Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal
Pananaig sa konserbatismo at pagsusulong ng armadong pakikibaka sa Gitnang Kabisayaan

 Read this article in English

Noong nakaraang taon, iniulat ng AB ang matagumpay na pagreyd ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa munisipyo ng Batuan, Bohol noong Hunyo 27 at ang matagumpay na pagpaparusa noong Oktubre 1998 kay Chief Insp. Ruel Lagala, isang pusakal na upisyal ng Philippine National Police sa Tagbilaran, Bohol. Ang mga ito ay tampok na halimbawa ng iba­t ibang tipo ng aksyong gerilya na isinagawa ng BHB sa rehiyon upang ipatupad ang mga batas at patakaran ng demokratikong gubyernong bayan at isulong ang pakikidigmang gerilya. Sa bawat pagkakataon, mulat na sinisikap na abutin ang mga layunin sa pulitika at militar, patuloy na patatagin ang baseng masa at palawakin ang suporta at simpatyang tinatamasa ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.

Ang inilunsad na matatagumpay na taktikal na opensiba at iba pang aksyong militar ay bunga ng puspusang pagwawasto sa mga kamalian at paglihis sa nakaraan, masikhay na gawaing masa at masigasig na pagsusulong ng mga kampanyang masa sa kanayunan. Bunga rin ito ng mahusay na pagtangan sa mga aral na halaw sa karanasan sa mga unang taon ng paglulunsad ng kilusang pagwawasto sa rehiyon�-sa partikular, ang pagwawasto at mga aral ng Partido at BHB kaugnay ng konserbatismo sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.

Konserbatismo sa paglulunsad ng taktikal na opensiba

Nang ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa rehiyon, wastong binigyang-diin ng rebolusyonaryong kilusan ang gawaing masa upang ituwid ang sobrang pagpapabaya rito noong panahon ng "regularisasyon" at militarismo.

Ngunit lumitaw ang tendensyang maging makaisang panig ang gayong pagbibigay-diin at ganap na nabitiwan sa mahaba-habang panahon ang tungkuling maglunsad ng mga taktikal na opensiba. Hindi wastong napanghawakan ang relasyon ng pagtatayo ng baseng masa at paglulunsad ng mga taktikal na opensibang kayang ipagwagi, gayundin ang iba pang sekundaryo ngunit mahahalaga at sa katunaya�y esensyal na mga tungkulin sa kasalukuyang yugto.

Sa loob ng tatlong taon (1993-96), iniwasan ng BHB sa rehiyon na maglunsad ng mga taktikal na opensiba kahit iyong kayang maipagwagi batay sa kakayahan ng hukbong bayan at kahandaan ng baseng masa. Lumaganap sa hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa ang maling pananaw na "mawawasak ang ating baseng masa kung maglulunsad tayo ng taktikal na opensiba". Kaya napalampas ang maraming pagkakataon.

Sa pananaw na ito, malaki ang impluwensya ng maling pagsusuri sa ilang matingkad na karanasan noong pag-uumpisa ng armadong pakikibaka sa rehiyon at gayundin noong namayani ang malulubhang disoryentasyon at pag-atras bandang gitna at huling bahagi ng dekada ­80. Isa sa pinakatampok ay ang karanasan sa pagkawasak ng organisasyon ng Partido sa distrito bunga ng matinding pananalakay ng kaaway pagkatapos ng taktikal na opensibang isinagawa sa Carmen, Bohol noong 1985.

Noong mga unang taon ng kilusang pagwawasto, lumakas ang tendensyang maliitin ang kakayahan ng rebolusyonaryong kilusan at sobrang palakihin naman ang kakayahan ng kaaway. Dulot ito ng makaisang panig na pagsaalang-alang sa lubhang pagliit ng Partido, hukbong bayan at baseng masa bunga ng matitinding disoryentasyon. Dahil dito, may mga kasamang lumakas ang pagdududa sa antas-antas na muling pagsulong at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan. Nagdalawang-isip sila sa kakayahan ng kilusan na paunlarin ang demokratikong kapangyarihang pampulitika at pairalin ang mga patakaran nito sa mga larangang gerilya�-sa relatibong menor na mga usapin at limitadong saklaw sa simula at sa kalaunan, sa mga mayor na usapin at sa papalawak na saklaw�- habang antas-antas na pinahihina at pinaaatras ang kaaway.

Ngunit sa kabila ng pag-iwas ng BHB sa mga labanan, hindi tumigil ang mga operasyong militar ng AFP at PNP. Tuluy-tuloy at paulit-ulit na sinalakay ng reaksyunaryong militar at pulisya kapwa ang matatatag na larangang gerilya at mga lugar na binabawi. Ilang beses na tinamaan ang mga sandatahang yunit pampropaganda. Ilang Pulang mandirigma ang nasawi. Naging mabagal ang paglawak ng baseng masa at nabawasan pa ito noong 1996. Dumanas ng iba­t ibang suliranin at balakid ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagpapatupad ng kilusang pagwawasto sa taong iyon, kabilang na ang suliranin ng wastong paglulugar ng mga taktikal na opensibang kayang ipagtagumpay.

