Pandarahas sa mga progresibong pwersa, nagpapatuloy
Wala pa ring humpay ang pandarahas sa mga lider, aktibista at tagasuporta ng mga demokratikong organisasyong masa. Nitong ikalawang linggo ng Abril, isang lider ng unyon at isang tagasuporta ng Bayan Muna (BM) ang pinaslang habang isa pang upisyal ng BM ang tinangkang patayin sa Visayas. Dalawa sa mga biktima ay mula sa Eastern Visayas at tinarget ng mga elemento ng 8th ID sa ilalim ni Maj. Gen. Jovito Palparan.
Pinatay nitong Abril 15 sa Barangay San Vicente, Mahaplag, Leyte si Alfredo Davis, 45, tagasuporta ng Bayan Muna. Nakasakay si Davis at kanyang asawang si Imelda sa kanilang multicab nang pagbabarilin sila ng dalawang lalaking nakamotorsiklo. Nasugatan din sa atake ang asawa ni Davis.
Bago ito, 22 bala ang pumatay kay Edwin Bargamento, 46, awditor at myembro ng Regional Executive Committee ng National Federation of Sugar Workers (NFSW). Pinagbabaril si Bargamento sa Barangay Tortosa, Manapla, Negros Occidental nitong Abril 13 ng mga pinaghihinalaang elemento ng RPA-ABB. Kagagaling lamang ni Bargamento sa pakikipagpulong sa mga kasamahan niya sa NFSW at dumalo sa isang piket para igiit ang P125 umento sa minimum na arawang sahod sa Bacolod City
Malubha namang nasugatan si Alden "Boy" Ambida, provincial coordinator ng Bayan Muna sa Eastern Samar nang pagbabarilin siya nitong Abril 9 sa Borongan, Eastern Samar ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Mula noong 2001, aabot na sa 70 upisyal at kasapi ng mga progresibong organisasyon ang pinatay samantalang 14 naman ang nawawala. Ngayong taon lamang, aabot na sa 37 ang pinatay.
Kabilang sa mga namatay kalaunan si Aileen Caparro, asawa ni Fr. Allan Caparro ng Promotion of Church People's Response-Eastern Visayas na pinagbabaril sa Abuyog, Leyte noong Pebrero 27; at sina Carlos Barsolaso, 38 at Charlie Gabriel, 24, mga kasama ni Fr. William Tadena na pinagbabaril din noong Marso 13 sa La Paz, Tarlac.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|