindak na pananalakay), tinatayang may 6,000 patay, libu-libong sugatan at mahigit 250,000 mamamayang sapilitang pinalikas sa madugong pagsalakay ng mga imperyalistang tropa rito. Sapilitang hinalughog ng US Armed Forces ang mga bahay at karakarakang dinakip ang kalalakihan. Winasak ang mga palengke, ospital, moske, kalsada at mga imprastruktura ng impormasyon at komunikasyon. Tinarget ang mga pangunahing pinagkukunan ng tubig at kuryente. Tinangkang magkaroon ng media blackout upang ilihim sa daigdig ang karumal-dumal na operasyon sa Fallujah.

Ginamit ang halos buong arsenal ng US kabilang ang mga F-16, C-130, mga Abrams tank at Apache helicopter. Binaril ang mga ambulansya, at maging mga bata'y tinarget ng mga Amerikanong isnayper. Inamin din ng Pentagon ang paggamit ng napalm (isang kemikal na panunog) laban sa buu-buong mga komunidad.

"Kalmado at buo ang loob ng mga sundalo habang pinupuksa nila ang buhay ng mamamayan," ulat ng isang saksing peryodista. Sa isang insidente, hindi kumukurap ang mga sundalo habang pinapuputukan ang isang biktimang sugatan na at namimilipit sa lupa.

Ilampung libo na ang nilipol ng imperyalismong US sa sakim at desperadong digma nito. Di iilan sa mga sundalo ng US ang nademoralisa, nawalan ng katinuan ng isip o naghanap ng paraan upang tumakas mula sa brutal na imperyalistang misyong manghimasok, manligalig at pumatay. Dumarami ang nagpapasyang iwan ang pagkasundalo. Samantala, ang imperyalistang hukbong sandatahan ay nahaharap sa makatarungan, lumalawak at umiigting na pagngangalit at pakikibaka ng mamamayang Iraqi.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Enero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Pamunuan ang nabubuong nagkakaisang prenteng anti-Arroyo!

Mga buladas ni Arroyo
Col. Sebastian, pusakal na pasista at war criminal, pinarusahan ng BHB
Rebolusyonaryong pagsulong sa Quezon
Pulang pagdiriwang
Kalagayan ng mga magbubukid at manggagawang bukid sa mga tubuhan ng Batangas
US Armed Forces, nakaunipormeng halimaw
Pasistang kontratista
Paghahanap ng WMD sa Iraq, itinigil na ng US
Karamihan sa mga Amerikano, tutol sa gerang agresyon sa Iraq
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Ilang tampok na taktikal na opensiba sa Mindanao

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.