![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Para hindi na mahikayat pang pumasok sa kagubatan na saklaw ng larangan ang iba pang magtotroso, iginiit ng masa bago pa man magsimulang mag-logging ang mga bagong pasok na kunsesyunaryo, na bayaran ang mga lupaing tatamaan sa operasyon ng kumpanya. Kung dati'y mismong mga tanim na nasira lamang ang binabayaran sa halagang idinidikta ng magtotroso, ngayo'y itinakda ng masa na kahit na mga lupang walang tanim na sasakupin ng kunsesyon ay dapat bayaran ng karampatang halaga. Mabisang naihanda ng kampanyang propaganda at edukasyon ang kamalayang publiko sa lungsod at kapatagan. Partikular sa mga logging area sa Timog Mindanao, naihanda rin ang kundisyon para sa opisyal na pahayag hinggil sa simula ng logging ban pagsapit ng Enero 1995. Panimulang TagumpayPagsimula ng logging ban, isa sa mga unang napatalsik na kumpanya sa logging ay ang Valderrama Lumber (Valma), na umookupa sa 25,000 ektaryang bumabagtas sa mga bayan ng Compostela at New Bataan sa Davao del Norte, at Cateel sa Davao Oriental. Bukod sa administrasyon ng Valma, may apat pang subkontraktor ito na nagtotroso sa iba't ibang bahagi ng kunsesyon. Kagyat na pinalayas ng masa at rebolusyunaryong pwersa ang pinakadespotiko sa mga subkontraktor. Una siyang tinarget dahil patuloy niyang nilabag ang patakaran laban sa pagtotroso sa lupain ng mga lumad. Bukod rito, tinangka niyang wasakin ang pagkakaisa ng mamamayang lumad nang suhulan niya ang ilang mga lider angkan ng tribu upang payagan siyang magtroso sa kanilang erya. Ang mga hindi niya mabili ay kanyang tinakot at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso sa korte. Sa kabila ng pagmamatigas ng subkontraktor, napilitan din siyang umalis matapos tanggalan ng pyesa ng mga organisadong masa ang kanyang mga traktora (ibinalik sa subkontraktor ang mga pyesa nang lisanin na niya ang erya). Ang nalabing tatlong subkontraktor ay maayos sa nakipagnegosasyon sa organisasyong masa at rebolusyunaryong pwersa. Pinayagan silang mag-opereyt nang tatlong buwan, batay sa mga sumusunod na kundisyon: hindi sila maaaring magtroso sa watershed areas; hanggang 200 kubiko metro lamang (mula sa dating 400 kubiko metro) bawat buwan ang bolyum ng kahoy na maaari nilang trosohin; at hindi dapat bumaba sa 60 pulgada ang diametro ng mga punong kanilang puputulin (ito'y upang huwag madamay ang mga di pa magugulang na puno). Tulad ng dati, masusing minatyagan ng organisasyong masa ang kanilang operasyon. Matapos ang tatlong buwan, umatras na ang dalawang subkontraktor. Ang isang natira ay pinayagang mag-opereyt muli nang tatlong buwan, batay pa rin sa mga kundisyong nabanggit, subalit umayaw na rin ito pagkaraan ng naitakdang panahon. Pagsapit ng Hunyo 1995, tanging ang administrasyon na lamang ng Valma ang naiwang nagtotroso sa kunsesyon. Umatras din ito pagsapit ng Setyembre, siyam na buwan bago mawalan ng bisa ang Timber Licensing Agreement (TLA) nito sa DENR. Bogus na ReporestasyonSa kabila ng matagumpay na pagpapatalsik sa Valma, hindi nawawaglit ang pamamatyag ng masa at rebolusyunaryong pwersa sa erya, lalo na sa harap ng mga bagong pakana ng mga kumpanya sa logging, at ng DENR. Ngayong halos kalbo na ang kagubatan, isang "programa sa reporestasyon" ang inilunsad ng DENR � ang IFMA (o Industrial Forest Plantation Management Agreement). Unang inimplementa ang IFMA sa Mindanao noong 1991. Sa ilalim ng programang ito, ang mga pribadong grupong may aprubadong IFMA ay lisensyadong magtanim ng tinaguriang mga "fastgrowing industrial trees" o mga punong-kahoy na mabilis tumubo (kadalasa'y gumugulang na sa loob lamang ng lima hanggang pitong taon), at may iba't ibang gamit sa industriya. Kadalasang