Di makataong pagtrato kay Ka Parago, kinundena
Kinundena ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang di makataong pagtrato ng rehimeng Estrada kay Leonardo Pitao, na mas kilala bilang Ka Parago Sandoval, pinuno ng Merardo Arce Command na siyang panrehiyong yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Katimugang Mindanao.
Anang NDFP, ang patuloy na pagkakait ng rehimen sa mga batayang karapatan ni Ka Parago ay garapalang paglabag sa Geneva Conventions at mga umiiral na protokol hinggil sa pagtrato sa mga bihag ng digma. Si Ka Parago ay inaresto ng mga elemento ng Military Intelligence Group (MIG) at 73rd IB sa pamumuno ni Kol. Eric Palabrica noong alas-11 ng gabi ng Nobyembre 2 sa bahay ng kanyang asawa sa Barangay Bago Gallera, Lunsod ng Davao. Kapiling noon ni Ka Parago ang kanyang asawa at limang anak. Bagamat walang kasamang ibang gerilya si Ka Parago, animo�y lulusob sa gera ang mga sundalong sumugod sa bahay.
Ayon sa kanya, nasa kalunsuran siya dahil nais niyang ipagamot ang kanyang kanang braso na madalas kumirot dahil sa isang balang matagal nang nakabaon dito. Subalit hindi man lamang ito isinaalang-alang ng militar. Sa kabila ng ganito niyang kalagayan, agad pinosasan si Ka Parago at dinala sa himpilan ng MIG sa Davao kung saan limang oras siyang ipinailalim sa taktikal na interogasyon ng apat na lalaking nakadamit-sibilyan.
Noong umaga ng Nobyembre 3, isinakay siya sa eroplano at dinala sa Maynila, at pagdating doon ay isinakay sa helikopter patungong Malakanyang upang ipresenta kay Tin. Hen. Jose Calimlim, ang hepe ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP). Pagkatapos nito ay dinala siya sa himpilan ng ISAFP sa Kampo Aguinaldo kung saan siya ininteroga mismo ni Calimlim.
Mula nang arestuhin si Ka Parago, pinagkaitan siya ng tulog at pagkain sa loob ng 19 na oras habang tatlong ulit siyang ininteroga ng nagpasalin-salin na mga tim ng militar. Nang pakainin na siya, muli pa rin siyang ininteroga.
Tatlumpu�t apat (34) na oras siyang inkomunikado o pinagkaitan ng karapatang makipagkita sa kanyang pamilya, kamag-anak, kaibigan at abugado. Kahit maagap siyang napuntahan ng kanyang mga abugado sa Kampo Aguinaldo, ilang ulit munang itinanggi ng ISAFP na nasa kamay nila si Ka Parago bago siya inilitaw.
Sa una pa lamang ay trinato na bilang komon na kriminal ang rebolusyonaryong lider. Sinampahan siya ng patung-patong na mga kasong kriminal at pinagkaitan ng kanyang batayang karapatang kilalanin at tratuhin bilang isang bihag ng digma.
Ni hindi inalisan ng posas si Ka Parago nang makaharap na niya ang kanyang mga abugado. Pilit ding nakinig ang militar sa dapat ay pribadong pakikipagkonsultasyon niya sa mga ito. Pinagkaitan din siya ng karapatang magpagamot sa doktor na kanyang pipiliin.
Gayunpaman, sa kabila ng katotohanang pawang sa Davao naganap ang mga komon na krimeng ipinaparatang kay Ka Parago, pilit siyang ibinibimbin sa Maynila, malayo sa kanyang pamilya, mga kamag-anak, kaibigan at kasama.
Ang makahayup na pagtrato kay Ka Parago ay lantarang kabaligtaran ng naging makatao niyang pakikitungo sa dalawang militar na naging bihag ng digma, sina Hen. Victor Obillo at Kapt. Eduardo Montealto. Si Ka Parago ang tumayong pinuno ng yunit ng BHB na nangalaga sa dalawa.
Bilang tagapangalaga nina Obillo at Montealto, matamang tumalima si Ka Parago sa mga itinatakda ng Geneva Conventions at mga pandaigdigang protokol, sa mga patakaran ng BHB at sa Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas. Ito�y sa kabila ng hirap ng kalagayang dulot ng pagtugis sa kanila ng mahigit 4,000 tropang militar na ipinadala ng rehimeng Estrada sa bigo nitong pagtatangkang bawiin ang dalawang bihag ng digma.
Hindi kailanman makatatamo ng katarungan si Ka Parago mula sa isang rehimeng garapal na lumalapastangan di lamang sa mga batayang karapatan ng mga nadadakip nitong mga rebolusyonaryo kundi sa karapatan ng lahat ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis.
Tanging ang lahatang-panig na pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan ang makapagpapalaya at makapaggagawad ng katarungan kay Ka Parago at sa lahat ng iba pang bilanggong pulitikal sa bansa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|