Samantala, ang rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa ay nagpapakita na ng mga makabuluhang pagsulong. Unti-unti na muling lumalakas ang BHB, at pansin na kahit ng kaaway ang pagpihit ng direksyon at pagbago sa moda ng pagkilos ng mga yunit nito. Masigla nang naglulunsad ng mga taktikal na opensiba ang ilang rehiyon at sa pangkabuuan, unti-unti nang napapanday ang batayan para mas paigtingin ang pakikidigmang gerilya.

Mga aral sa taktikang gerilya

Sa Ikalawang Rehiyunal na Kumperensya ng Partido sa Gitnang Kabisayaan, wastong pinuna ang konserbatismo at nilinaw ang halaga at pangangailangan ng mga taktikal na opensiba bilang pinakamahalagang nilalaman ng estratehikong depensiba.

Nilinaw na kinakailangan ang mga taktikal na opensiba sa isang matagalang digmang bayan upang maagaw sa kaaway ang lokal na inisyatiba sa digma at hakbanghakbang na pahinain ang kanyang estratehikong inisyatiba. Sa pamamagitan ng akumulasyon ng mga tagumpay sa mga taktikal na opensiba, mapalilitaw at mapalalaki ang mga kahinaan ng kaaway at unti-unting mababawasan ang kanyang lakas hanggang sa tuluyan itong magapi pagsapit ng panahon ng estratehikong opensiba. Kailangan ding maglunsad ng mga taktikal na opensiba upang mapreserba ang lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa at patuloy pang palakasin ito, hakbang-hakbang na pangibabawan ang mas mahinang katayuan kumpara sa lakas ng kaaway upang maabot sa kalaunan ang superyoridad sa kaaway sa paparaming pagkakataon at lugar, sa papatagal na panahon hanggang sa kabuuan.

Sa bawat taktikal na opensibang inilulunsad, mahalagang matukoy ng mga yunit ng BHB ang mga kahinaan ng kaaway, o kung hindi man, matulak ito upang magkamali at mailantad ang mahihinang bahagi nito.

Sa serye ng mga pag-aaral at paglilinawan, iwinasto ng mga kadre at mandirigma sa rehiyon ang makaisang panig na pananaw na siyang pinagmulan ng konserbatismo na nagdulot ng disbalanse sa pagpapatupad ng mga rebolusyonaryong gawain at maling pagsusuri sa kalagayan ng digma.

Muling pinagtibay ang pangangailangang sapulin ang diyalektikong relasyon ng pangunahin at sekundaryong mga tungkulin. Muling ipinwesto ang mga batayang rekisito sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba batay sa papalawak at papalalim na baseng masa at ang pangangailangang itaas ang mapanlabang diwa ng hukbo at mamamayan.

Itinuwid ang pesimistikong pananaw na "mawawasak ang baseng masa kung maglulunsad tayo ng taktikal na opensiba". Pinag-iba ang kalagayan sa kasalukuyang yugto at noong yugtong nagsisimula pa lamang ang armadong pakikibaka sa rehiyon, gayundin sa kalagayan noong panahon ng malulubhang disoryentasyon at pagatras. Nilinaw na may ibang antas nang naabot ang rebolusyonaryong kilusan sa pangkalahatan at tinatahak nito ngayon ang wastong landas sa gabay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Binalik-aralan ang partikular na karanasan sa Carmen, Bohol noong 1985. Inilinaw na ang pagkawasak doon ng rebolusyonaryong kilusan ay di simpleng resulta ng mga atake ng kaaway. Tinukoy na ang mga panloob na kahinaan ang unti-unting sumira sa baseng masa at organisasyon ng Partido sa distrito. At sa katunayan, nagsimula na ang mga operasyong militar ng kaaway sa distrito bago pa man ang taktikal na opensiba.

Upang ibayong linawin ang halaga ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, binigyang-diin ng kumperensya ang pagsusuri sa partikular na kalagayan ng digmaan relatibo sa kabuuan at wastong pagtaya at pagharap sa mga kampanya ng kaaway. Muling pinagtibay ang pangangailangang magsanay sa "sining ng digma" ang mga rebolusyonaryong pwersa. Gayundin, idiniin ang pangangailangang pag-aralan at pagpakahusayan ng lahat ng Pulang kumander sa antas ng larangan at rehiyon ang wastong pagtaya sa pabagubagong sitwasyon, paglaban at pagbigo sa mga operasyon at kampanya ng kaaway at koordinadong pagsusulong ng laban sa pulitika, militar at ekonomya.