itinatanim ng mga IFMA holders ang Gemelina arbolea, bagras at falcatta. Ang tuwid na puno ng gemelina ay ginagawang poste sa kuryente. Ginagawa rin itong plywood, at ang pulp ay pinoproseso para gawing perang papel ng Bangko Sentral. Ang bagras o Acassia mangium ang pinagmumulan ng kahoy na pamposporo, habang ang magugulang na puno nito ay ginagawang marine plywood at wood panels. Samantala, ang pulp ng falcatta ay ginagawang papel habang ang magugulang na puno nito ay ginagawang crates at wood pallets na ginagamit na patungan ng kargo sa mga container vans. Agad sinamantala ng mga magtotroso ang programa ng IFMA. Sa katunayan, marami sa mga IFMA holders sa kasalukuyan ay mga grupo o organisasyong itinayo ng mga lagingerong lipas na ang TLA at wala na ring makuhang pakinabang sa pagtotroso. Matindi ang pagtutol ng komunidad sa IFMA dahil malinaw sa kanila na ang pakay nito ay hindi reporestasyon. Bagkus, ito'y bagong paraan ng pagkamal ng tubo para sa mga kapitalista. Hindi nito maibabalik ang maselang ecosystem ng kagubatan. Bagkus, mapaminsala pa nga ito. Ang gemelina, halimbawa, ay isinusumpa ng mga magsasaka dahil sa lakas nitong sumipsip ng tubig at sustansya mula sa lupa � bagay na nakasisira sa kanilang mga tanim at sa nalalabi pang mga puno sa paligid. Lalo nang peligroso kapag itinanim ito sa mga watershed areas dahil unti-unti nitong papatayin ang mga ilog at sapa na pinagmumulan ng irigasyon, inuming tubig at isda na pinakikinabangan ng masa. Higit sa lahat, ang IFMA ay maskara para sa patuloy na pagwasak sa nalalabing kagubatan. Dahil madaling dayain ang sarbey ng lupang sasakupin ng IFMA, may mga kasong nagpuputol muna ng kahoy ang mga IFMA holder mula sa gubat bago tamnan ng industrial trees ang eryang pinutulan. Sa ganitong paraan, dalawang ulit tumutubo ang gahamang lagingero � una, mula sa pagbebenta ng trosong pinutol, at ikalawa, mula sa pagbebenta ng industrial trees na kanyang itinanim. Sa kaso ng Valma, tinangka nitong balikan bilang IFMA holder ang dati nitong kunsesyon, subalit ito'y tinutulan ng masa. Patuloy naman ang pakikibaka ng masa laban sa Development Alternatives Inc. (DAI), isang pribadong grupong pinondohan ng USAID (US Agency for International Development) na mayroon nang aprubadong IFMA para tamnan ng industrial trees ang malaking bahagi ng dating erya ng Valma. Batay sa aplikasyon nito, 12,000 ektarya sa Compostela at New Bataan sa Davao del Norte ang sakop ng kanilang IFMA. Sa ngayon, ang DAI ang pangunahing target ng kampanyang anti-logging sa erya. Taun-Taong KalamidadPatunay sa pagka-inutil ng DENR at ng programa nitong IFMA ang mga malalaking bahang taun-taong nananalanta sa Timog Mindanao. Ayon mismo sa Office of Civil Defense (OCD), isang ahensya ng gubyerno na nangangasiwa sa mga tinamaan ng kalamidad, sa dalawang ulit na pagbaha na naganap sa Davao Oriental noong Marso 1996, P11 milyon ang halaga ng mga tanim, pribadong pag-aari at imprastruktura ang nawasak. Mas malubha pa ang pagkasalanta ng Davao noong 1997. Ayon pa rin sa OCD, sa buwan lamang ng Enero 1997 ay P66 milyon ang halaga ng napinsalang imprastruktura at P40 milyon naman ang halaga ng nasirang mga pananim sa Davao Oriental, Davao del Norte at Davao City. Mula Enero hanggang unang bahagi ng Marso, mahigit 30,000 pamilya mula sa 232 barangay at 22 bayan sa mga naturang lugar ang napilitang magbakwit dahil sa grabeng pagbaha. Tatlong bata rin ang nalunod sa baha sa Davao del Norte noong Pebrero 1997. May P4.2 milyon ding halaga ng proyektong pang-irigasyon ang nasira sa naturang lalawigan, bagay na makaaapekto sa suplay ng bigas sa Timog Mindanao dahil ang Davao del Norte ang nagsisilbing "rice granary" ng rehiyon. Ngayong