Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ka Amado V. Hernandez:
Komunista, lider manggagawa, makata, nobelista at peryodista

 Read this article in English

Nitong Setyembre 13, ipinagdiwang ang ika-100 taong kapanganakan ni Ka Amado V. Hernandez. Isa siyang mahusay na komunista, mamamahayag, makata at nobelista. Isa siyang dakilang bayani at lider ng kilusang paggawa sa bansa.

Ipinanganak si Ka Amado sa Tondo, Maynila noong 1903. Pinamatnugutan niya ang pahayagang Mabuhay sa edad na 32. Naging patnugot din siya ng mga pahayagang Mabuhay, Pilipino, Sampagita, Weekly at Mabuhay Extra.

Buhay na buhay na pinapaksa sa karamihan ng mga sulatin ni Ka Amado ang hinggil sa kaapihan at pakikibaka ng uring manggagawa dahil siya ay isang lider obrero at militanteng nangunguna sa pakikibaka ng kilusan sa paggawa.

Sumapi si Ka Amado sa mga pwersang gerilya sa Sierra Madre nang pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagkatapos ng digmaan, kasama ni Ka Amado si Cipriano Cid (isang manunulat, abugado at lider obrero) sa pagtatag ng Philippine Newspaper League (PNL)�isang unyon ng mga mamamahayag noong 1945. Sa taon ding ito itinatag ang Congress of Labor Organizations (CLO), ang pinakamalaki at pinakamilitanteng pederasyon ng mga unyon mula 1945-1951. Kasama ni Ka Amado sa pagbubuo nito sina Mariano Balgos, Guillermo Capadocia, Pedro Castro, Felixberto Olalia at Cipriano Cid.

Nahalal si Ka Amado bilang isa sa mga pangalawang pangulo ng CLO noong 1945 at tagapangulo mula 1947 hanggang sa nadakip siya ng militar noong 1951. Mahusay niyang pinamunuan ang pederasyon sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga pakikibaka at mga kapakanan ng mga manggagawa at paglaban sa imperyalismong US.

Sinupil ng mga rehimeng Roxas at Quirino ang nabuong bagong pagkakaisa at pakikibaka ng mga manggagawa. Sa malawakang kampanya laban sa militanteng unyonismo ng reaksyunaryong estado, isa si Ka Amado sa mga lider-manggagawa na hinuli at kinasuhan ng rebelyon. Mula Enero 26, 1951, limang buwang incommunicado si Ka Amado sa Camp Murphy (Camp Aguinaldo na ngayon), bago sinampahan ng kasong �rebellion complexed with other crimes.� Nahatulang mabilanggo si Ka Amado nang limang taon at anim na buwan.

Hindi nasikil ng di makatarungang pagkakabilanggo ang makauring pagsusulat ni Ka Amado. Sa loob ng bilangguang ito kung saan sinabi ni Ka Amado na �ang buhay ay naging patay� kinatha niya ang dalawa sa mga itinuturing na pangunahing obra maestra niya�Isang Dipang Langit at Panata sa Kalayaan.

Pansamantalang nakalaya si Ka Amado noong 1956. Pagkatapos ng siyam na taong pakikibaka sa korte, pinawalang-saysay ng Korte Suprema noong Mayo 31, 1964 ang kanyang kaso. Naging bantog ang kapasyahang ito bilang �Hernandez Doctrine.�

Nagpatuloy sa pagsusulat si Ka Amado nang siya ay makalaya. Pinamatnugutan niya ang Taliba (1962-1967) at ang mga progresibong pahayagang Makabayan at Ang Masa (1969-1970).

Iba�t ibang porma ng panitikan ang naisulat ni Ka Amado�nobela, dula, maikling kwento, sanaysay, tula, at ulat (reportage). Dalawa sa kilalang nobela niya ay ang Ibong Mandaragit (1969) at Luha ng Buwaya (1963). Produkto ang mga ito ng kanyang mga karanasan sa loob ng bilangguan.

Hindi lamang naging talaan ang kanyang mga akda ng mga pangyayari sa kanyang panahon kundi sumasalamin din ang mga ito ng masidhing pagnanais ng mga uring inaapi at pinagsasamantalahan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Aniya sa "Bartolina": �Sa aking piita'y hindi pumupurol ang lumang panulat,/ bawat isang titik, may tunog ng punlo at talim ng tabak."

Patunay ng kahusayan sa panunulat ni Ka Amado ang maraming mga parangal na iginawad sa kanya�Commonwealth Award (1939 at 1940) para sa koleksyon ng mga tulang Kayumanggi. Noong 1958, iginawad sa kanya ng National Press Club ang Certificate of Merit para sa 25 taong pag-alagad sa larangan ng peryodismo. Nagtamo rin siya ng parangal sa tulang �Isang Dipang Langit� sa pamamagitan ng Cultural Heritage Award. Tulad ng kanyang asawang si Honorata �Ka Atang� de la Rama�ang Reyna ng Sarswelang Pilipino�iginawad kay Ka Amado ang National Artist Award pagkamatay niya.

Bilang kasapi ng lumang Partido, isa si Ka Amado sa mga tumulong upang mailunsad ang Unang Kampanya ng Pagtutuwid ng mga Kamalian ng lideratong Lava at Taruc at ang muling pagtatatag sa Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968.

Nitong Setyembre 13, sa pangunguna at pangangasiwa ng Amado V. Hernandez Resource Center ay idinaos ang gabi ng parangal kay Ka Amado sa pamamagitan ng pagbabasa ng kanyang mga tula at pagtatanghal ng mga makabayang awitin.

Patuloy na inspirasyon ng mga komunistang manunulat si Ka Amado bilang militanteng alagad ng sining at organisador ng masang anakpawis.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Setyembre 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palakasin ang kilusang protesta laban sa korapsyon at rehimeng US-Arroyo

Ang mga haharapin ni Macapagal-Arroyo bago ang eleksyong 2004
GMA: Desperadong kumakapit sa poder
Tumitindi ang panunupil sa pamamahayag
Tumitinding panunupil:
Humahabang listahan ng mga biktima

Paikut-ikot
Ka Amado V. Hernandez:
Komunista, lider manggagawa, makata, nobelista at peryodista
Sa Ibayong Dagat:
Pulong ng WTO sa Cancun, bagsak

Sa Ibayong Dagat:
Mga protesta laban sa adyenda sa Cancun, tagumpay

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Tampok na mga opensiba

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.