Komedya sa Senado at Kongreso
Matagal nang kinamumuhian ng mamamayan ang senado at kongreso at ang kabuuan ng reaksyunaryong estado at sistema dahil sa kabulukan at kainutilan ng mga ito. Katulad ng iba pang sangay ng gubyerno, mga instrumento ito ng mga naghaharing uri sa pang-aapi, panlilinlang at pagnanakaw sa bayan.
Lalong naging kamuhi-muhi ang mga ito dulot ng malaking komedya na ginawa kamakailan ng magkaribal na paksyon ng mga reaksyunaryong uri sa senado at kongreso.
Matatandaang makaraang makuha ng naghaharing pangkatin ang mayorya sa senado noong 2001, ang dati nang pabaling-baling na si Sen. John Osme�a ay lumipat sa panig ng administrasyon. Kapalit nito�y ang pagtalaga sa kanya bilang tagapangulo ng makapangyarihang komite sa pinansya ng senado at pagtamasa niya ng iba pang pabor mula sa Malakanyang. Iisang boto ang lamang ng naghaharing paksyon. Kayat nang nagkataong nasa labas ng bansa si Sen. Ramon Revilla para magpagamot at muling bumaling si Osme�a sa oposisyon, biglang nakuha ng mga ito ang mayorya sa senado.
Ngunit hindi ito sapat para palitan ang pamumuno ng senado kayat nanatiling hawak ito ng naghaharing paksyon sa katauhan ni Senate Pres. Franklin Drilon. Sa pangunguna ni Drilon, ang senado ay kaagad isinara ng mga maka-administrasyong senador. Ipinagpatuloy naman ng oposisyon ang mga sesyon ng senado at nagpasa rin ng batas nang wala nang partisipasyon ang mga maka-administrasyong senador.
Agad ring isinara nina Speaker Jose de Venecia ang kongreso at kinandaduhan nila ang bulwagan, bilang pagsuporta sa mga maka-administrasyong senador. Tulad ng ginawa sa senado, ipinagpatuloy din ng mga kongresman ng oposisyon ang mga sesyon sa labas ng bulwagan ng kongreso, gamit ang martilyo sa halip na malyete (gavel � simbolo ng awtoridad).
Ang reaksyunaryong gubyerno ay mayroon ngayong dalawang senado at dalawang kongreso. Kapwa sila naggigiitang sila ang lehitimo. Bunga nito, napaparalisa ang ilang gawain ng reaksyunaryong gubyerno. Seryosong-seryoso ang mga oportunistang senador at kongresman sa ginawa nilang mga maniobra, ngunit pinagtatawanan at kinaiinisan lamang sila ng mamamayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|