Enero, ibinalita muli ng OCD na may 2,500 pamilyang nasalanta ng bahang naglubog sa 18 barangay sa Davao del Norte. Aabot din sa P2 milyon ang halaga ng nasirang mga pananim at hindi pa malaman ang pinsala sa imprastruktura. Inamin ng OCD na ang isa sa pangunahing sanhi ng grabe at taun-taong pagbaha sa Timog Mindanao ay ang pagkakalbo sa kagubatan. Kaugnay nito, binatikos ng Solidarity Action Group for Indigenous People o SAGIP (isang organisasyong nagtataguyod sa interes ng mga lumad) ang rehimeng Ramos dahil sa kabiguan nitong magsagawa ng tunay na reporestasyon. Aniya, ang IFMA, na diumano'y programa ng gubyerno sa reporestasyon, ay ginagamit lamang ng mga lagingero para makapagsagawa ng iligal na pagtotroso. Kilusang Masa Laban sa LoggingSa kabila ng malinaw na kawalang-saysay ng IFMA sa reporestasyon, isang realidad ang naglalakihang plantasyon ng industrial trees sa buong Mindanao. Marami rito ang naitanim na bago pa man nasimulan ang patakarang total logging ban. Sa Timog Mindanao, pinahihintulutan ng rebolusyunaryong kilusan ang pag-iral ng mga dati nang nakatanim na industrial trees, para mapakinabangan pa rin ito ng masa. Ngunit ipinagbabawal ang pagpapalawak ng eryang tinatamnan nito, lalo na kung ang sasaklawin ay mga lupang agrikuktural. Kapag may bagong IFMA holder na nais pumasok sa isang erya, ang kagustuhan ng mga mamamayan sa mga apektadong komunidad ang mapagpasya. Ang mga komunidad na may matatatag na paninindigan bunga ng mahabang kasaysayan ng paglaban sa mga kumpanya sa logging at iba pang mapagsamantalang pwersa, ay organisado at puspusang tumututol sa IFMA. Patuloy na kampanyang propaganda at edukasyon ang inilulunsad ng masa at rebolusyunaryong pwersa upang kumbinsihin ang iba pang komunidad sa kawastuan ng ganitong paninindigan. Partikular sa mga komunidad na hindi umabandona sa pagsasaka sa kabila ng paglakas ng pagtotroso sa kanilang erya, hindi mahirap kumbinsihin ang masa hinggil sa kawastuan ng logging ban at ng pagtutol sa IFMA dahil saksi sila sa pinsalang idinulot ng pagtotroso sa kanilang mga sakahan. Samantala, sa mga lugar na kasalukuyan pang nagaganap ang logging, patuloy ang koleksyon ng rebolusyunaryong buwis sa mga kunsesyunaryo at subkontraktor, bukod sa mga restriksyong ipinapataw sa kanilang operasyon. Ipinaliwanag ni Ka Frankie na ang pasingil ng buwis mula sa mga lagingero ay hindi balintuna sa total logging ban. Bukod sa paggigiit ng rebolusyunaryong otoridad pampulitika na umiiral na sa maraming bahagi ng kanayunan, aniya, ito rin ay isang uri ng pananabotahe laban sa magtotroso. Maaaring iayon ang halaga ng buwis na sisingilin sa bigat ng presyur na dapat ipataw sa lagingero, at maaari ring humingi ng mga kagamitan. May mga pagkakataon, ani Ka Frankie, na nawawalan ng interes ang lagingero na ipagpatuloy pa ang kanyang operasyon dahil sa tindi ng presyur. Sa kabilang banda, ani Ka Frankie, kailangan ding sundin ang makauring linya sa pagpapataw ng buwis, lalo na sa kaso ng mga subkontraktor, na kadalasa'y mula sa uring pambansang burgesya o mataas na saray ng petiburgesya. Hindi wasto, aniya, na gamitan antemano ng pwersang militar ang mga kumpanya sa logging, tulad ng naging pagkakamali sa ibang larangang gerilya sa Mindanao. Ilang buwang binugbog ng operasyon ng kaaway ang ganitong mga erya, bagay na nagbunsod ng pananaw na mali ang panawagan hinggil sa logging ban. Hindi mali ang panawagan, ani Ka Frankie, kundi ang militaristang paraan ng pagpapatupad nito. Ang tagumpay ng pakikibaka laban sa logging, aniya, ay nakabatay pangunahin sa paglulunsad ng isang malawak at matatag na rebolusyunaryong kilusang masa. ![]()
|
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|