Walang katapusang pangungutang
Ang papalalang pagkakabaon ng Pilipinas sa utang ay nakaugat sa neokolonyal, atrasado, di-industriyalisado at bangkaroteng kalagayan nito. Tuluy-tuloy na nalulugi ang bayan sa neokolonyal na kalakalan kaya't palaging kailangang umutang nang umutang para punuan ang depisit sa pandaigdigang kalakalan.
Mula pa noong huling bahagi ng dekada 1970, nagsimula nang tumindi ang krisis sa sobrang suplay at bagsak na presyo ng mga hilaw na materyales at tradisyunal na produktong agrikultural (asukal, troso, kopra at iba pa) sa pandaigdigang pamilihan.
At mula huling bahagi ng dekada 1980, ang krisis naman sa sobrang suplay ng mga malamanupaktura (mga pyesang elektronik, kasuotan at iba pa) ang lumubha. Pinalala pa ang ganitong kalagayan pagpasok ng dekada 1990 dulot ng pagpapatupad ng imperyalistang patakarang "globalisasyon" laluna ng liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan. Ang Pilipinas ay ibayong naging tambakan ng mga sobrang produkto ng mga imperyalista na sumasalanta sa lokal na produksyong agrikultural at industriyal. Ibayo nitong winasak ang mga produktibong pwersa.
Sinalanta ang ekonomya ng Pilipinas ng krisis pampinansya sa Asia noong 1997 sa anyo ng pagputok ng bula ng ispekulatibong kapital. Nagdulot ito ng malawakang krisis sa pinansya na sumaklot maging sa iba pang bansa sa Asia at Latin America. Hindi pa nakakaahon mula sa mga nakaraang krisis, sinundan na naman ito noong 2000 ng matinding resesyon sa mga sentro ng kapitalismo na hanggang sa kasalukuyan ay dinaranas pa ng US at laluna ng mga atrasadong bayan.
Nakikita sa takbo ng ekonomya ng bayan at ng pandaigdigang sistemang kapitalista na napipinto ang pagsambulat nitong mga susunod na taon ng mas matindi pang krisis sa pinansya at pagkabaon sa utang ng ekonomya ng Pilipinas.
|