Pasada sa mga Balita
Pag-alok ng himpapawid sa gera, binatikos
Binatikos ng mga pulitiko, personahe at iba pang sektor ang pag-alok ni Arroyo sa US na gamitin ang himpapawid ng Pilipinas bilang suporta sa pagsalakay ng US sa Iraq. Ang alok ay ginawa ni Arroyo noong Marso 22. Kinutya siya sa "sobrang sabik" na pagsuporta sa gubyernong US.
Renato Constantino, pinarangalan
Pinarangalan si Renato Constantino, bantog na nasyunalistang istoryan, manunulat at edukador, noong Marso 10, 2003 sa okasyon ng kanyang ika-84 na kaarawan. Ginanap ang pagtitipon sa Bahay Kalayaan, sa UP Diliman. Nagtalumpati doon ang mga pulitiko at aktibista na nagbigay-diin sa patuloy na kabuluhan ng nasyunalismo sa harap ng lalong paghigpit ng dayuhang kontrol sa Pilipinas.
Petisyon ng Meralco, pinaburan ng gubyerno
Binigyan ng Senado noong Marso 20 ng 50 prankisa sa distribusyon ng kuryente ang Manila Electric Company (Meralco). Ang bawat prankisa ay tatagal nang 25-taon. Sa desisyong ito, lalong sasaklaw ang kontrol ng Meralco sa distribusyon ng kuryente sa karamihang lugar sa Luzon. Isang araw pagkalipas, pinaburan din ng Energy Regulatory Commission ang petisyon ng Meralco para sa "unbundling" o paghihiwa-hiwalay ng iba't ibang mga aytem sa singil sa kuryente. Tinatayang aabot sa 13 sentimos bawat kilowatt-hour ang itataas ng singil ng kuryente dahil dito.
Kasong Kuratong Baleleng, binuhay
Ipinag-utos ng Korte Suprema nitong Abril 1 na muling buksan at kagyat na resolbahin ang kasong multiple-murder laban kay Gen. Panfilo Lacson kaugnay ng sinasabing pagpatay sa mga myembro ng Kuratong Baleleng Gang noong 1995. Si Lacson noon ang hepe ng task force ng Philippine National Police laban umano sa kidnapping. Bago nito, idineklara ni Lacson ang intensyon niyang tumakbo bilang presidente sa eleksyong 2004.
Kasong libelo, isasampa ng Bayan Muna
Magsasampa ng kasong libelo ang partidong Bayan Muna laban sa istasyon ng telebisyong RPN-9. Ito ay kaugnay ng pagpapalabas noong Abril 3 ng isang dokumentaryong naglarawan sa Bayan Muna bilang isang "front organization" ng Partido Komunista ng Pilipinas. Iginiit ng Bayan Muna na ito ay isang lehitimong organisasyon.
Gen. Abaya, bagong hepe ng AFP
Hihirangin ni Presidente Macapagal-Arroyo sa Abril 8 si Lt. Gen. Narciso Abaya bilang bagong hepe ng AFP. Si Abaya ay kasalukuyang hepe ng Southern Command ng AFP.
Nakamamatay na sakit
Aaabot na sa 15 katao, kabilang ang isang Pilipino, ang namatay sa bagong sakit na SARS o Severe Acute Respiratory Syndrome sa Hongkong. Unang lumitaw ang sakit na SARS sa Guangdong, China noong Nobyembre 2002 at umabot noong Pebrero sa Hongkong. May mga kaso na ng SARS hanggang sa Europe at Canada. Pinag-aaralan pa ng mga espesyalista ang gamot sa sakit na ito.
North Korea, naghahanda para sa agresyon ng US
Sa harap ng patuloy na panggigipit at bantang militar ng US, iginiit ng North Korea noong nakaraang Oktubre ang karapatan nitong magkaroon ng mga armas nukleyar. Batid nito na ang pagkakaroon ng kapasidad na lumikha ng gayong mga armas ang tanging makapipigil sa mapanalakay at mapanakop na tunguhin ng imperyalismong US. Hindi malayong isunod na gerahin ng US alinman sa Iran at North Korea, na noong Enero 2002 ay inihanay nito sa Iraq bilang "sentro ng kasamaan".
Noong Enero 2003, tumiwalag na ang North Korea sa Nuclear Non-proliferation Treaty, isang kasunduang internasyunal na makaisang-panig na nagbibigay sa mga makapangyarihang bansa ng eksklusibong karapatang magkaroon ng mga armas nukleyar. Tinangka ng US na ipitin ang gubyerno ng bansa sa pamamagitan ng sari-saring pananakot at banta. Inakusahan ito ng US noong Oktubre ng aktibong paglikha ng mga armas nukleyar.
Kagaya ng ginawa nito sa Iraq noon, pinepresyur ngayon ng US ang North Korea na ipailalim sa inspeksyon ang sinasabing mga pasilidad sa paglikha ng mga sandatang nukleyar at upang pwersahin itong magdisarma. Para rito, pinalalaki na ng imperyalista ang pwersang militar nito sa Japan at South Korea at pinagiibayo ang pang-eespiya sa North Korea.
Hindi nagkakampante ang North Korea. Inihahanda nito ang sandatahang lakas at ang mamamayan sa posibilidad na ang bansa na gegerahin ng US kasunod ng Iraq. Nagbabala na rin ang North Korea nitong Marso 26 na kakalas na ito sa armistice na pinagkasunduan noong 1953 kung hindi ititigil ng US ang armadong probokasyon. Ang naturang armistice o tigilputukan ay pansamantalang kaayusan upang bigyang-daan ang resolusyon ng Korean War noong dekada 1950.
Nitong Marso 29, nagpahayag ang North Korea na tututulan nito ang lahat ng presyur na magpainspeksyon o magdisarma. Tinukoy nito na ang kasalukuyang sinasapit ng Iraq ay bunga ng pagpapadaig nito noon sa presyur ng mga imperyalista.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|