![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Inaantabayanan ng buong mundo ang tagumpay ng proseso ng makasaysayang reunipikasyon o muling pag-iisa ng bansang Korea matapos ng halos 52 taong pwersahang paghihiwalay dito ng imperyalismong US. Noong Hunyo, naganap ang istorikong pagpupulong nina Kim Jong Il, pinuno ng Democratic People s Republic of Korea (DPRK) o North Korea at Kim Dae Jung, presidente ng Republic of Korea (ROK) o South Korea, kung saan binuo ang kasunduang tapusin na ang digmaan sa kanilang pagitan at burahin ang linyang humahati sa nagkakaisang mamamayan ng dating iisang Korea. Sadyang kapuri-puri ang pagpupursige ng mamamayan ng Korea para sa reunipikasyon. Isang malaking hamon ang mapagkaisa ang pinakamalawak na bilang ng mamamayang Koreano upang harapin at igpawan ang lahat ng balakid sa pagbubuo ng isang bansang tunay na malaya sa imperyalistang panghihimasok. Isang dambuhalang balakid sa masalimuot na proseso ng reunipikasyon ang todo-todong pakikialam dito ng imperyalistang US sa pamamagitan ng papet nitong gubyerno sa South Korea. Masugid na tinatangka ng US na magkaroon ng mayor na papel sa mga usapang pang-reunipikasyon upang pagsilbihin sa imperyalismo ang muling pagbubuo ng bansang Korea. Agresibong nagsasagawa ng diplomatikong hakbangin ang US sa pamamagitan ni US Secretary of State Madeleine Albright. Kabilang sa iginigiit ng US ang pagpapatigil ng North Korea sa independyenteng programa nito sa missile development sa ngalan umano ng "kapayapaan" at "malasakit sa kaligtasan ng sangkatauhan". Dahil sa militanteng antiimperyalistang paninindigan ng North Korea, itinuturing ito ng US bilang isang seryosong banta sa pananatili ng dominasyon ng US sa hilagang-silangang bahagi ng Asia. Ito ang dahilan kung bakit inokupa ng US ang South Korea noong 1945 at hanggang ngayo'y nagmamantine rito ng may 40,000 tropa (sa 100,000 sa buong Asia). Habang matatag na pinanghahawakan ng North Korea ang karapatan nito sa missile development, patuloy naman itong ginagamit ng imperyalistang US upang gipitin ang North Korea tungo sa pagbitaw nito sa anti-imperyalista at sosyalistang paninindigan. Sa kabila ng mga imperyalistang maniobra, matagumpay na naisusulong ng mamamayan ng Korea ang mga panimulang hakbang para sa muling pagbubuo ng Peninsula. Hakbang ito tungo sa pagbuklod ng sambayanang hinati ng imperyalismo at pagbasag sa blokeyong pang-ekonomya ng imperyalistang US laban sa North Korea. Isang kongkretong bunga ng pagpupulong ng mga pinuno ng dalawang Korea ang muling pagkikita noong Agosto at nitong Nobyembre ng tig-100 pamilyang kabilang sa libu-libong pinaghiwa-hiwalay ng ininstiga ng US na Korean War noong 1950-53. Gayundin, ang kasalukuyang muling-pagdudugtong ng riles (Kwongui Railway Line) na bunga rin ng kasunduan ng North at South Korea ay isa pang hakbang na tiyak na magpapabilis at magpapaunlad sa pangekonomya at pangkulturang palitan sa pagitan di lamang ng dalawang Korea kundi ng iba pang bansa sa Asia at Europe. SAMANTALA, papalakas ang sigaw ng mamamayan ng South Korea laban sa pananatili rito ng ilampung libong pwersang militar ng US. Noon lamang Mayo ay sunud-sunod na mga demonstrasyon ng mamamayan ng South Korea ang naggiit sa pagbasura sa kasunduang militar sa pagitan ng pamahalaan nila t ng US, hiningi ang paumanhin ng US sa mga krimen ng mga sundalo laban sa mamamayan at ang mismong paglisan ng mga tropang Amerikano. Gayundin, ang mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at iba pang aping sektor sa South Korea ay ibayong nakikibaka upang wakasan ang paghahari rito ng US at ng mga lokal na papet at reaksyunaryo. Ang panimulang pagsasakatuparan ng mga pag-uusap para sa reunipikasyon sa pagitan ng mga pinuno ng dalawang Korea ay isang tagumpay ng puspusang pakikibaka ng mamamayan laban sa imperyalistang dominasyon. Ang anti-imperyalistang kilusan kapwa sa North at South Korea ang makapangyarihang tagapagbuklod ng mamamayan ng Korean Peninsula.
![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|