Idiniin din ang pangangailangang gawing sistematiko at paunlarin ang kaalaman at kakayahan ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pagbaka at pagbigo sa mga kampanya at operasyon ng kaaway habang patuloy na nagpapalawak at nagpapalakas ng sarili.

Alinsunod sa kasalukuyang yugto ng estratehikong depensiba, muling itinaguyod ang mga taktikang gerilya ng konsentrasyon, paghihiwahiwalay at paglipat, ang taktika ng pagpapaikut-ikot, ang wastong balanse ng pagpapalawak at pagpapatatag at ang pagmamaksimisa sa pampulitikang paglalantad at pakikibaka sa panahong tinutugis ng kaaway na mas malaki at malakas pa kaysa sa sariling pwersa. Sa gayon, "pinasusuntok sa hangin" ang kaaway habang nagsasagawa ang mga yunit ng BHB ng mga taktikal na opensiba na kayang ipagtagumpay batay sa kalagayan at kakayahan ng mga ito.

Pangunahing tungkulin

Ayon sa mensahe ni Kasamang Armando Liwanag, tagapangulo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa ika-30 anibersaryo ng BHB, "ang pangunahing tungkulin ng BHB ay labanan at gapiin ang kaaway. Inilulunsad lamang nito ang mga labanan na kaya nitong ipagwagi. Sa loob ng mahabang panahon, naglulunsad ito ng mga labanang madaling tinatapos para umagaw ng mga sandata mula sa kaaway, magtipon ng lakas sa kanayunan, at nagdaraan sa mga yugto at bahagi ng pag-unlad hanggang sa kakayahin na nitong agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran sa pambansang saklaw." "Gayunman," aniya, "hindi matagumpay na maipatutupad ang tungkulin sa paglaban kung hindi ito nakabatay sa malaganap at malalim na suporta ng mamamayan. Ang BHB ang pangunahing organisasyon ng Partido hindi lamang para wasakin ang kaaway kundi para rin sa pag-oorganisa, pagpukaw at pagpapakilos sa masa. Sa pamamagitan ng gawaing masa, nakukuha nito ang suporta ng mamamayan bilang walang pagkasaid na bukal ng lakas."

Naglulunsad ang BHB ng mga taktikal na opensiba alinsunod sa pagsusulong ng malawak at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Ang bawat pagdami ng mga taktikal na opensiba ay nakaugnay sa paglawak at pagpapatatag ng baseng masa sa loob ng sonang gerilya, sa loob ng larangang gerilya, sa loob ng rehiyon at sa pambansang saklaw.

Ang unti-unting pagdami ng mga taktikal na opensiba ay nagpupwersa sa kaaway na kilalanin ang lumalaking lakas ng BHB hindi lamang sa Gitnang Kabisayaan kundi sa buong bansa. Paulit-ulit nitong napabubulaanan ang mga pahayag ng kaaway na nawawala na o nalulusaw na ang rebolusyonaryong kilusan.

At itinuturo sa atin ni Kasamang Mao na "ang digmaan ay pulitika na may kaakibat na pagdanak ng dugo� kung saan kailangan ang sakripisyo� Ito rin ang batayan kung bakit ang depensiba ay kailangang sabayan ng pagsalakay at hindi nananatiling simple at solong depensiba."

 


Previous articleBack to topNext article

04 Marso 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paghandaan at labanan ang mas maigting pang mga opensibang militar at panunupil pagkatapos palayain ang mga bihag sa digmaan

Paninindigan ng NDFP
Paggalang sa Karapatan ng mga Bihag sa Digmaan

Sa okasyon ng ika-30 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan
"Labanan ang kaaway hanggang sa tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon!"

Sagisag ng Bagong Hukbong Bayan
Mga Ulat Koresponsal
Pananaig sa konserbatismo at pagsusulong ng armadong pakikibaka sa Gitnang Kabisayaan
Mga Ulat Koresponsal
Pagtalikod Sa Reaksyon, Pagsanib Sa Rebolusyon

Panunupil sa Texas Instruments
Pambubusabos sa mga manggagawa

Panunupil sa Texas Instruments
Pang-aapi sa kababaihan

Ang ICMLPO
Tungo sa pandaigdigang proletaryong pagkakaisa at pagtutulungan

Ang ICMLPO
MGA SIPI

Sosyalistang pagkakaisa?
Ang usapin ng pagkakaisa at ang mga Contra

Sa Ibayong Dagat
Imperyalistang pananalakay sa Balkan Peninsula

Pinagtubuan ang digma
Pahayag
Itigil ang digmang pananalakay ng U.S. at NATO

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.